Tapos na ang Anihan
Jubelea Cheska Copis
Nabubuhay siya sa mga bagutbot at kaunting uhay. Kasabay ng mahapding sikat ng araw na dumadampi sa kanyang balat ay ang pagpatak ng mga malalaking butil ng pawis sa kanyang pisngi. Araw-araw ito, ang paghalik ng mabigat at makating sako sa kanyang balingkinitang balikat. Makikita sa kanyang sunog na likod ang nagkalat na bungang-araw at mga pantal dulot ng bagutbot.
Matapos niyang matipon at mapuno ang isang sako ay nilakad niya mula taniman papuntang tindahan kung saan may pakiluhan, saka niya ito ibebenta; tag-trese ang kilo. Makabebenta siya ng siyam na kilo, hindi na masama basta’t may pansilid sa kanina pa nagrereklamong sikmura. Kagabi pa nga pala ang huli niyang kain, alas dos na ng hapon ngayon. Ang balak niya sa pera ay ibibili ng noodles at isang kilong bigas, sakto pangisang linggo. Aba, sa minahal ba naman ng presyo ng bilihin ngayon, ang dalawang daan ay one way lang.
Habang naglalakad pauwi ay nakaramdam siya ng pananakit sa talampakan. Tag-init ngayon kaya tigang ang lupa, lumilitaw ang mga matulis na bato sa lubak-lubak na kalsada—masakit lalo na’t nakapaa lang siya. Masyado ng makapal ang kalyo nya sa talampakan para bumili pa ng tsinelas ngunit ngayo’y nagsusugat ang paa. May kalayuan pa papuntang kubo kung saan siya nakatira. Pinagtagpi-tagping kawayan, yero, trapal at plywood ang kanyang kubo. Pagkarating ay kinuha ang lighter sa bulsa at sinindihan ang mitsa. Nilagay ang pinamili sa lamesitang plywood at pinaandar ang radyong de baterya. Ang sabi sa radyo, “Oil price hike, mabibigyang bisa bukas, alas kwatro ng madaling-araw. Tataas ng piso ang bawat litro ng gasolina.”
Napabuntong-hininga siya. Wala siyang sasakyan, hindi rin sumasakay, ngunit apektado siya. Nasabi niya sa isip, Mahal na naman ang gasolina, susunod na ang bilihin sa palengke.
Nagpakulo siya ng tubig sa nag-iisang kaldero. Ipangluluto niya sa noodles pagkatapos ay magsasaing na siya. Isang beses sa isang araw lamang siya kumain. Kailangang magtipid, lalo na’t patapos na ang anihan. Problema pa’y hindi umuulan, walang balak ang mga tao na magdouble. Iniisip niya kung anong raket na naman ang papasukin kapag wala nang makuhaan ng bagutbot. Maya-maya pa’y umusok ang kaldero, kumukulo na ang tubig. Binuhusan ng tubig ang noodles sa mangkok, at nagsaing. Patuloy ang pagtalak ng radyo. Mga balitang hindi na bago sa pandinig, “Isang babae natagpuang patay sa damuhan ng Lindero, Dao, Antique. Suspek ay patuloy na hinahagilap ng pulisya.”
Napahagalpak siya ng tawa. May balita pala sa karatig baranggay nila. Napakabilis ng media, kung makahagilap ng mga peklat ng Pilipinas. Paano pa’y tayo mismo ang ginigisa sa sariling mantika. Mabuti na lang at sa bukid siya nakatira, tahimik, walang masyadong magtatangkang pumunta. Narinig niya ang pagkulo ng tiyan, saka pa lang naisipang tingnan ang sinaing. Sa wakas, luto na, ninamnam niya muna ang bango ng kakaluto pa lang na kanin. Tumingin siya sa maliit na orasan sa tabi ng radyo. Mag-aalas sais na nang hapon. Naghugas na siya at kumain, matutulog siya nang maaga. Masyadong napagod sa buong araw na pambabagutbot. Maaga ring aalis bukas para maghanap ng tanimang bagong ani. Pagkatapos kumain ay naghugas ng pinagkainan at nagsindi ng yosi. Nagpahangin saglit, pampababa lang ng kinain. Medyo napaubo siya sa usok ng sigarilyo. Nakakabingi ang gabi, dagdag pa ang blangkong langit. Nahiya siguro ang mga bituin na lumabas, nagsipagtago. Maya’t maya ay papaluin niya ang binti o kaya’y ang braso. Malamok na sa labas, sa isip niya. Inihulog ang upos sa lupa at inapakan, pagkamatay ng baga ay pumasok na siya. Napahikab siya, hindi nagtagal ay nakatulog na.
