Mga Nagustuhan Kong Libro ng 2019: Kulto ni Santiago(Cordero), The Next Great Tagalog Novel(Derain),Tiempo Muerto(Hau), Kung Ang Siyudad Ay Pag-ibig(Piocos)

Mga Nagustuhan Kong Libro ng 2019: Kulto ni Santiago(Cordero), The Next Great Tagalog Novel(Derain),Tiempo Muerto(Hau), Kung Ang Siyudad Ay Pag-ibig(Piocos)

Genevieve L. Asenjo

Kuha ni Pangga Gen

Sa Pagbabasa, Ngayon

Binago ng social media at Netflix ang aking reading habits. Na-unburden din ako nito sa melancholia ng libro. Samahan pa ng serye ng kalamidad at katotohanan ng climate change, wala na rin akong pagluluksa: sige, sa’yo na kung talagang gusto mo; tapos ko na basa, sa’yo na.

Short attention span: nagbabasa ako ng pisikal na libro, nakahiga sa sofa, maya-maya dadamputin ko ang iPhone sa tabi at mag-log in sa Facebook, hanggang sa IG, hanggang magka-visual fatigue, hanggang mapagod na at kulang na uli ang oras sa 24/7. Reading takes time, ika nga, and I make time, at sa iPhone na ako madalas nagbabasa.

Kaya malaking bagay itong marami akong nabasa ngayong 2019. Mga libro, at akda ng mga Filipino! [Nabasa ko rin, at subukang ikuwento sa ibang blog, ang Trick Mirror ni Jia Tolentino & Patron Saints of Nothingni Randy Ribay, mga Filipino-American; ang A Month in Siena ni Hisham Matar, at ang In the Dream House ni Carmen Maria Machado).

Marahil dahil maraming kakilala at kaibigang manunulat ang nakapaglabas ng libro nitong 2019. Yehey! At isinasa-praktika ang pagbati sa pagbili ng libro, isang akto ng simpatiya dahil sa bagal at dalang ng publikasyon sa bansa, at sa totoo lang, kakaunting publishing outlet para sa literary title kahit pa nariyan ang mga indie publishing.

15 ang Long List ko. Ikukuwento ko, sa ibang pagkakataon, ang mga ito. Sa ngayon, narito ang natatanging apat:

Kristian S. Cordero, Kulto ni Santiago: Mga Kuwento(The University of the Philippines Press)

Kuha ni Pangga Gen

Ito ang diyalogo ko sa sarili matapos mabasa ang librong ito: “Ito ang marvelous realism. Ito ‘yon; marvelous realism na hindi magical realism, kahit pa parang synonymous sila. Malinaw na marvelous realism ito. H’wag din i-confuse na dahil dito, e, postmodern na. No, this is not postmodern. Realismo itong  Kulto ni Santiago kaya superior dahil hindi na niya kailangang mag-speculate the way speculative fiction is done here.”

Kung gusto ninyong makipag-argue sa akin, o sabihin nating “engage in conversation,” basahin ninyo ang libro at mag-skedyul tayo.

Ito ang naalala ko: “The story is the thing,” sabi ni Lydia Davis sa mga kuwento ng Mexican-American na si Lucia Berlin, ang A Manual for Cleaning Women(2015). Wala akong kiyeme sa pagsabing monumental ang koleksyon na ito dahil sa “the story is the thing” na organikong elemento rito, at kanyang integridad.

Grabedad din. Bayolente ang mga kuwento rito. Madalas, bata ang nagkukuwento, kaya epektibo. Dahil mga kuwento ito ng pagbabaklas, ng pagbabagong-anyo ng kanayunan at isang bansa ang ‘abrod’, ng mga transgresyon. Sa “Kulto ni Santiago” na lamang, may ganitong linya: lasapin: “Tiningnan ko ang ari ng Tatay at naalala ko ang bolang itim na kailangang ipasa ng aswang bago mamatay. Dahan-dahan kong isinubo at nilunok ang ari ng Tatay kasabay nang pagtilaok ng mga manok na naririnig kong parang magkasunod na iyak ng tuko.”

Mahahaba kaysa karaniwan ang mga kuwento rito. Ngunit natapos ko sa isang maghapon.  Ganito ang hila ng marvelous realism ni Cordero, na mga kuwento ng loob at looban(i.e. seminaryo, loob ng van, mga silid sa karnabal at peryahan, mga silid sa bahay, mga lagusan sa prusisyon) ngunit hindi lamang ng sarili.

