Tala sa Talinhaga ng Sarili

Hindi ako naging tapat sa aking balak. Hindi ako nakapagsulat araw-araw tulad ng ninais ko. Dinagsa ako ng imbitasyon para magkape at mag-dinner. Tinawag ako ng mundo at nakihalubilo ako. May mga panahon noong mga nakaraang taon – magpahanggang ngayon, sigurado ako habambuhay na, at higit na ngayon – na ayaw kong makipag-usap at makipagkita…

Byahe pa-Ateneo para sa mga Libro

'Higit kong nararamdaman ang pangangailangan sa mga libro ngayong araw. Siguro dahil parang walang katapusan itong pag-ulan. Siguro dahil parang hindi na ako marunong magsulat na gusto kong magbasa nang magbasa. Iyung malasing sa mga salita ng mga kapwa-manunulat para sa hindi pa mawaring kaligtasan sa kung saan at anong panganib. Siguro dahil parang takot na akong magsulat: malaking responsibilidad (nga pala) at parang mapanganib ang aking mga pinag-iisipan. Siguro dahil kailangan ko pang mahanap ang wika at istilo at tono para sa mga kinikimkim na tinuturing na 'emotional truth.' Siguro dahil tumatanda na ako, at parang nauunawaan ko na ang katahimikan. Hindi iyong katumbas ng peace at solutide. Kundi ang pananahimik ng mga matatanda, ng mga lalaki, nga mga inang naulila, ng mga magkasintahan na naghiwalay, ng isang sundalong nakabalik mula sa giyera.'

Grasya sa Isang Tasa ng Tsaa

Kaya naging katulad ako ng bida ni Barberry: napansin ko ang karaniwan - ang nariyan lagi sa araw-araw: ang mga libro sa sala. Narinig ko ang hagunos ng habagat sa labas. Ano pa ba ang maisusulat ko tungkol sa ulan?Matagal ko nang nasabi na hindi na ito romantiko; hindi na ang paghihiwalay o muling pagtatagpo ng bidang babae at lalaki sa pelikula ang aking nakikita kundi ang Tent City sa Compostela Valley sa Mindanao at mga dambuhalang bato sa isang malawak na lupain, animo'y isang ilog, matapos tangayin ng malaking baha ang isang buong barangay. Ang Bayani Challenge, ang Team La Salle sa Gawad Kalinga.