Ang Pagbalay ng mga Binalaybay at Sugilanon sa Internet: Tulong sa Pagpapalawak at Pagpapasigla sa Panitikan ng Kanlurang Bisayas

NI GIL S. MONTINOLA

Si Gil S. Montinola sangka maestro sa Mina, Iloilo nga nagasulat kang mga matimgas nga binalaybay, sugidanun, kag sugidanun-pambata. Isara tana sa atun mga napilian para mangin tagdaug sa Padya Kinaray-a 2011 kag 2012.

Unang-una, isang mayad-ayad na umaga sa inyong lahat. Taboan, sa Hiligaynon tabo (1), na ang ibig sabihin ay magkita o to meet. Taboan. Dito ngayon sa Dumaguete ang ating Taboan.

Hindi talaga maikakaila na sa kasalukuyang panahon maraming nagsusulputang iba’t ibang pagbabago’t inobasyon, lalung-lalo na kung teknolohiya ang pag-uusapan. Ang paglabasan ng samu’t saring gadgets, hanggang sa hindi mo na alam kung ano ang ano sa ano o ang alin sa alin. Digital world, ‘ika nga. Kahit sa pagsusulat at paglilimbag, digital na rin. Papindot-pindot na lang. Kagaya ngayon, ganito na ang nangyayari:

Noon, kung hirap magbasa sa sobrang liit ng font. Ngayon, font style na ang pinoproblema. Kung Arial ba o Comic Sans ang bagay sa binabasa, o Wingdings para mas bongga?

Noon kampanerang kuba ang drama sa dami ng aklat na bitbit. Ngayon, pa-sway-sway na lang sa paglakad bitbit ang gadget at pakiusap maging alerto baka pagsisisihan. Tandaan: kung mabilis ang mga daliri sa pindotan, mas mabilis ang kamay at paa ng mga snatcher na nag-aabang.

Sa pagkukuwento ngayon, maraming outlet ang makikinig sa drama at tatanggapin ang lahat ng mga hinaing sa mundo sa pugkukuwento, pagtutula o kahit ano pang genre ang maaaring itawag mo dito. Katulad na lamang sa Blogspot, WordPress, Tumblr at iba pang mga anek anek sa internet. Karamihan sa atin ngayon ay may access na sa internet. Email. Social networking sites. Lahat na ay may Facebook. Ang makapangyarihang Facebook. Kung malungkot, sandal sa Facebook. Kung masaya, tawa sa Facebook. Kung sa pagkain naman, nauna pa ang Instagram sa pagtikim nito. Kahit na ang pinakasimpleng pagtalon ay i-pi-pi-Facebook o Twitter. Alam ko hindi mo ito ginagawa. Pinapakita lang nito kung gaano kalapad ang sinasakop na oras ng internet sa buhay natin. Pero bukod sa pinapadali ang komunikasyon, sa tulong na rin ng internet, napalapad at masasabi kong nadagdagan pa ang sigla ng aming Panitikan sa Kanlurang Bisayas.

Isa sa mga sumabay sa ganitong pagbabago ay si Dr. Genevieve Asenjo (2), tubong Antique, may-akda ng Lumbay ng Dila, Komposo ni Dandansoy at marami pa. Siya ang tagadumala(tagapamuno) ng balaysugidanun.com. Sinimulan niya ito noong Nobyembre 30, 2010. Sa dalawang taong pamamayagpag ng Balay Sugidanun sa internet ay mahigit-kumulang na sa 150, 000 ang hits and still counting. Sa website na ito mababasa ang mga sugidanun, binalaybay kag panaysayon na lahat ay nakasulat sa Kinaray-a at ang mga ito ay karamihan galing sa mga manunulat na sumasali sa taunang patimpalak na Padya Kinaray-a na bukas naman sa lahat ng mga Karay-a na tulad ko. Dahil sa online ito, worldwide na rin ang access kaya sumasali na rin sa patimpalak ang mga kapamilya, kapuso, kabarkada, at kapatid nating nangibang bansa.

Ngayong Mother Tongue-Based Multilingual Education o MTB-MLE na ang sinusunod na curriculum ng DepEd sa K+12. Bukod sa subject na Mother Tongue, wikang bernakular o kinalkahang wika rin ang ginagamit bilang medium of instruction sa mga subject na Math, Araling Panlipunan at MAPEH sa Grade 1. Malaking tulong ang Balay Sugidanun sa mga guro. Dahil sa biglaang pagbabagong ito, nagbigay na rin ang Balay Sugidanun ng libreng konsultasyon at pagsanay sa mga guro ng Distrito ng Tobias Fornier sa Antique para sa MTB-MLE sa Kinaray-a. At ngayong 2013 ang Padya Kinaray-a ng Balay Sugidanun ay nagbago at nagpokus sa Sugidanun-Pambata(Kuwentong Pambata) dahil ito sa Mother Tongue sa K+12 na kurikulum ng DepEd. At plano ng Balay Sugidanun na sa darating 2015 ay makapublish ng anthology at children’s book sa padayon lang nga pagsuporta.

Tuo hasta Wala: Jayson Eduria Parba (Cagayan de Oro), Gil S. Montinola (Iloilo), Rowena Rose Lee (Davao), TABOAN 2013, Dumaguete City.
Tuo hasta Wala: Jayson Eduria Parba (Cagayan de Oro), Gil S. Montinola (ILoilo), Rowena Rose Lee (Davao), TABOAN 2013, Dumaguete City.

