Skip to content

Posts tagged ‘Filipino’

13
Apr

Ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual

Nakalimutan kong magbukas ng Facebook at Netflix nang simulan kong basahin ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual. Sakay ako ng bus pauwi sa Manila mula Baguio saan nabili ko ito sa Mt. Cloud Bookshop. Napatili ako nang makita ko ang kopya, tuwang-tuwa, dahil noong isang buwan, nang tinanong ko ang kaibigang Kristian Cordero na dalhan ako ng kopya sa pagkikita namin, wala na raw, naubos na ang kopya nila na binebenta sa Naga. Gusto ko ang ganitong moment, sa bookstore man o sa iba pang espasyo at aspekto sa buhay: ang makita ang matagal nang pinagnasaan sa hindi inaasahang pagkakataon, o ang makita ang akala mo wala na, kaya ang pagkatiyak na angkinin ito, ngayon din.

Sinimulan ko ang pagbasa sa “Terminus,” pangalawang sanaysay bago ang pangsarang “Kilometer Zero.” Pakiramdam ko, makailang beses akong namatay at muling nabuhay. Hindi lamang sa kuwento kundi sa galing mismo ng pagkukuwento ni Pascual: mahusay na gamit ng lengguwahe, epektibong pagbubukas at pagsasara, ang pagbalanse sa bigat ng laman sa organikong reflective na tono kaya ang hagod at daloy ng pagkukuwento sa pahina, at higit sa lahat, ang maturity at sincerity. Nang matapos ko ang unang sanaysay, ang “Animalia,” at makarating sa “How to Remember Larry,” nasabi ko sa sarili: gusto ko siyang makilala.

Umulan, malakas, nang sa Valenzuela na kami. Pambihira sa buwan ng Abril. Gayunman nakakatuwa dahil natimpla nito ang init ng panahon. Isinara ko ang libro. Umuulan, nasa bus ako, may bintana: kailangan kong namnamin ang ganitong mga pangungusap ni Pascual:

“Talk to me about survival.”
“Tell me what the world means to you.”

Maraming libro ang nasimulan kong buklatin at basahin, pagkatapos, itatabi. Saka na uli kapag natapos ko na ang mga dapat mas unahin. Pero hindi itong libro. Gusto ko ito: ang muling ma-possess ng pagbabasa. Iyong pakiramdam na kailangang matapos ko siya para makapokus ako sa klase kinabukasan, ang huling araw ng klase namin sa DLSU. Kaya matapos maayos ang mga gamit, nakaligo, nakapagluto at nakakain, muli ko itong binasa sa kama.

Dinala ko ito kinabukasan sa opisina at inabala ang mga kaguro sa pagbabalita: “Oy, basahin n’yo, ang galing, ang sarap basahin!”

Naalala ko: may mga kopya pa sa Mt. Cloud.

Advertisements
4
May

Ang AGUA ni Enrique S. Villasis

Unang libro ng mga tula sa Filipino. Lathala ng Librong LIRA, 20015.

Unang libro ng mga tula sa Filipino. Lathala ng Librong LIRA, 20015.

300 Salita

Ang AGUA (Librong LIRA, 20115) ni Enrique S. Villasis, tubong Masbate, ang dagat sa rehiyon ng ating imahinasyon sa panulaang Filipino. Kalipunan ng tula na nanalo sa Palanca (2011, 2012, 2013) at Maningning Miclat (2011), bumubukas ito sa mga aktibong pandiwa, domestikong imahen at damdamin, malinaw na tesis, kapani-paniwalang argumento, at nagmamarka sa mga pahina bilang liriko, lirikong sunuran, mito, pilosopiya, kritisismo. Isa itong tagay sa tradisyon, na pumipiglas sa iisang pangalan at pag-ngalan, sapagkat malay at nagsasa-praktika ng inobasyon, sa lengguwahe at anyo.

Hindi lamang ito ang dagat na dinadayo sa bakasyon at/o binabalikan dahil sa mga alaala ng kabataan. Ito ang dagat ng identidad, ng pagkakilanlan. Ani ng kanyang tauhan sa “Estrella del Mar”: “Batid ko ang pag-ibig/Sa pagbalikwas ng mga alon.” Sa “Tagiwalo”: “Sa libo-libong bula matatagpuan mo ang iyong sarili: basal at hubad.” Sa “Frogman”: “Sa panaginip, nagliliwanag ang pasilyo ng lumubog na barko. May nakaturo sa kabilang isla: Hayun, at nabubuhay ang matandang katedral sa ulap sa pagbisita ng kidlat.”

Isang poetika ng ating arkipelago ang AGUA ni Villasis na nagbabanta laban sa paglimot at pagpabaya. “Warship” ang pamagat ng panguna niyang tula – nagbabalik sa atin sa panahon ng mga Hapon, saan ang “ikaw” na kinakausap ng tauhan ay isang “nilimot na bangkay sa ilalim ng laot habang patuloy sa pagdanak/Ang iyong mga sugat ng makukulay na kislap ng mga isda.” Nagtatapos naman ang koleksyon sa “Barko.” Isang pagbibigay-hasang sa pamilyar at ordinaryo na imahen sa ating mga daungan saan, “Sa pagkahimpil nito sa laot,/Retirado itong ang tanging hiling ay isa pang paglalayag,/Isa pang paglalayag bago ang huling paghuhusga.”

Sa pagbasa ko ng AGUA, parang nilublob ko ang sarili sa isang malaki at malalim na aquarium saan nakapag-snorkeling ako, hanggang makapag-deep sea diving! Nalasahan ko ang alat ng tubig-dagat sa aking balat, lalamunan, mga mata.

%d bloggers like this: