“Jimjilbang” ni Genevieve L. Asenjo

Watercolor /Candice Davis 'www.lostateminor.com
Watercolor /Candice Davis / http://www.lostateminor.com

Mula sa SEOULMATE: MGA KWENTO

HINDI NAGKAKATUGMA ang kanyang mga mata at paa. Dahan-dahan ang kanyang mga hakbang. May bigat sa pag-aatubili. Mabilis naman na sinakop ng kanyang paningin ang buong kuwarto: hilera ng locker sa dulo, hilera ng shower sa gilid ng pader sa kanan, anim na magkasing-laking bath tub sa gitna, at limang katre sa bandang pader sa kaliwa. Lahat, sa bawat puwesto, mga babaeng nakahubad! Mag-inang nagsa-shower, magkakaibigang dalaga sa isang tub, at karamihan – matatanda. Ajumma. Lalo na ang mga nagkukuskos sa mga nakabilad sa katre, o nagkukuskusan.

Nabighani s’ya sa iba’t ibang hugis, korte, kurba, ng katawan. Ng laki at liit, tayo at luyloy ng mga suso. Ng umbok at patag ng tiyan. Ng kapal at nipis ng tatsulok na gubat ng itim na buhok sa pagitan ng mga hita ng mga nakatayo, ng mga akmang lulusong. Nahiya s’ya sa sarili sa aliw na naramdaman; sa pagkawili, sa pagkabighani. Catholic guilt, kampante n’ya sa sarili, habang nakatutok sa dalawang dalaga sa isang tub. Kapwa nakangiti ang mga ito. Natatawa pa nga sila. Masigla ang kanilang boses habang nakababad sa maligamgam na tubig. Parang wala silang sakit na nais gamutin kundi pagdiriwang ng pagkakaibigan.

Naalala niya ang tatlo n’yang kapatid na babae. Ang kanilang Inang. Ang apat n’yang tiya at sangkatutak na pinsan. Ang kanyang mga kaibigang babae sa elementarya, sa hayskul, sa kolehiyo. Naririnig n’ya ang hagikhik ng mga ito habang binubuksan ng susi ang locker. ‘Yung parang kinikiliti, na kinikilabutan, dahil walang ganito sa Pinas. At heto na nga, maghuhubad na rin s’ya – buong-buo – kitang-kita ang lahat.

At okey lang, talaga, dahil parang wala namang pakialam sa kanya ang ibang naririto.

Naalala n’ya si Tony, ang kanyang nobyo – actually fiancee – na naghihintay sa lounge. Nasa Boracay sila, masayang naghaharutan sa paliligo’t paglalangoy sa bandang grotto, nang sinabi nito na kapag mag-asawa na sila at nasa Korea na at nalulungkot siya’t nami-miss ang dagat, ito ang kanyang gawin: mag-jimjilbang.

Kinuha n’ya ang nakalawit na malaking bilugang hikaw. Tinago n’ya ito sa pouch sa loob ng locker. Sunod n’yang inalis ang relos. Ipinasok n’ya rin ito sa pouch. Pagkatapos, isa-isa, hinubad n’ya ang suot: blusa, bra, maong na pantalon, panty. Maayos n’ya itong tinupi sa loob ng locker. Pinalumpon n’ya ang nakalugay na mahabang buhok, bahagyang itinaas, saka muling binagsak. Hinayaan nito itong nakalugay. Inalis n’ya ang suot na heels at ipinasok din sa locker.

Napansin n’yang may kanya-kanyang maliit na basket ng gamit-pampaligo ang karamihan. Sarili nilang dala. Hindi ito nabanggit ni Tony.

May binigay na pakete ng shampoo at conditioner at shower gel ang babae sa counter. Ito ang ginamit n’ya sa pag-shower. Dahil bago lumusong, kailangan munang magkuskos, magsabon, magbanlaw. Naisip n’yang marahil paggalang din sa ginhawa na dala ng mainit na tubig. Nabasa n’ya sa internet na sa iilang jimjilbang, hinahaluan nila ng ginseng o green tea ito: tulong para bumuti ang daloy ng dugo, gumaling ang rayuma o ang sakit ng puso.

