Patikim ng 100 Kislap ni Abdon Balde Jr.

Premyadong manunulat sa Bikol at Filipino. Ilan sa kanyang mga aklat ay Sibago, Awit ni Kadunung, Calvary Road, Mayong, Hunyango sa Bato, at marami pang iba. Mababasa rito ang karagdagang impormasyon tungkol sa kanya:

http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Abdon_M._Balde,_Jr.

Ilulunsad ng Anvil Publishing sa 2011 ang 100 Kislap na ito. Narito ang kanyang introduksyon at patikim:

100 KISLAP ni Abdon M. Balde Jr.

MGA KISLAP NG BUHAY

Sa librong ito ay inilulunsad ko ang KISLAP bilang kuwentong maaaring umabot, maaaring hindi, ngunit hindi hihigit sa 150 salita.

Kislap sa madilim at masalimuot na buhay ng tao. Kislap na naglarawan sa isang daigdig, dito at sa kalawakan. Kislap na tumanglaw sa landas ng isang naliligaw. Kislap ng katotohanang maglalantad sa pagkukunwari. Kislap ng karangyaan na nagbabalatkayong kasalaulaan. Kislap na nagpapasilip sa mga lihim na nagkakanlong sa madidilim na lungga ng kasamaan. Kislap ng kagandahang nagkumahog umahon sa pangit na kaligiran.

***

Katulad ng kislap ng liwanag, ang KISLAP ay kuwentong maikli sa biglang tingin, ngunit malayo ang nararating. Naglalakbay sa karimlan ng konsensya. Nanggagalugad sa mga sulok-sulok ng kumupas na alaala. Nanganganinag ng mga tagong damdamin. May badyang ligalig na patuloy umaadap sa isipan, kumikisap sa balintataw, nanggigiit…

***

Ang KISLAP ay kuwentong isang iglap. Ngunit malawak ang paksa, walang hanggahan ang panahon, walang dulo ang mundo.  Kagyat mang matapos ang salaysay ay malimit na hindi halos matuldukan ang huling salita.

Paglabas ng banyo, suot ang bathrobe, ay agad niyang nakita—tulad ng inaasahan—ang silencer sa dulo ng Magnum 357, nakatuon sa kanya.” Ito ang pambungad ng kuwentong “Pagpaslang” na may 134 salita lamang. Ilang ulit sila ng hired killer nagtagisan ng talino sa estratehiya upang mabago ang tila wala nang solusyon na problemang magwawakas sa kanyang kamatayan. Ngunit ano ang kinahinatnan sa ganitong huling pangungusap? “Bago nakakilos ang may baril ay kumalansing ang nahugot na firing pin, kasunod ang kalabog sa sahig ng hand grenade—

***

Ang KISLAP ay kuwentong ilaw sa lumabong hinagap. Nagbibigay liwanag sa hindi mawaring agam-agam, nagpapasilip sa mga bagay na hindi makita ng karaniwang mata sa karaniwang liwanag ng araw.

Halimbawa, ang kuwentong “Hatinggabi,” na may 101 salita lamang ay tungkol sa isang taong naalimpungatan sa kalaliman ng pagtulog dahil sa kalampag ng bintanang may kawing na hindi lapat ang pagkasara. Pagmulat niya’t pagsulyap sa bahagyang bukas na bintana sa mapusyaw na karimlan ng hatinggabi ay “Noon ko nakita ang anyo ng tao sa labas, nakasilip sa salaming ng bintana, nakamasid sa akin. Hindi ako makabangon. Hindi ako makakilos. Dahil ang nakasilip sa maliit na siwang ng mga kurtina ay sarili kong mukha!”

***

Ang KISLAP ay kislot ng pangarap, matalas na duro sa isip, sundot sa konsensya; naglalayong maalimpungatan ang naidlip na kamalayan.

