Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-1000 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob – ligaya man o lumbay.
HINDI NA AKO MAKAKABASA SA MGA PUWANG SA MGA PAGITAN NG PAROON AT PARITO; NGAYON-MAMAYA-BUKAS ————-
Dala-dala ko ang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag sa pagpila sa panonood sa Transit, pelikula ni Hannah Espina, grand slam sa Cinemalaya 2013 at opisyal na entry ng bansa sa Oscars, sa Freedom Film Festival sa unibersidad. Punong-puno ako pagkatapos. Na-post ko na status update sa Facebook ang ganito: Transit: Grit & tenderness. Nuanced storytelling. Repetition as emphasis,continuity,making-sense, and dramatization of paranoia.
Dala-dala ko Ang Banal na Aklat ng mga Kumag. May miting ako sa Quezon City. LRT-MRT. Walang nagbabasa[ng totoong aklat]. Hindi makakabasa[ng totoong aklat].
Pauwi sa taxi, hanggang scan lang ang kaya kong magawa. Salamat, maganda ang papel na ginamit. Magaganda ang mga aklat ng Cacho. Gusto ko ang font. Gusto ko ang mga ilustrasyon. Gusto ko ang disenyo at pabalat ng aklat.
Salita sa akin ng Ang Banal na Aklat ng mga Kumag: pag-ibig lamang, pag-ibig pa rin. Imposibleng hindi kikinang ang iyong akda kung binuhusan mo ito ng oras at lakas, maliban sa talino at galing.
Paano kaya nagsusulat si Allan Derain? Gaano niya katagal ito isinulat? Paano siya nakapagsulat sa mga puwang at mga pagitan sa kanyang buhay?
‘Kung Paano Nalikha itong Mundo’ ang pamagat ng Tsapter 3. Masisilip ko ba rito ang sagot? Sino ang awtor sa aklat na ito? Importante bang itanong ito – at malaman – ng isang mambabasa? Ano ang silbi?
Gusto kong makaupo at mapatuloy ang pagbabasa ng Ang Banal na Aklat ng mga Kumag at may #MillionPeopleMarch sa Ayala. Ayaw kong i-oust si PNoy. Pero hindi rin dapat sinasanto, kasama/lalo na ang kanyang tropa. Sistema ang problema kaya dapat gibain para makapagtayo ng bago at iba: iyung hindi na makakapanganak ng kultura ng political dynasty at patronage. Kaya sumasang-ayon ako sa pag-scrap ng pork barrel: hindi ito kailangang mabuhay uli sa bagong pangalan.
Naroon ako sa Luneta noong Agosto 26 pero wala akong balak pumunta ngayon sa Ayala. Salamat sa kanilang pagpapatuloy, at patawad: kailangan kong huminga sa mga puwang at pagitan.
Isa ring Banal na Aklat ng mga Kumag ang ating kasaysayan! At ano ang binubulong nito sa akin? Ang pagtataksil ng mga ilustrado at intelligentsia! Tingan n’yo: ngayon pa lang, nag-aaway-away na rin sila. Division, diversion. Rebolusyon man o giyera, laban ito ng mga makapangyarihan. Ang mga mahihirap ang nasasakripisyo, lalo na ang kabataan at kababaihan. May isa akong kwento na may ganitong pagtataka ang tauhan: ano ang nangya(ya)ri sa pusa sa panahon ng giyera?
Masarap isipin ang rebolusyon ng masa. Kahit na lamang ang rally ng masa. Mismo. Bakit hindi nang/mangyayari? Nasa sila-sila; tayo-tayo lang, atin-atin lang pa rin tayo. Ah, ang Pantayong Pananaw ni Zeus Salazar [na pinutakte rin ng batikos, s’yempre]. Tingnan n’yo: hanggang ngayon, para sa taga-labas pa rin ang pagpapa-pogi ng gobyerno natin at ng mga makapangyarihan. Upgraded Moody’s credit rating? Really?! Bakit, halimbawa, obsess sa World Ranking ang mga unibersidad natin [sa kanilang pagsasaling-pusa]? Para sa donasyon ng mga pilantropo [kuno]. Kita n’yo naman, mga pangalan ng tycoon ang ating mga gusali, hindi ng mga iskolar o dakilang manunulat o manlilikha.
Nasa laylayan at labas ng bilog ang mga kumag.
Bago ang ‘Panimulang Dasal ni Anitang Sasamba,’ may Malaking Diksyonaryo na may ganitong tala:
kumag, png. kusing na may pinakamaliit na halaga noong panahon ng Kastila; maliit na hayup; maliit na hayup-hayupan; kulisap; kuto ng ibon; kuto ng isa pang kuto; kutong-lupa; alikabok, puwing; maliit ngunit matinik; kahit hindi matinik basta’t maliit; puwedeng tirisin; hamak, walang kuwenta; loko, pasaway, lumpen.
May mga iskolar na nagsasabing nabuwag ang monarkiya ng Europa dahil sa nobela [hal. Benedict Anderson]. Nai-akda ni Salman Rushdie ang paghihiwalay ng India at Pakistan sa kanyang Midnight’s Children. Alam natin ang papel ng Noli at Fili ni Jose Rizal sa rebolusyon nina Gat Andres Bonifacio at mga Katipunero/a. Binaon ng mga estudyanteng Indonesian ang nobelang Bumi Manusia [This Earth of Mankind/Daigdig ng Tao] ni Pramoedya Ananta Toer sa sarili nilang rebolusyon. Ah, ang Les Miserables ni Victor Hugo at ang French Revolution.
Ano ang isang nobela na nabasa ng lahat ng mga estudyanteng Filipino, maliban, o pagkatapos, ng Noli at Fili? Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez? Ah, hindi ako sigurado sa ating kurikulum, lalo na ngayon sa K+12 saan isyu ang pag-‘collapsed’ ng Regional Lit at World Lit. Saka nasa Ingles [pa rin, lamang] nagbabasa ang karamihan sa ating middle-class, lalo na ang iilang mayayaman – ngunit sila ang makakapangyarihan, at naroon/riyan sa Makati. Pero nariyan din ang State of War ni Ninotchka Rosca!
Kailangan ko nang mapagpatuloy ang pagbabasa sa Ang Banal na Aklat ng mga Kumag! May mga puwang, may mga pagitan.
Ito pala ang huling linya ng mini-review ko sa #Transit:In the end, the persistence of Living.