May pakikinig ang Kulto ni Santiagosa mga trahedya ng pamilya, ng simbahan, ng bayan, ng bansa. At sa husay ng wika at dulas ng daloy ng pagkukuwento, naipapakita ni Cordero sa mambabasa ang katotohanan sa mga sitwasyon na kapana-panabik, kahindik-hindik, dahil, muli, hihiramin ko ang mga salita ni Davis ukol sa pagkukuwento ni Berlin, na wala rin akong duda isang ninuno ni Cordero: “A transformation, not a distortion of the truth.”

Allan N. Derain, The Next Great Tagalog Novel at Iba Pang Kuwento(The University of the Philippines Press)

Kuha ni Pangga Gen

Metacommentary ang mga kuwento rito ni Derain. Dinig ito sa mga titulo pa lamang: “Mas Pinadaling Paliwanag Tungkol sa Panopticon,” “Paputian sa Laba,” “Huling Bakunawa,” “Kung Sino ang Mas Kilabot sa Aswang at Tulisan,” “Hinggil sa Kulam at Katuwiran,” “Magpapandesal,” “Tatlong Kurimaw,” “Batang May Asong Alaga,” at ito ngang “The Next Great Tagalog Novel” na nagtatapos sa isang eksena saan sangkot ang manunulat, at ang totoong tao, na si Jun Cruz Reyes. Oo, nasa loob siya ng kuwento ni Derain, gayundin sina Lilia Quindoza Santiago, Rogelio Sicat, at marami pang personalidad sa panitikan, lalo na ang mga taga-UP.

Dinig ang ginamit ko hindi dahil sa tik-tik ng aswang na isang paboritong sabdyek ni Derain kundi dahil sa tono ni Derain. Kung magka-extra oras & energy ako, gusto kong sumulat ng papel na may pamagat, Tono Bilang Mensahe at Metodo sa mga Kuwento ni Allan N. Derain.

Sa ngayon, ito ang mga Salita na binulong sa akin ng Tikbalang: naaaliw ka sa pagbabasa kay Derain dahil habang babad pa rin ang karamihan sa drama, nasa pangungutyana siya. Ang ibig kong sabihin, mga kababayan, kritisismo ang malikhaing pagsulat ni Derain. Binubura niya ang Great Wall ng creative at scholarly. Borderless ang uniberso ng kanyang mga naratibo. Maging ang kanyang teksto ay hindi lamang salita kundi biswal.

Kung tunog academic ito, ganito: matalas siya sa pagpuna ng mga kabalintunaan at ginagawa niya ito sa paggamit ng wit & humour kaya satirical ang tono ng kanyang mga kuwento. Hal. sa “Paputian ng Laba” na maaaring sabihin komentaryo sa kulturang popular, partikular sa mga palabas sa TV at sa pantasya’t imahinasyon na nadudulot nito sa mga manonood, lalo na ang mga maralita. Kaya sa huli, mga sarili natin ang ating pinagtatawanan. Ito ang isa sa mga gustong mangyari ni Derain at hindi para patuloy tayong malugmok sa kultura ng aliw kundi para maging kritikal tayong mamamayan.

Hangad ko ang pagbasa ng marami pang Filipino kay Derain.

Caroline Hau, Tiempo Muerto: Novel(Bughaw, imprint ng Ateneo de Manila University Press)  

Kuha ni Pangga Gen

Nabasa ko at pinag-aralan si Caroline Hau bilang iskolar. Gusto ko siya, ang kanyang wika at pag-iisip. Kaya nang malaman kong may nobela siya, ang kanyang pinakauna, na-curious ako kung anong reading experience ang maibigay nito sa akin. Lalo pa at ang pamagat ay Tiempo Muerto. Ito ang tagkiriwi na alam na alam ko bilang batang Antique, probinsya sa Panay na pinanggagalingan mula noon hanggang ngayon ng sacada, o mga manggagawa sa tubuhan sa hacienda sa Iloilo at Negros. Lalo na sa Negros Occidental. Hanggang ngayon. Higit na ngayon.

Nabasa ko ito nitong Oktubre. Timing sa palabas ng Tanghalang Pilipino (TP) sa Cultural Center of the Philippines (CCP) na “Katsuri,” ang adaptasyon sa Hiligaynon-based Filipino ni Bibeth Orteza ng “Of Mice and Men” ni John Steinbeck, sa direksyon ni Carlos Siguion-Reyna. Napakagaling ng pagganap ng mga actor ng TP ngunit nakulangan ako sa adaptasyon, sa radikal na kontextwalisasyon para makipagdiskurso sa gahum. It was safe; mas nag-depict kaysa nag-engage.

