Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-1000 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob – ligaya man o lumbay.
Sa ganito nag-uumpisa: Wala nang silbi ang telebisyon pagkatapos ng DSLU vs UST#UAAP76Finals kahapon. Nakapag-Tweet na ako nito: Ganito lang ang masasabi ko sa Game1: mas gwapo ang Archer na Teng. Mas mahaba-haba ang na-post ko sa Facebook, nadamay pati ang siyam na buhay (lamang daw) ng pusa. Mas umani ito ng Like at Comment mula sa mga La Sallian, s’yempre. Habang, balik tayo sa Twitter, abala ang kaibigan at kapwa-manunulat na Atenistang si Edgar ‘Egay’ Calabia Samar [@ecsamar] sa pag-quote ng mga linya sa nobelang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag [#kumag] ni Allan Derain, bago mula sa Cacho Publishing House ni Ramon C. Sunico.
Nakahilata ako sa sofa sa sala. ‘TV Patrol’ na ang palabas. At bigla akong nainis. Parang pag-uulit na lamang ng mga balita mula sa social media [siguro dahil pamilyar ako] at imbes na pagtuunan ang iba pang kaugnay na isyu sa pork barrel at korupsyon [mas malalim at matapang naman na analisis, kunsabagay, hindi na lang naman kayo nagre-report lang], bida ang balitang showbiz. At ano, halimbawa, ang pakialam ng mga taga-probinsya sa UAAP?
Iyon at dinampot ko ang isang aklat sa aking tabi [nariyan lang ang mga bagong aklat sa tabi-tabi para masimulan na sa ganitong mga moment habang nagpapahinga]. Dahil mega-tweet si Egay [aba, effective promotional platform nga], binuksan ko ang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag.
At ito ang tumambad sa akin, ang dedication ni Allan, isang magandang sulat-kamay sa itim na tinta:
May mutya sa anyo ng isang alitaptap ang hinuli sa kathang ito at naghihintay para sa iyo. Maligayang pagdating sa mundo ng mga kumag!
Kumag, kumag, kumag! Sino ka? Ano ka?
Nilalaman pa lamang, sumikdo na ang aking sikmura. Kailangan ko nang simulan ang aking night beauty routine para maupuan na ito. Hindi na ako makakapaghintay ng weekend. Kaya naman pala mega-tweet na si Egay!
Bago pa ako maghilamos, binasa ko na ang Introduksiyon ni Jun Cruz Reyes na ‘Kung Paano Maiiwasan ang Pagkakasala sa Pagbabasa sa Banal na Aklat ng mga Kumag.’ Naisip ko: pagkatapos ni Cirilo F. Bautista, maliban kina Isagani R. Cruz, Leoncio P. Deriada, at Merlie Alunan, si Jun Cruz Reyes ang aking National Artist. O siguro kung may grupo ang mga batang manunulat sa Filipino [parang Young Critics Circle] na pipili ng magiging National Artist, si Jun Cruz Reyes ito. Kung may kokontra o maghahamon sa kung bakit, kailangan niya lamang basahin ang Introduksiyong ito.
Naku, baka mapapahamak ako sa Reality Show na ito ng Dakilang Mambabasa! Ha-ha-ha-ha.
O, siya, dito na lang muna. Ang gaganda ng mga guhit! Napaka-talented ni Allan! Hanggang bukas. Mga kumag!
ito po ba ang tunay na storya?
LikeLike