“Mga Usa sa Pampanga,” “Mga Kuok sa Sampaloc,” at “Halika na sa Kusina” ni Vijae Orquia Alquisola

Nathalie Miebach /www.lostateminor.com
Nathalie Miebach /www.lostateminor.com
Vijae Orquia Alquisola. Guro ng panitikan sa De La Salle-Dasmariñas, Cavite. Naging fellow sa mga national writers workshop tulad ng IYAS at Iligan. Ipinanganak sa Sampaloc, Quezon at lumaki sa Lucena City.
Vijae Orquia Alquisola. Guro ng panitikan sa De La Salle-Dasmariñas, Cavite. Naging fellow sa mga national writers workshop tulad ng IYAS at Iligan. Ipinanganak sa Sampaloc, Quezon at lumaki sa Lucena City.

Isa sa mga ligaya ko bilang propesor ang maging thesis mentee si Vijae. Lalo na ngayong term kailan matagumpay niyang nahain para sa kursong Master of Fine Arts in Creative Writing (MFA-CREA) ng Dept. of Literature ng De La Salle University-Manila ang kanyang proyekto: Lasaysayan ng Pansamantala: 30 Tula. Chair ng kanyang panel si Prof. Allan Popa, kasama sina Dr. Edgar Calabia Samar at Prof. Kristian Sendon Cordero. Inindorso nila ang proyekto para sa Best Thesis Award.

May dalawang bahagi ang tesis: ang koleksyon at ang sanaysay ng malikhaing proseso at pagiging manunulat. Narito ang dalawang seksyon mula sa pagbabahagi niya ng kanyang daan sa pagiging manunulat:

1.Mga Usa sa Pampanga

Sa isang larawan, nakapatong sa tuhod niya ang salansan ng mga basket, mas mataas sa kaniya— naka-pose ang kanang kamay nang OK. Labas ang mga bungi at bubuking ngipin. Ihahatid ng bata ang mga basket sa kaniyang lolo— ang hari ng basket at mga usa na yari sa rattan.

Sa shop sa Pulong Bulo, isa sa dalawang shop ng hari ng basket at usa, tumira kami kasama ang ilan pang mga kapatid ni nanay at aking mga pinsan. Lahat kami, bata (mga pinsan at mga kalaro na anak ng mga manggagawa) o matanda (mga kapatid ni nanay at mga manggagawa), tumutulong sa trabaho sa shop. Nagtitipon sa tuwing oras ng pagkain.

Hindi naman puro trabaho. Marami rin kaming panahon sa paglalaro. Malawak ang shop para sa taguan, ang laro ng lahat, bata o matanda. Napakataas ng mga salansan ng basket para siksikan ng mga patpating katawan. Nakahilera ang mga naglalakihang usa na pwedeng sumabit sa puwitan para hindi makita ng taya. Kahit hindi pinag-uusapan, parang isang kasunduan na sa aming magkakalaro na hindi dapat makasira ng basket o usa. Hindi dapat tumakbo doon sa teritoryo ng hari ng basket at usa.

Mailap ang hari ng basket at usa. Bihirang magsalita pero pinangingilagan ng lahat. Tahimik kapag naglalala ng basket. Parang laging nagsasalabid ang dila tulad ng mga rattan na kaniyang pinupulido. Kapag nagto-torch ng himulmol sa mga produktong native. Pero sinlanit ng rattan sa balat, batay sa mga usapan, ang kaniyang titig at tinig. Paano pa kaya ang bisig?

Apat na taon ako sa larawan. Mas matamis ang ngiti ko pagkatapos ng litrato. Nilapitan ako ng hari ng basket at usa, hinawakan ang ulo, ginulo-gulo ang buhok. Inabutan ako ng isang basong Coke, kasunod ang lukot-lukot na bente pesos. Sa unang paagkakataon, nahuli ko ang ngiti ni lolo o Daddy Harding. May kakaibang pagguhit sa aking lalamunan. Kay hiwaga ng katamikan.

