Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-1000 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob – ligaya man o lumbay.
Ganito nga siguro ang buhay: pakikipagrelasyon sa kapwa at mundo, at pag-iisa. Nakikipagrelasyon tayo para maging Buhay ang Salita, maging Laman ang Katawan, Talino ang Utak, Damdamin ang Puso, Banal ang Kaluluwa at pagduruguan ang naknak nito sa pag-iisa. Bakit nananahimik ang isang tao? Marahil, dahil nasaktan na siya. Marahil, dahil naunawaan na niya, at naniniwala na dito: na mag-isa ka lang naman talaga sa buhay. Kaya makikipaghalubilo ka uli. Patuloy na magmamahal.
Nag-order ako ng steamed talaba. Nasa trapik pa mula airport papunta sa isang hotel sa Makati ang kamag-anak na nang-imbita mag-dinner. Dito sa Via Mare sa Greenbelt 1 ang usapan namin, halos 2 oras na akong naghihintay. Inagahan ko ang punta dahil ayaw ko rin ma-trapik. Matakaw ako sa talaba at 8 piraso lang ang isang order, higit 250.00. Palagi, di ko maiwasang ikumpara ang dami at presyo ng isang order ng talaba sa Iloilo. Ganito tayo sa distansya: tinatawid ang gutom sa kung ano ang nariyan, mahal man ang kabayaran: pagkasira ng pamilya sa mga nagkakaroon ng bagong ka-relasyon kapag nasa abroad, o pagnipis ng pitaka sa halaga ng talaba sa Manila. Anu’t ano, kailangan ang pagpasensya at pag-unawa, dahil na-trapik din maging ang iba pang kamag-anak. Mabuti na lang at sanay akong mag-isa, kahit nasa loob ng restaurant.
Gustong makipagkita nitong kamag-anak, hindi lamang dahil balikbayan, kundi dahil kasama niya ang kanyang palangga. Ipapakilala, mag/nagpapakilala, sa buong angkan. Nang magkaharapan na, magkakilala na pa sila ng iba, sa Facebook pa lang at Skype. Naisip ko: mabuti naman itong hatid ng palangga na ito ng kamag-anak: natipon niya kami.
At nadagdagan ang talaba ng bulalo, rellenong bangus, kare-kare, kaning kalkag.
Bago ko nasulat ito, napasa ko na ang blurb para sa nobela ng isang batang manunulat, nasagot ang maraming email, at natapos ang unang artikulo sa Ingles para sa Iloilo Metropolitan Times. Naimbitahan akong maging kolumnista. Mabuti na rin, naisip ko, mas makakapagsulat. Dahil palagi, takot na rin akong magsulat, tinatamad magsulat, parang di na marunong magsulat. May iba pa akong natapos isulat, at may mga hindi pa rin nasulat at natapos, lalo na ang matuturing na mas ‘mahalaga’ kung return of investment sa oras at enerhiya at talino ang basehan: bagong kuwento na sinisingil na ng isang pabliser, proposal para sa funding ng isang astig na kolaborasyon, at ang pangalawang nobela na ilang beses nang na-extend ang deadline. Palagi, nariyan ang pakiramdam na hindi ko pa nasusulat ang talagang gusto kong isulat, ang dapat isulat, halimbawa, ang tungkol sa nabasa kong journal ng isang sundalo. Dala-dala ko ang kaisipan na baka isang araw, mamamatay na lang ako at hindi ko pa rin naisulat ang tingin ko napakagandang kuwento tungkol doon. Madalas, hindi naisusulat ang kung ano talaga ang totoo. Ang kung ano ang totoo, ‘yan pala ang wala sa status update ko. Kapag totoo pala, hindi kaagad-agad maibahagi. Gusto mong namnamin, pakakaingatan, baka kapag nabigkas mo na, tulad sa mga lumang kuwento, mawawala. Kaya sinusubukan kong magsulat araw-araw, isang paghuhuli sa mga talinhaga mismo ng sariling buhay.
Hi, Kat. Sure. Many thanks sa feedback na may resonance.
LikeLike
Nakakarelate ako Ma’am, matakaw rin ako sa talaba.
Pwede ko po ba kayo iquote sa sinabi niyong, “Madalas, hindi naisusulat ang kung ano talaga ang totoo. Ang kung ano ang totoo, ‘yan pala ang wala sa status update ko. Kapag totoo pala, hindi kaagad-agad maibahagi. Gusto mong namnamin, pakakaingatan, baka kapag nabigkas mo na, tulad sa mga lumang kuwento, mawawala.” Iseshare ko po sa mga connections ko sa Facebook. Kuhang-kuha niyo po kasi kung ano ang isa sa mga struggle ng mga ibang manunula or aspiring magsulat.
Sana may “favorite” button rin dito tulad nang sa Twitter. :)
LikeLike