Byahe pa-Ateneo para sa mga Libro

books

Pangga Gen /Grasya sa Isang Tasa ng Tsaa _______________________Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-1000 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob - ligaya man o lumbay.
Pangga Gen /Grasya sa Isang Tasa ng Tsaa
Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-1000 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob – ligaya man o lumbay.
Kabilang-dulo ng mundo ang turing ko sa Diliman at Katipunan. Mala-epiko ang byahe mula Vito Cruz-Taft. Baon ko ang kaba noong Lunes nang hapon habang sakay ng taxi. Ngunit higit sa lahat, ang pananabik: isa pang bagong aklat ng mga tula ni Allan Popa ngayong taon, at sa Ingles, ang Drone (kabibili ko lang din noong Agosto ng kanyang Laan, DLSU Press), ang Labi, isa rin, pang, aklat ng mga tula ni Kristian Sendon Cordero, (ilalabas din ng UST Press ang kanyang Canticos) na matagal nang kaibigan at abala rin ngayong taon sa unang pelikula para sa Cinema One, at ang unang aklat ng mga tula sa Ingles ni Mikael de Lara Co, ang What Passes for Answers. Ka-Facebook ko siya at iyon ang maalala kong una naming pagtatagpo in face time, ang pagpa-autograph ko sa kanya.

Lalong naging makabuluhan ang aking pagdayo dahil nadagdagan pa ito ng isa: ang unang aklat, isang nobela – Grand Prize sa Palanca – ni Allan Derain. Mula rin mismo sa kanya! Matagal na itong inaabangan ng lahat. Sabi nga ng isa ring kaibigan sa Facebook, pamagat pa lang, kapana-panabik na: Ang Banal na Aklat ng mga Kumag (Cacho Publishing).

Salamat, ‘Kristal na Uniberso’ [Rolando Tinio]! Ang kaba sa anumang sakuna ay naging kaba lamang; pulso para higit na maging mapagmatyag, hindi lamang sa panlalansi ng kapwa, kundi sa kung bakit naging matakutin itong sarili, hindi na kaagad-agad nagtitiwala.

Si Edward Hirsch ba ang nagsabi na ang tula ay isang tulay? [‘Message in a Bottle’ sa How To Read a Poem and Fall in Love with Poetry] Dito nagtatagpo ang makata at ang mambabasa. Pinapaniwalaan ng marami, kung hindi man ng lahat ng manunulat, na ang pagsusulat – lalo na ang paglathala – ay isang pag-aalay ng sarili. Ang akda bilang espasyo ng pakikipagrelasyon. Ang akda bilang posibilidad ng ekspansyon kapwa para sa manunulat at mambabasa. Dahil nagpapatuloy ang buhay, magulo ang mundo, palaging may kulang sa sarili at salita: kailangan ng paglikha, ng manlilikha, ng pagpapakahulugan.

Itong mga kapwa manunulat, sa kani-kanilang akda, nagpamalas ng paglampas sa nakasanayan – sa convenience at comfort. Kitang-kita ito sa masusing pag-iisip hindi lamang sa laman ng aklat kundi maging sa pabalat at kabuuang disenyo. After all, we still judge the book by its cover, right? Sa ganang akin, pati sa font.

Higit kong nararamdaman ang pangangailangan sa mga libro ngayong araw. Siguro dahil parang walang katapusan itong pag-ulan. Siguro dahil parang hindi na ako marunong magsulat na gusto kong magbasa nang magbasa. Iyung malasing sa mga salita ng mga kapwa-manunulat para sa hindi pa mawaring kaligtasan sa kung saan at anong panganib. Siguro dahil parang takot na akong magsulat: malaking responsibilidad (nga pala) at parang mapanganib ang aking mga pinag-iisipan. Siguro dahil kailangan ko pang mahanap ang wika at istilo at tono para sa mga kinikimkim na tinuturing na ’emotional truth.’ Siguro dahil tumatanda na ako, at parang nauunawaan ko na ang katahimikan. Hindi iyong katumbas lamang ng peace at solitude. Kundi ang pananahimik ng mga matatanda, ng mga lalaki, nga mga inang naulila, ng mga magkasintahan na naghiwalay, ng isang sundalong nakabalik mula sa giyera.

2nd year college ako nang mabasa sa salin sa Ingles ang Metamorphosis ni Franz Kafka. Halos 16 taon na, at/pero ngayon ko lang nasasabi sa sarili na parang naiintindihan ko na (nga) ang kanyang bida na si Gregor Samsa. Sa Amazon, narahuyo ako ng pamagat ng libro na Packing for Mars ni Mary Roach.

Totoong kahoy (na) ang bago kong bookshelf. Gayunman, nagbabalak akong mamigay ng marami pang bagong libro sa mga batang manunulat (sa edad). Kahit iyung mga gustong-gusto ko. Para bang kapag/dahil nabigyan na ako ng isang libro ng isanlibong ligaya, sige, humayo ka — magpaligaya ka (rin) ng iba. Gusto kong palaging may puwang para sa mga bibilhin pang libro ang mga estante. Para sa mga librong sinusulat pa lang ngayon ng marami pang manunulat sa iba’t ibang bansa. Sa mga susulatin ko (pa).

Sa taxi pauwi, may text message galing sa bahay sa probinsya; update ng kapatid sa ginawa nilang pagdiriwang ng ika-66 na kaarawan ng Tatay. Hindi ko pa nasusulat ang Tatay. Hindi ko pa maisusulat ang paniwala naming magkakapatid sa mga bagay-bagay na nauunawaan na namin sa kanya. Salamat at sa ngayon, may mababasa akong apat na alay mula sa mga kaibigan at kapwa-manunulat.

4 thoughts on “Byahe pa-Ateneo para sa mga Libro

  1. Nakakainspire po talaga yung passion and approach niyo sa literature, Ms. Gen. I love listening to your lectures and sharings sa class, pati na rin po pagbabasa nitong mga recent blog entries niyo in Tagalog kasi kahit na bakas po yung expertise niyo hindi pa rin nawawala yung “human element” sa mga sinasabi and sinusulat niyo (tulad nalang sa blog entry na ito). And that’s the kind of scholar/critic/writer that I want to be. :) Sorry po sa pagfa-fangirl pero I just want to express my gratitude kasi dahil po sa inyo namotivate po ako to work harder for my MA degree. :)

    Like

  2. Mas mainam na ngayon ang sumakay sa LRT II mula Taft papuntang Katipunan at maari na ring lakarin ang papuntang gate 2 ng Ateneo mula sa istasyon ng tren. Mabuti na lamang at hindi mo naalalang magsuot ng Green Archers jersey.
    Harinawa balang araw kagaya mo ay magkaron din ako ng pagkakataong magpakalunod sa pagbabasa ng mga aklat mula sa mga batikang Pilipinong manunulat.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.