Sa kuwentong “Buhay sa Dulo” na may 141 salita ay inilarawan ng pangunahing tauhan kung bakit “Dulo ng mundo itong aming baryong naliligid ng bundok. Kalbo ang gubat at tigang ang lupa. Ang mabatong daan ay palaging natatabunan ng gumuguhong dalisdis. Patay ang kaligiran, maliban sa ilog na umaagos patungo kung saan. Dito kami nabuhay, dito kami namamatay.” Mula nang sumama sa iba ang kanyang asawa ay nakikita siya ng mga tao na malimit nakatulala sa ibabaw ng dike, nakadukwang sa ilog. “Maraming nag-aabang, nag-aakalang tatalon ako’t magpapakamatay, tulad ng inaasahang gagawin ng isang sawi.” Subalit hindi alam ng tao ay may nakikita siya sa ilog na tanawing gumigising sa kanyang naiidlip na kamalayan: “ang minamasdan ko’y isdang sumasalunga sa agos.”

***

Ang ikli ng bawat KISLAP ay hindi limitasyon, bagkos kapangyarihang nagpapaigting sa mga pangyayari.  Katangian ng bawat kuwento ang saglit na tuklaw sa damdamin. Sindak. Sigalot. Ligalig. Kislig. Inis. Pagkabagabag na titimo, tatagos, ngunit hindi lubos. Mag-iiwan ng subyang, ng salubsob, ng tinga na di masikwat, ng kating di makamot at nananatili…pauli-uli…

Halimbawa, ang kuwentong Noli Me Tangere na may 8 salita lamang:

“Huwag, h’wag sabi, pagod ako—Salome, ano ba…”

Sa pamagat pa lamang ay mahuhulaan na kung nasaan tayo at nasa anong panahon. Makikilala na ang nagsasalita at kilala na rin si Salome, hindi na kailangang ipakilala ang mga tauhan. Hindi na kailangan ang detalye. Ang gusto mong malaman ay kung ano ang nangyari bago at ang mangyayari pagkatapos bigkasin ng pangunahing tauhan ang halos pabulagsak na pangungusap. Maaaring may mabuo nang sapantaha kung ano ang mga pangyayari.

Subalit alam mo nga ba ang detalye? Teka muna, si Elias nga ba itong nagsasalita? Nasa Noli nga ba ito ni Rizal at ang mga tauhan ay ang magkasintahang Elias at Salome? Ito ba ay nasa kabanatang malimit na itiwalag sa mga unang salin ng Noli? Sa kabilang dako, hindi kaya ang tinutukoy na Salome ay ang anak ni Herodias? Hindi kaya ang nagsasalita ay si Herodes Antipas, noong siya’y nilalandi ni Salome upang makamtan ang ulo ni San Juan de Bautista? Tayo ba ay nasa Filipinas sa panahon ni Rizal o nasa Judea sa panahon ni Kristo? Ano nga ba ang ayaw ng pangunahing tauhan na masaling ni Salome? Saka ngayon masasalat ang mga subyang na iiwan sa isip ng napakaikling kuwento.

***

Bawat KISLAP ay maikli, marahas; kislot ng litid sa hirit ng patalim; pulandit ng damdaming nasubhan; kumikislap hindi namamanaag; umiigkas nang walang pasintabi; kisapmatang langit; sansaglit na daigdig; dantaong singkad na ikinulong sa isang sandali, tangan at di-mapakawalan ang panahon; dinalisay na patak ng buhay—dugo, pawis, luha, laway, tamod; litanya ng buhay na tinipi sa isang ungol sa hungkag na katahimikan; hikbi ng isang wala nang kakayahang humagulgol; anas sa karimlan…

Sa kuwentong “Danza Macabre” na may 145 salita lamang ay nagbukas ang tabing sa dalawang sumasayaw: “Pag-ikot niya’y sinundan ko ng yakap, na sinalubong din niya ng yakap. Ramdam ko ang panginginig ng kanyang kalamnan. Kinarga ko siya. Di ko na naririnig ang Hernando’s Hideaway.” Kapwa na sila sakmal ng matinding pagnanasa.  “Karga ko siyang parang nagkakakawag na ibon papasok ng silid.” Pagbagsak sa kama ay nagpambuno sila. Nanggigigil sa isa’t isa. “Sinalubong ko ang palapit niyang mapupulang labi na marahang bumubuka—at huli na para iwasan ang umusling matatalas niyang pangil!

