“Ingat, May Buwaya”
Genevieve L. Asenjo
1
Nagiging marahas ako kapag kabisado ko ang wika. Halimbawa, kapag walang brewed coffee sa canteen: ohmygodwhatthehell!why can’t they invest on coffee maker?Halimbawa pa, sa coffee shop, pero wala namang choice ng brown sugar: ohmygod, don’t they know white sugar is terrible?Marami pang halimbawa: sa traffic, sa counter sa cashier, sa pila sa ATM, sa pag-connect sa wifi, sa pag-download sa internet. Hindi ko na kailangang mangapa ng mga salita, na ngayong mga araw, pag-iisip. Bratatatatat na lang. Blah-blah-blah-blah. Kokak-kokak-kokak.
Lunes ngayon, pinakamahirap mag-isip. Madaling maging terorista sa salita. Kaya susubukan kong maging bulaklak.
Nakapa ko sa isip ang isang tangkay ng lilang orkidyas sa bakuran ng aking lola doon sa probinsya noong bata ako. Umupo ito sa plorera sa aking mesa, sa gilid ng laptop, katabi ng mga folder ng papeles. Hello, how are you? Bati ko. Long time no see…but now see now. Narinig ko ang halakhak ng mga tiyo at pinsang lalaki sa linyang ito. Hapon, nag-iinuman sila sa tiyangge sa harap ng bahay ni lola sa probinsya. Bumaba kami sa bus ng tatay. Dito na muna ako titira at mag-aaral. Patay na si Nanay at magsa-Saudi siya.
Ito ang ibig sabihin ng mga magulang sa akin: punongkahoy na hindi ko maakyat, may mapait na bunga; kinukutya’t iniiwasan. Tinitigan ko ang tangkay ng lilang orkidyas. Maganda ito. Ninanakaw. Inaangkin. Dito muna ako. Ngayon na.
Ipagpatuloy ang pagbasa sa pag-klik ng buong kopya: AsenjoGenevieve_IngatMayBuwaya