2. Mga Kuok sa Sampaloc

Ako si Utin, ang side-kick ni lolo Uli na tiyo ni nanay. Hindi ko alam kung bakit ako tinawag na Utin. Normal lang kay lolo ang gamitin ang mga bahagi ng katawan para ipangalan sa mga tao. May mga kapitbahay kaming Suso, Kiki, Utong na kaniyang isinisigaw kapag nakikita sa daan. Normal din ang Diablo, ekspresyon ito ng lahat sa Sampaloc ‘pag nagugulat, natutuwa, naiinis. Hindi mo malaman kung paano ba talaga ginagamit, maysa-diablong tunay.

Tuwing nasa bahay, wala siyang ibang inaatupag kundi ang magsulsi ng kaniyang lambat at magkumpuni ng mga siit (panghuli ng hipon-ilog at katang). Sa itaas ng matandang bahay, sa dulo, na kinatatakutan naming magkakapatid dahil madilim, nakasabit ang mga lambat na may mga maninipis na pabigat na bakal o bato sa laylayan. Naruruon din ang alàt (basket na bag gamit sa pagsasaka), dito nakasilid ang baril na pana na pinagsasabitan naman ng malaking antipara.

Linang at ilog ang aking palaruan. Madalas naming kasama si kuya Lito, ang pinsan ni nanay, at ang dalawa nitong anak. Kung dati sa mga salansan ng basket at puwit ng malalaking usa ako nagtatago, mga puno at damo ang aming mga kampo. Pagkatapos maglagay ng siit sa ilalim ng ilog, nagpapatagalan naman kami sa pagsisid. Aahon lang ‘pag malapit nang mananghalian para mamakô; i-e-ensalada namin sa baong sardinas na pula. Pipigaan ng sintonis (kalamansi) at bubudburan ng asin.

Habang naglalangoy kami, sina lolo Uli at kuya Lito naman ay naghahanap ng mga nabubulok na kahoy ng pinutol na niyog. Doon nabubuhay ang parang malaki at puting uod na tinutuhog sa istik. Habang binabangi (iniihaw) ni lolo Uli ang kawawang kuok, makikita mo sa kanyang mukha ang ibig sabihin ng laway na laway; may palabas-labas pa ng dila sa harap ng kamatayan. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang tawag, ang alam ko lang ay katunog ito ng aking pagduwal noong una kong matikman. Ku(w)ok. Kay hiwaga ng mga pangalan.

Narito naman ang isang halimbawa ng kanyang tula:

Halika na sa Kusina

Ano ka ba, luho lamang ang paglalamas ng asin sa ampalaya. Sa pait nakakabit ang sustansiya. Hindi ako maselan sa hiwa. Abala lamang ang nipis ng gayat. Mas makapal, mas lasap na lasap ang takam sa tikim. Gaya ng kaniyang pagpikit-pikit habang sumisirit ang ginisang pait sa dila at ngalangala. Laway na laway sa kalinga ng aking kusina.

Masarap din daw magluto ang kaniyang asawa. (Mabilaukan ka sana.) Pero bawi niya, mas malasa ang aking timpla. Napasasarap, maging sinumpang gulay. (Naku naman, paborito ko rin ang bola-bola.)

Gusto mong malaman ang aking sikreto? Halika. Tumuloy ka. Ang totoo: wala. Wala namang sikretong hindi nalalaman. Walang binabad na ugat o halaman o dasal na inihahalo sa kawali. Ang kaibahan lang: kung anong mayroon, e di iyon. Hindi naman laging ampalaya. May panahong mustasa. Patola. Kalabasa. Talong. Tahong.

Bakit nga ba mapait ang ampalaya? lagi niyang tanong. Kasi nakakunot, lagi kong sagot, hindi isinali sa bahay-kubo.

Ang totoo: Walang ampat ang pait sa paglalaway sa laya.

________________________
May iskolarsyip para sa kursong MFA-CREA. I-klik para sa impormasyon sa admisyon sa gradwadong paaralan.

4 thoughts on ““Mga Usa sa Pampanga,” “Mga Kuok sa Sampaloc,” at “Halika na sa Kusina” ni Vijae Orquia Alquisola

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.