
San Pedro, San Jose, Antique: Nasaksihan ko sa unang pagkakataon nitong gabi ng Sabado de Gloria, Marso 31, ang tinaguriang “Hudas, Hudas.” Masasabing ito ang pagganti ng publiko sa pagtataksil ni Hudas kay Hesus. Nagsisimula ito sa pagbitay sa effigy ni Hudas. Sunod, ang paligsahan sa pag-iyak; pagkakataon ng sinuman sa odyens na magpahayag ng saloobin ukol kay Hudas. Sa aking nasaksihan, sinalihan ito ng limang miyembro ng komunidad at panunumbat sa pagtataksil ni Hudas kay Hesus ang pangunahing monologo. Pagkatapos, ang highlight ng gabi, ang pagsusunog; isang mensahe na huwag tularan: huwag maging Hudas.
Ayon sa mga residente, nagsimula ang tradisyong ito noon pang 1925 sa pasimuno ng Aglipayan Church. Sila hanggang ngayon ang organizer nito at suportado ng simbahang Katoliko, ng komunidad, at lokal na gobyerno.
Maliban sa elemento ng “spectacle” at dimensyong didactic, na maaaring pangunahing faktor sa pagpapatuloy nito at pagiging popular sa komunidad kaya rin binibisita, nakita ko na kapag mapaghandaan pa ang mga naratibo ng sumasali sa paligsahan sa pag-iyak, isa itong epektibong platform sa pag-uugnay ng relasyong Hesus-Hudas sa malawakang sosyo-politikal na mga isyu sa bayan at bansa.
Salamat sa pamilya Fabila sa akomodasyon sa akin.