Ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual

Nakalimutan kong magbukas ng Facebook at Netflix nang simulan kong basahin ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual. Sakay ako ng bus pauwi sa Manila mula Baguio saan nabili ko ito sa Mt. Cloud Bookshop. Napatili ako nang makita ko ang kopya, tuwang-tuwa, dahil noong isang buwan, nang tinanong ko ang kaibigang Kristian Cordero na dalhan ako ng kopya sa pagkikita namin, wala na raw, naubos na ang kopya nila na binebenta sa Naga. Gusto ko ang ganitong moment, sa bookstore man o sa iba pang espasyo at aspekto sa buhay: ang makita ang matagal nang pinagnasaan sa hindi inaasahang pagkakataon, o ang makita ang akala mo wala na, kaya ang pagkatiyak na angkinin ito, ngayon din.

Sinimulan ko ang pagbasa sa “Terminus,” pangalawang sanaysay bago ang pangsarang “Kilometer Zero.” Pakiramdam ko, makailang beses akong namatay at muling nabuhay. Hindi lamang sa kuwento kundi sa galing mismo ng pagkukuwento ni Pascual: mahusay na gamit ng lengguwahe, epektibong pagbubukas at pagsasara, ang pagbalanse sa bigat ng laman sa organikong reflective na tono kaya ang hagod at daloy ng pagkukuwento sa pahina, at higit sa lahat, ang maturity at sincerity. Nang matapos ko ang unang sanaysay, ang “Animalia,” at makarating sa “How to Remember Larry,” nasabi ko sa sarili: gusto ko siyang makilala.

Umulan, malakas, nang sa Valenzuela na kami. Pambihira sa buwan ng Abril. Gayunman nakakatuwa dahil natimpla nito ang init ng panahon. Isinara ko ang libro. Umuulan, nasa bus ako, may bintana: kailangan kong namnamin ang ganitong mga pangungusap ni Pascual:

“Talk to me about survival.”
“Tell me what the world means to you.”

Maraming libro ang nasimulan kong buklatin at basahin, pagkatapos, itatabi. Saka na uli kapag natapos ko na ang mga dapat mas unahin. Pero hindi itong libro. Gusto ko ito: ang muling ma-possess ng pagbabasa. Iyong pakiramdam na kailangang matapos ko siya para makapokus ako sa klase kinabukasan, ang huling araw ng klase namin sa DLSU. Kaya matapos maayos ang mga gamit, nakaligo, nakapagluto at nakakain, muli ko itong binasa sa kama.

Dinala ko ito kinabukasan sa opisina at inabala ang mga kaguro sa pagbabalita: “Oy, basahin n’yo, ang galing, ang sarap basahin!”

Naalala ko: may mga kopya pa sa Mt. Cloud.

3 thoughts on “Ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.