Byahe pa-Ateneo para sa mga Libro

'Higit kong nararamdaman ang pangangailangan sa mga libro ngayong araw. Siguro dahil parang walang katapusan itong pag-ulan. Siguro dahil parang hindi na ako marunong magsulat na gusto kong magbasa nang magbasa. Iyung malasing sa mga salita ng mga kapwa-manunulat para sa hindi pa mawaring kaligtasan sa kung saan at anong panganib. Siguro dahil parang takot na akong magsulat: malaking responsibilidad (nga pala) at parang mapanganib ang aking mga pinag-iisipan. Siguro dahil kailangan ko pang mahanap ang wika at istilo at tono para sa mga kinikimkim na tinuturing na 'emotional truth.' Siguro dahil tumatanda na ako, at parang nauunawaan ko na ang katahimikan. Hindi iyong katumbas ng peace at solutide. Kundi ang pananahimik ng mga matatanda, ng mga lalaki, nga mga inang naulila, ng mga magkasintahan na naghiwalay, ng isang sundalong nakabalik mula sa giyera.'