Dito naiiba ang Tiempo Muerto ni Hau: may pagtataya ito.

Mga babae ang bida ni Hau. Si Racel, isang Singapore-based OFW na nagbabalik para hanapin ang nawawalang ina sa fictional na Banwa (salitang Bisaya para sa bayanng Tagalog, bagama’t ginamit dito bilang partikular na lugar). Transit point niya ang maid’s quarter sa enclave ng old rich sa Manila. Nakalabas man bilang “bagong bayani” na katulong, nariyan pa rin ang multo ng dependency sa mga agalon o amo na mga may-ari ng lupa at maimpluwensya sa local politics. Dumadaloy ang kuwento sa salitan ng naratibo nina Racel at Lia Silayco Agalon, tagapagmana at may hinahanap din, ang kanyang yaya. Si Yaya Alma, Nanay ni Racel. Interestingly, “I” ang POV kapag bahagi ni Racel, siya mismo ang nagsasalita. Pagbibigay boses sa subaltern. 3rd Person POV naman kapag bahagi ni Lia. May panoramic view & atmosphere. Magkaiba sina Racel at Lia, na nagtatagpo. Sa mga pagitan, ang mga multo at sumpa, at ang kasaysayan: mga manuscript ng Banwa na naitago ng pamilya ni Lia.

Kasalukuyan ang narrative time ng Tiempo Muerto. At pinapatunayan nito na foretold na ng mga pangyayari sa nakaraan ang ngayon kung kaya ang “necessary ending” nito.

Dito, sa kung paano tinapos ni Hau ang nobela, kitang-kita ang kanyang kamay bilang iskolar. Conflicted ako. Ang dating sa akin: lohikal bilang ideological decision, contrived bilang creative o stylistic decision. Gayunman, mabuti itong discomfort na hatid ng earnestness at ending ng nobela: generative. Napaisip ako: iyon na lang ba – pa rin – ang “makabuluhang” opsyon o alternatibo?

Kapwa trabaho at produkto ng imahinasyon ang nobela at nasa Rizal(ian) mode (pa rin) ang simula at wakas ng Tiempo Muerto: (mga) bidang nagbabalik sa kanyang bayan, at basahin n’yo ang nobela kung naiintriga na kayo sa ending.

Carlos M. Piocos III, Kung Ang Siyudad Ay Pag-ibig: Mga Tula(The University of the Philippines Press)

Kuha ni Pangga Gen

Mapapaibig ka hindi lamang ng pamagat, ng pabalat, ng mga tula mismo, maging ni Carlos Piocos na makata, kundi ng Introduksiyon ni Raniela E. Barbaza at blurb ni Luna Sicat Cleto. Hayaan ninyong sipiin ko, para sa inyong hindi pa nahahawakan ang libro:

Ani Barbaza: “ Totoong hindi lamang ngayon lumilikha ng “katotohanan” upang makapaghari ngunit ibayo ngayon ang paglikha ng mga “katotohanang” armas na nga ang kalikasan. Sa ganitong kalakaran sa daigdig at sa Pilipinas, higit lalong pangangailangan na bumigkas ng katotohanan. Tinutugunan ng mga tula sa kalipunang ito ni Carlos ang kahingiang ito ng kasalukuyang panahon. Walang pakundagan, walang pangingimi, walang alinlangan, at walang kapatawarang iginuguhit ng mga tula ni Carlos ang totoo: inangkin ng mga may kapangyarihan ang wika mismo’t iniwan tayong mistulang mga katawan na lamang na binura ang mga mukha at inalisan ng pangalan.”

Ani Sicat Cleto: “Sukat at suka ng Lungsod ang mababasa sa mga tula: may katapatan sa damdamin at integridad ng talinhaga, laging sapat at balanse, walang nakaharang o nakapiring sa pagpulso. Kapag tinutulaan ni Carlos Piocos III ang anatomiya ng halik o ang pag-uusisa sa mga iniwang labi, nahahango niya ang buhay na sandali ng pamumukadkad at pag-iral nito. Kailangan natin ng ganitong tinig sa tula sa numang panahon.”

Ano pa ba ang maidadagdag ko?