Nakareserba na ang susuotin n’yang hanbok pangkasal.

Sigurado s’ya sa gusto niyang mangyari ngayon. Magbibilad s’ya sa katre. Hihilata. At magpapakuskos sa ajumma. ‘Yun at lulusong s’ya’t magbabad.

Naghihintay si Tony sa lounge.

SUMENYAS ang matandang babae na mahiga s’ya sa katre, padapa. Maputi ito. Balingkinitan ngunit malulusog ang mga suso. Tan’tya n’ya, lampas singkuwenta. May paghanga s’ya’t inggit na nadama. Mahaba ang nakataling buhok ng babae. Maganda ang mukha, singkit ang mga mata.

‘Ni hao?’ Tanong n’ya para makaseguro. Tumango ang matanda at ngumiti. ‘Fe-li-pen?’ Balik nito sa kanya. ‘Nye,’ sagot n’ya, oo. Nakikita niya ang tayo ng mga letra sa Hangul. Para s’yang karne na binuhusan ng maligamgam na tubig saka sinabunan ng matanda. Ang
buo n’yang likod, pababa sa mga umbok ng pwet, hanggang sa magkabilaang paa. Mabibilis na hagod. Kasimbilis ng mga hakbang dito sa daan at subway. Saka kinuskos. Kinuskos nang kinuskos, na nakikita n’ya sa isipan ang mahabang dalampasigan ng puting buhangin ng Boracay sa nakukuhang mga libag, nahuhulog sa buhos ng tubig, at nangawala sa hangin na parang alikabok sa mga daan sa tag-araw sa Pilipinas.

Pinatihaya s’ya ng matanda. Kinipkip niya ang mga paa upang maitago ang laman ng mga hita ngunit pinalo si’ya ng babae, na parang sinasabi ‘Ano ka bang bata ka, bukaka.’ Hindi s’ya nagalit sa palong ‘yun, alam n’yang walang malisya, na parang ganun nga lang ang mga matatanda dito, tulad din noon ng kanyang lola, kaya muli, narinig n’ya sa isipan ang hagikhik nilang magkakapatid, hanggang sa bungisngis nila ng mga kaibigan sa hayskul at kolehiyo, sa kant’yawan na may tonong ‘pahiya-hiya ka pa d’yan, e, di ka na naman virgin.’

Nakaramdam s’ya ng pagka-atat na matapos na ang sandaling ito at makauwi na sila ni Tony sa kanilang apartment at makapag-internet na s’ya’t maikwento ito sa mga kapatid at kaibigan. Ito ang magiging bonding nila pagkatapos ng kanyang kasal. Bago umuwi ang mga ito sa Pilipinas.

Nagpatianod s’ya sa haplos at hagod ng mga kamay at daliri ng matandang babaeng Intsik na ito sa Korea. Ano ang sarili nitong kuwento ng pagkapadpad sa lugar na ito ng kimchi? Pinikit n’ya ang mga mata. Nakita n’ya sina Bruce Lee at Jet Li at ang magagandang
dalagang Intsik na naka-cheongsam. Kaya naalala n’ya rin si Cleopatra ng Ehipto. Dito n’ya itinigil ang sandali: isa rin s’yang diyosa tulad ni Cleopatra, na sinasabing naliligo sa gatas at honey para mapanatili ang ganda at kabataan.

Naghihintay sa lounge si Tony. Aabutin ‘to’ng jimjilbang ng tatlong oras. Pagkatapos nito, didiretso sila sa Samseong. Doon n’ya nakita, sa isang pottery shop, ang gusto n’yang panregalo sa mga biyenan. ‘Magbibigay ka rin ng regalo sa mga magulang n’ya,’ sabi ng isang kaibigan, kapwa n’ya bartender sa isang mamahaling resort sa Boracay na unang nakapag-asawa ng Koreano, ‘at dapat mahal para mahalin ka rin nila,’ kindat nito sabay tawa.