Mababasa na rin online ang mga akda ni John Iremil Teodoro (3), sumulat ng Anghel sang Capiz, Arkipelago kang Kasingkasing at marami pa. Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles. Si J. I. E. Teodoro na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Masigasig siyang kontribyutor ng mga rebyu at lathalain sa GMANEWS Online. Mabibisita siya sa kanyang blog na http://www.jieteodoro.blogspot.com

Nanriyan din si Peter Solis Nery (4), writer, poet, performance artist, filmmaker, nurse at Palanca Hall of Fame Awardee. Itinatag niya ang The Peter Solis Nery Foundation5 noong November 5, 2012. Sabi niya, alam ko kung gaano kahirap ang mga manunulat at mga alagad ng sining sa Pilipinas kaya ko itinatag ang The Peter Solis Nery Foundation for Hiligaynon Literature and the Arts na naglalayong magbigay ng tulong, kalinga at pag-alalay sa kanila…. Sa unang sandaang araw ng Foundation, dalawang libro sa panitikang Hiligaynon ang nailathala sa tulong nito: isang koleksyon ng mga tula at isang kalipunan ng mga maikling kwento. Naglunsad din ang Foundation ng isang patimpalak sa pagsulat ng maikling kwento sa Hiligaynon para sa 2013….6 Malaking tulong ito sa pagpapalawak at pagpapasigla ng panitikang Hiligaynon. Ngayon, sa tulong na rin nga mga networking site nakakukuha kaming mga Ilonggo ng mga update tungkol sa foundation at sa mga patimpalak nito. Mabibisita siya sa petersolisnery.com at puwede ring mabili ang kanyang mga aklat sa amazon.com.

Siguradong mag-i-enjoy ka rin sa mga poetry video ni Marcel Milliam(Palanca winner) aka Luis Batchoy(7) na makikita sa internet. Sabi niya, sa panahon ngayon masyado nang biswal ang mga tao. Wala na silang panahon at pakialam sa pagbabasa ng teksto kaya dapat makipagsabayan ang makata sa hamon at humanap ng paraan upang mapanatiling buhay at makabuluhan ang panunula.

Hindi rin pahuhuli ang Aklanon na si Melchor Cichon(8) sa pagpapalawak ng Panitikang Akeanon. Mababasa na rin sa kanyang blogsite ang buong aklat ng Matimgas nga Paeanoblion, Anthology of Poems Written by Aklanons Edited by Melchor F. Cichon, 2011 sa aklanonlitarchive.blogspot.com. Sa blog na ‘Dawn To Dawn’ (9) mababasa ang koleksiyon ni Melchor F. Cichon na Haiku, Luwa, at marami pa. Bisitahin lang ang anahawleaf.blogspot.com

Sabi nga ni John Barrios, isa sa mga tagapagtatag ng Akeanon Literary Circle (ALC) grupo ng mga Akeanong manunulat, tulad ng pagbabago ng kahulugan ng Panitikan ayon na rin sa pagbabago ng panahon, nagbabago rin ang midyum ng produksyon ng panitikan. Ang pagkakaroon ng teknolohiya at oportunidad na hindi na kailangang dumaan sa nakasanayang proseso ng publikasyon ay isang bukas na larangan para subukan ng mga manunulat. Ang print ay unti-unti nang natatabunan ng digital na texto ng panitikan at marahil ang mas mabagal nitong proseso at istriktong kapamaraanan ay magbibigay-daan rin sa pagkakaroon ng mabilis at maluwag na pananaw ng mga tao sa panitikan (10).

Tulad ko na walang pormal na pinag-aralan sa pagsusulat at sa mga palihan lang talaga kumukuha ng mga kaalaman na maaari kong idagdag sa pagpapabuti ng aking mga Binalaybay at Sugilanon at dahil baguhan pa lang ako sa larangan ng pagsusulat, naging daan ang internet para makahanap at makabasa ako ng mga akda ng mga manunulat lalung-lalo na ng mga taga-Kanlurang Bisayas.

Nandito tayo ngayon sa Taboan para magtabo at mag-isa ang ating mga hunahuna(isipan) nang matib-ong(mapalago) ang mayamang kultura at literatura ng Pilipinas; suportahan ang mga manunulat ng ating bansa; at nandito rin tayo ngayon para mag-isa ang ating handom(pangarap) na mapalago ang sakop ng kamalayan ng bawat manunulat sa ating mga sarili.

Duro gid nga salamat sa pagpamati(Maraming salamat sa pakikinig).

Mga Tala
1. Tabo, http://www.bohol.ph/kved.php?sw=tabo&where=hw
2. Genevieve Asenjo, https://balaysugidanun.com/about/
3. John Iremil Teodoro, http://jieteodoro.blogspot.com/p/mga-libro-ni-jie-teodoro.html
4. Peter Solis Nery, http://petersolisnery.com/
5. The Peter Solis Nery Foundation for Hiligaynon Literature and the Arts, http://www.facebook.com/ThePeterSolisNeryFoundation?ref=ts&fref=ts
6. Peter Solis Nery interbyu ni Noel De Leon, 2013
7. Marcel Milliam aka Luis Batchoy, http://batchoyboi.blogspot.com/
8. Melchor Cichon, http://aklanonlitarchive.blogspot.com/2010/12/matimgas-nga-paeanoblion-final-na.html
9. Dawn To Dawn, http://anahawleaf.blogspot.com/

10. John Barrios interbyu ni Noel De Leon, 2013

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.