Isang katawan ang Siyudad ni Carlos Piocos III, ang Mahal na sinusumbatan dahil “nakaligtaan nating magluksa” (“Hayaang Humayo”). Ang Siyudad na isang panahon at kondisyon na naisa-katawan, kaya ang dahas, sa bokabularyo, at sa pag-ukopa ng mga linya sa pahina.

Natapos ko agad basa ito sa gabi ng pagbili. May intensity at urgency ang mga tula sa koleksyon, enerhiya ng Siyudad na isang “shock & seduction” dahil dinadala tayo sa mga “bagong himpapawid,” “bagong dagat,” “bagong siyudad” (“Pamamahay”).

Bago ang mga tula ni Piocos, mga bagong uri ng kahirapan sa bagong kapaligiran: “Araw-araw, uumpisahan niya/ang kanyang umaga sa isang kurot ng tinapay/at madilaw na sabaw, pakikinggan ang masayang/agahan sa hapagkainan habang siya ay magtatago/na parang kasalanan ang kumain sa loob ng kusina” (“Itineraryo”). Bagong politika rin, at estetika.  Walang metapora-metapora kundi lirikal na mga himutok, hinaing, hinagpis, hikbi na “bumibigkas ng isang tula sa di pa natin kilalang wika” (“Itineraryo”), kumakapit “sa’yo habang kapwa tayong nakatulala sa kawalan” (“Mass Grave”), at ang aking paboritong linya: “Hayaan mong maging aking bagong/ nasyonalidad ang iyong pangalan” (“Refugee”).

Hiwa.

Naisip ko: postkolonyal ang koleksyon. Ngunit ano ba ang ibig sabihin nito para sa mga mamamayang katulad natin, mga invisible at disposable na katawan sa Siyudad na kapwa Tagapagsalita at Kinakausap ng/sa mga tula ni Piocos? Narito ang precarity, at ang kaakibat nitong anxiety. Tumpak ang pangwakas na tula, ang “Homo Sacer.”

Natapos ko kaagad basa sa isang gabi ngunit kailangan kong balik-balikan, ulit-ulitin. Walang pagsasawa. Nasa putok at sabog ng mga laman (content) sa linya ang affective power ng Kung Ang Siyudad ay Pag-ibig. Mga modernong poste at bloke ng mga salita; pino ngunit hindi sanitized kaya aural, visceral. Sagana sa pangngalan at pandiwa. Chiseled na mga linya, may masel: charming sa kanilang tigas at bigat.

Poetry gymnast si Piocos. At tama si Barbaza: “Mahirap basahin ang mga tula sa kalipunang Kung Ang Siyudad ay Pag-ibig ni Carlos Piocos III.” Humihingi ito ng kasanayan sa pagbabasa, ng mahaba-habang kasaysayan ng pagbabasa ng isang mambabasa. Ng Oras. Ng Atensyon. Ngunit huwag, huwag kayong ma-intimidate. Itong “kahirapan” ang intrinsic value at atraksyon ng koleksyon.

Pagkukuwento ang pagtutula ni Piocos: walang matalinhaga rito. Mga introspeksyon at imbestigasyon lamang ito ng ating inner lives: “Blotter,” “Cartographic Sketch”, “Self Portrait,”  “Itineraryo,” “Postmortem”, “Postcard,” “CCTV” report. Ang totoo pa, katulad ng isang gymnast, napapadali tingnan ni Piocos ang masusing disiplina na nakapaloob sa pag-iisip at pagsusulat ng koleksyong ito: hindi natin nakikita ang pawis at dugo, sambulat ito ng silakbo ng bawat tula, kinang at kislap ng sensibilidad at talento na hinog sa panahon, hasa ng pakikipagsapalaran sa mga siyudad. Salamat.

Pagbabasa Pa Rin

Pagbabasa ang aking pahinga. Katulad ngayong Pasko. Nakakapagbasa rin, uli, dahil Pasko, pamamahinga.

Pagbabasa, pa rin, para makasulat, uli. Katulad nito.

Muli’t muli, namamangha ako: sa natagpuang pag-iisip at pagdamdam sa mga salita ng kapwa, sa mga katotohanang napagnilayan nila at naitanghal: inaakay nila ako sa kanilang liwanag para makita ko rin ang nakita nila, ma-pangalanan ang mga hindi ko pa nahanapan ng salita, at upang magsulat din ng mga natagpuan kong katotohanan.

Maligayang Pagbasa!

Sa Alaala ni Gilbert Yap Tan, 1956-2019

Mambabasa, Manunulat, Kaibigan

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.