Mga gawa mula sa ceramic at pottery ng isla ng Jeju ang mga gamit pambahay sa shop na ‘yun na nadaanan n’ya sa unang pagpunta sa Gangnam. Basta naramdaman n’ya na dapat doon n’ya gastusin ang pinag-ipunan, sa damdaming ito na bumubulong na sundan n’ya kung saan s’ya liliparin ng alon, ng hangin. ‘Kung langit ang nasa itaas ng dagat, ano naman ang nasa labas ng langit?’ Naitanong n’ya kay Tony sa una nilang morning jog. Natawa lamang ang Korean- American na ito na higit isang taon nang customer nila, pabalik-balik para mag-golf, mag-dive, mag-snorkel. Dahil daw sa tanong n’yang iyon kaya nasabi ng lalaki sa sarili na s’ya na ang babaeng pakakasalan.

Adam Tai /www.lostateminor.com
Adam Tai / http://www.lostateminor.com

What is love?

Lumusong s’ya sa bath tub, itong han jeung mak. Sumandal s’ya at itinuwid sa pagkaupo ang mga paa. Ikinuskos n’ya sa batong pader ang balat ng likod at parang alon na nilaro-laro ng mga daliri ang tubig. Mainit. Humakop s’ya sa mga kamay at inakmang higupin. Gusto n’yang malaman kung ano ang lasa ng mainit na tubig na ito. Maalat ba tulad ng tubig-dagat? O baka naman may anghang kung kaya’t umaaso-aso? Ngunit inamoy n’ya lamang ito.

‘Tangerine,’ naiisip n’yang sasabihin kay Tony, na ito – tangerine ang amoy ng tubig sa han jeung mak na ito sa kalye ng Uijengbo – dahil gusto n’ya ang salitang ito, na alam n’yang prutas at isa ring kulay.

‘Jujube,’ naisip rin n’ya, at natawa, sa isa pang bagong salita na ito, na kasama raw ng chestnut na ilalagay n’ya sa kanyang panregalong gamit pambahay, dahil nangangahulugan ito ng anak – malusog, maganda, matalino, at magaling na apo!

Negosyante si Tony. Ito ang pagkakaalam ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Totoo naman. May-ari ang kanyang pamilya ng isang surplus shop ng mga electronics dito sa Uijengbo, halos isang oras ang layo sa Seoul. Nakatira si Tony sa kanyang mga magulang. Maliban sa kanyang panregalo sa mga biyenan, inako n’ya rin mula sa kanyang separation pay at naipong tip ang furniture budget nila sa rerentahang apartment.

Akala ng kanyang pamilya at mga kaibigan, spoiled s’ya ni Tony, na ito ang gagastos lahat para sa kanilang kasal. Hindi nila alam maging ang pinag-ipunan n’yang panregalo. Kahit ng kanyang bridesmaid, na bestfriend n’ya noong hayskul.

Alam n’ya ito bago pa man s’ya nagka-passport. Mas nakakampante s’ya rito kaysa umasa na lang sa pera ng nobyo. Alam na n’ya na langit ang nasa itaas ng dagat, bundok ang nasa kabila o ang walang hanggan kung idi-diretso n’ya ang paningin. Gusto n’ya ng labas, makalabas, mailabas ang sarili sa mga tanong at pag-alala at walang katapusang inaasahan na kung anu-ano, o pag-asa sa kung ano.

Sa totoo lang, nasarapan s’ya sa palo na ‘yun ng matandang babae. Masakit. Narinig n’ya ang pagtama ng tsinelas sa lata sa larong tumbang preso noong kabataan n’ya sa isang kalye ng Kalibo. Damang-dama n’ya ngayon ang paghagod sa mga braso, pababa sa mga binti’t paa. Walang kasinsarap ang init ng tubig na ito, na amoy tangerine, amoy jujube!

Nag-isip pa s’ya ng isa. Isa pang kulay o prutas. Ayaw n’ya ng chestnut. May lutong ng mani at pili – ordinaryo.

Wala s’yang maisip. Sa halip, umeksena ang tanong na ‘what is love?’

Minsan isang hapon at nagsa-sunset viewing sila, na-k’wento n’ya kay Tony na napanaginipan n’ya ang kanilang honeymoon – nasa North Korea. Parang nadudurog na mangga sa blender ang mukha ng nobyo. Joke, joke, joke, agad n’yang dugtong.

Hirap magbiro sa foreigner, reklamo n’ya sa mga kaibigan pagkatapos.