Kinaumagaha’y nagising siya, mga alas singko ng madaling araw. Ito ang set ng body clock niya.
Naghilamos lang ito at nagmumog. Kinuha ang sako, itak, at bilao. Bago umalis ay nakinig muna siya ng balita. Medyo madilim pa rin naman sa labas kaya napag-isipang mamaya na lumakad. Narinig niya na naman ang mga balita na naibalita na kahapon, ang suspek sa babaeng natagpuan ay tinutugis pa rin. Napatikhim siya para maklaro ang lalamunan. Maririnig ang pagtilaok ng tandang na gumagala sa taniman. Pinatay niya ang radyo at isinara ang pinto ng kubo. Napabuntong-hininga siya, panibagong araw at mauulit na naman ang nangyari kahapon kagaya ng mga balita sa radyo kanina. Pupunta sa taniman, mambabagutbot, magpapakilo, bibili ng pagkain, magluluto, matutulog. Kagaya ng suspek sa pagpatay ay tinutugis niya rin ang pag-asa na makaahon sa hirap.
Pagkarating sa taniman ay dumakot ng palay, at pinahanginan. Inaasahan niyang mas madami ang matitipon ngayon. Medyo sumasakit na ang tirik ng araw at namumuo na ang pawis sa kanyang noo. Kailangang mas madami ang kita para mapantayan ang nagmamahalang bilihin. Unti-unti niyang nararamdaman ang pagtuyot ng lalamunan, ang pagkahapo dulot ng alikabok at init. Maya-maya pa’y maririnig ang wangwang sa kalsada. Nagtaka siya kung bakit parang may nagpapatrolya. Naalala niyang may hinahanap nga palang suspek sa katabing lugar nila. Palibhasa’y wala naman siyang pakialam sa mga nangyayari sa bayan, dagdag pa’y tagabukid siya, o hindi rin siya nakikiosyo sa mga tao sa baranggay.
Saktong bubuhatin niya na ang sako ng natipong bagutbot, lilipat na siya sa kabilang taniman. May mga nagtitresher sa unahan, mas maraming makukuha dahil bagong ani. Maya-maya’y makikita ang mga pulis na naglalakad sa taniman papuntang dako nila. Nagtinginan ang mga magsasaka, pati siya’y napakunot-noo ngunit nagpatuloy sa paglakad. Habang naglalakad ay bigla siyang hinarangan ng dalawang nakaunipormeng pulis. Hinablot ang kamay at nilagyan ng posas. Sa lakas ng pagkahablot ay tumilapon ang sako at nagkalat ang uhay. Kinaladkad siya na wala man lang kaalam alam kung bakit ito ginagawa sa kanya. Nagtawanan ang iilang magsasaka, sinubukan niyang pumalag ngunit matipuno ang mga pulis, hindi niya kaya. Dinala siya sa presinto, naghahalo ang pawis at luha niya. May mga media, ang isa ay sumubok na lumapit para daw mainterview siya tungkol sa krimen. Ipinasok na siya sa kulungan, may mga kriminal din, nanlilisik ang tingin sa kanya. Habang naglalakad ay narinig ang balita sa malakas na radyo sa presinto.
“Suspek sa babaeng natagpuan sa damuhan ng Lindero, nahuli na.”
Napatulala siya. Napakabilis ng media, kagaya ng paghatol sa kanya na wala man lang proweba. Wala man lang siyang kaalam alam sa mga pangyayari, at hindi niya rin maintindihan ang pagkahuli sa kanya. Sa pagtigil ng pagtutugis ay paglabo din ng kanyang paghahanap sa pag-asa. Kasama na rito ang pagkawala ng hustisya, sa kanyang nabubuhay pang kaluluwa. Ngayo’y nag-iba na ang balita sa radyo, at ang takbo ng kanyang pangaraw-araw. Napahagalpak siya ng tawa, maya’t maya’y napahikbi. Sa kanyang pagyuko ay nakita ang isang butil ng palay sa sahig. Dito na siya mabubuhay, wala nang bagutbot at bagong ani. Tapos na ang anihan, wala nang ulan, at tumigil na sa katatalak ang radyong de baterya.
Naiwan sa taniman ang bilao, at ang sakong punit.