Pagbabasa bilang Pagsasanay sa Pagsasalin: Sa ‘Alang sa Nasaag’ ni Jona Branzuela Bering

jona bering
Alang sa Nasaag
ni Jona Branzuela Bering
2016, BATHALAD INC., Cebu City.
63 pp.

Purong Sebuwano itong unang libro ng mga balak (tula) ni Jona Branzuela Bering. Nasulat niya ito sa loob ng 2008 hanggang 2015. Nahati ang koleksyon sa limang seksyon, marahil ayon sa ebolusyon ng estilo at sensibilidad ng manunulat; mula sa pagiging lirikal at pesonal hanggang sa pagiging mas mapaglaro sa porma at wika’t pakikisangkot, halimbawa sa tulang “Sa Mananagat sa Bais.”

Nabasa ko si Jona sa Ingles. Gusto ko ang kanyang mga travel essay. Unang basa ko ito sa kanya bilang makata, at sa Sebuwano, at/kaya natuwa ako. Itong tuwa, ay dahil sa paniwala ko, naiintindihan ko ang kanyang mga tula – ang kanyang Sebuwano.

Kaya na-engganyo akong isalin ang isa rito bilang pakikipag-usap-balik sa aking sarili bilang mambabasa. Sa proseso, pagbibigay atensyon sa wika’t sensibilidad sa hangarin na pagkakaintindihan.

Tingnan natin ito:

Isla: Pahimangno sa Kaugalingon
After Mary Oliver

Niining kinabuhia
kinahanglang makapanag-iya
kag usa ka isla, mobarog
sa iyang parola, bantayan
ang palibot, basahon ang bawud
ug ang hangin.

Jona, angkona
ang isla sa imong kaugalingon
ang imong batoong mga baybayon,
ang imong mga pangpang,
ang imong bakikaw mga kahoy,
ang imong gibiyaang mga balay.

angkona
ang imong kasakit:
mga sinuka sa siyudad
nga nagkatag sa baybayon
sa imong kaugalingon.

_____________________________
Ito ang unang salin ko (bukas sa puna/suhestyon):

Isla: Pasabi sa Sarili
Alinsunod kay Mary Oliver

Itong buhay
kailangang makapagmay-ari
ng isang isla, tatayo
sa kanyang parola, babantay
sa palibot, babasa sa alon
at sa hangin.

Jona, angkinin
ang isla sa iyong sarili:
ang iyong batuhing baybayin,
ang iyong mga pangpang,
ang iyong kahinaan mga kahoy,
ang iyong nilisang mga bahay.

angkinin mo
ang iyong pagdurusa:
mga pagmamalabis ng siyudad
na umukopa sa baybayin
sa iyong loob.

Nahirapan ako sa linyang “ang imong bakikaw mga kahoy”. Ayon sa kaibigang manunulat na taga-GenSan, si Gilbert Tan (daghang salamat, bay!), na siyang napagtanungan ko sa Facebook sa ilang pagpapalinaw sa mga salita rito, “clumsy” ang ibig sabihin ng “bakikaw.” Sa ngayon, isinalin ko siya bilang “ang iyong kahinaan mga kahoy”.

Binigyang laya ko rin ang sarili sa pagsalin ng tatlong huling linya ng tula: sa halip na maging literal sa “sinuka”, “nagkatag” (nagkalat) at “kaugalingon” (sarili), ginamit ko ang “pagmamalabis” (waste/excess) at “umukopa” (ah, reference sa iba’t ibang “Occupy Movement” ng ating panahon), at “loob” para sa mas partikular na lugar ng dramatisasyon ng internal na tunggalian/existential angst ng persona.

Walang makakahigit sa orihinal; sa organikong bagsak at daloy ng tunog ng salita at sa kagyat na imahen sa isip na dala nito’t bugso ng kaisipan at damdamin. Isang karangalan ang mabasa ang koleksyong ito, na nagdala sa akin sa itong gana at gusto na magsalin. Marahil ito ang biyaya at bisa ng ating pagsusulat sa inang wika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.