Doon sa buhanginan na ‘yun ng Station 1, sa sandali ng pagdudumi ng mga paniki sa bakhawan at magkahawak-kamay sila sa muli’t muling pagkamangha sa iba’t ibang tingkad ng kahel ng papalubog na araw ng Boracay, noon n’ya naisip na love means you don’t need to be honest to the one you love, all the time. Dahil maaaring hindi pa right time para harapin ang katotohanan, halimbawa, na naaliw lang kayo sa isa’t isa. Minsan pa, isang umaga sa hotel room ni Tony bago sila lumabas para mag-breakfast, naabutan n’ya mula sa pagsa-shower na nagbibilang ito ng pera. Peso, won, U.S. dollar. Nakakita na raw ba s’ya ng U.S. dollar? Nabigla s’ya. Gusto n’yang matawa at sabihing nasa Pilipinas tayo, hindi mo ba napapansin na we love Americans here kaya s’werte kang Koreano ka, sa’yo ako na- in love?
Pero umiling s’ya. Pagkukunyari. ‘Give me, give me,’ lambing n’ya na natatawa. Akmang bibigyan s’ya ng nobyo nang dinagdag n’yang ‘just teasing you, hon.’ Joke, joke, joke.

Palagi, iiling-iling lang si Tony at matatawa rin. Kaya alam n’yang magiging happily married sila.

PINAGMASDAN n’ya ang mag-ina sa unahang tub. Nasa elementarya ang batang babae. Future ballerina, naisip n’ya, o di kaya’y gymnast. Maganda ang ina, kamukha ng mga babaeng bida sa mga Koreanobela na naka-dub sa Tagalog.

Humilig s’ya pakanan at muling inunat ang mga paa. May pares ng magaganda ring dalaga na nagkukwentuhan. Napansin n’ya na habang magkalapat ang mga balikat ng mga ito, magkahawak-kamay din. Napangiti siya.

Nilingon n’ya ang mga ajumma sa hilera ng mga katre. May mga nag-aayos ng mga gamit sa kanilang kahubdan na parang posible rin na nakahubad din sila sa kani-kanilang bahay habang nagluluto o nagwawalis. Inalala n’ya ang mukha ng kanyang Inang. Sa halip, mga kamay nitong kulubot ang higit n’yang nakikita. Hindi sila sanay mag-ina na magyakapan o maghalikan, sa tuwa man o lungkot. Walang iyakang mangyayari sa kanyang kasal. Gayunman, gustong-gusto n’ya ngayon ihilig ang ulo sa balikat ng Inang, ‘yung parang anak lang s’ya uli nito. Bigla n’ya rin na-miss ang mga kapatid at kaibigan.

Kinapa n’ya ang mga suso, kinarga, tinimbang. Pinalibot n’ya ang mga daliri rito at nilaro-laro ang mga utong, tulad ng parang pagkuskos-haplos dito ng mga daliri ni Tony. Sinalat n’ya ang mga ito sa kung anong bukol, anong tigas o lambot, pangangalay o pananakit. Napatiyad s’ya at napahinga nang malalim. Inhale, exhale; inhale, exhale.

Nakikita n’ya ang sarili: tumatakbo sa kalsada ng Uijengbo, naka-hanbok pangkasal. Naghihintay sa lounge si Tony. Didiretso sila sa Gangnam, sa pottery shop na ‘yun, bibili ng kanyang panregalo.

Matutuwa ang kanyang mga biyenan. Bukas, titingnan uli nila ang wedding hall, dadaanan ang mga kamag-anak ni Tony na tumutulong sa preparasyon, at kung anu-ano pa at marami pang iba. Simple lang ang kanilang kasal, sabi n’ya sa pamilya at mga kaibigan. Medyo tradisyonal, medyo modern.

Darating na ang mga ito sa weekend. Natutuwa at matutuwa pa ang mga ito para sa kanya, sa kanila ni Tony, lalo na dahil dadalhin nila dito sa jimjilbang na ito, na sigurado s’yang babalik-balikan n’ya, hanggang marahil madiskubre n’ya kung ano ang nasa labas ng langit.

2 thoughts on ““Jimjilbang” ni Genevieve L. Asenjo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.