***

May nagtanong kung ano ang dapat na ikli ng kuwento upang ito’y matawag na kuwento. Sa totoo, may kuwentong dalawa o tatlong salita lamang, na ang layunin ay basta lamang makabuo ng kuwento. Sa palagay ko, ang dapat na tanong ay kung gaano kaikli ang kuwento upang masabi na ito’y makabuluhan at maganda.

Maaaring sabihin na ang pagiging makabuluhan at maganda ng isang kuwento ay wala sa haba o ikli nito kundi nasa lalim at lawak ng pagtalakay, sa linaw ng pagsuysoy sa mga pangyayari at sa katuturan sa buhay ng paksang matagumpay na tinalakay.

Kung ganoon bakit kailangang hindi humigit sa 150 salita ang KISLAP? Sa aking pag-aaral sa wikang Filipino, tinatantiya kong ang ganitong bilang ng mga salita ay katamtaman lamang upang buo at lubos na matalakay ang isang paksa nang walang isinasakripisyong mahalagang bahagi ng kuwento, walang nabubunging talinhaga, walang ligoy na nauudlot.

May kanikanyang katangian ang wika. Halimbawa ang wikang Hapon ay may mga salitang maraming kahulugan kaya naimbento ang HAIKU, na sa palagay ko ay hindi kaya ng wikang Filipino dahil ang kinalalabasang maikling tula ay kapos sa kabuuan, pilit ang mensahe at bungi ang talinhaga. Ang wikang Ingles ay may katangiang kahalintulad ng wikang Hapon, kaya napagkakasya ang kuwento sa isang pangungusap lamang.

Si Brander Mathews ang ipinapalagay na siyang unang kumilala sa short story bilang anyo ng literatura na iba sa nobela noong 1901. Sa Filipinas ay buhay na noon ang DAGLI, ngunit ang mga kuwentong hinugot sa tadyang ng DAGLI ay tinawag ng mga sumulat nito na maikling kathambuhay at munting pag-awit ng panulat. Tinawag ito ni Patricio Mariano na munting kasaysayan at pansandaling libangan. Tinawag naman ito ni Francisco Laksamana na bahagi ng isang buhay. Nasa tama na sanang landas si Diogracias A. Rosario nang tinawag niya itong “kuento,” subalit hindi niya nabigyang pansin ang ikli nito kung ihahambing sa nobela. Kung sabagay, hindi lamang tayo ang naunahan ng mga Amerikano. Sa Europa man ay lumalabas na ang mga salaysay na di hamak na maikli kaysa nobela, ngunit hindi nila ito mabigyan ng angkop na pangalan. Nang lumabas ang short story ng mga Amerikano ay saka lamang natin naisipang tawaging maikling kuwento ang ganitong mga akda.

At heto na naman, nagbabanta ng panibagong genre ang mga Amerikano. Noong 1986 ay lumabas ang “Sudden Fiction; American Short-short Fiction” na inedit nina Robert Shapard at James Thomas. Sa simula pa lamang ay hindi na nila malaman kung ano ang itatawag sa mga kuwentong isa hanggang limang pahina lamang ang haba. Sari-saring pangalan ang lumabas: Short-shorts, Flash Fiction, Flush Fiction, Vignette, Zingers, Skippers, Snappers, Blasters. Patuloy ang kanilang pagtatalo.

Noong 1998 ay lumabas ang librong “The World’s Shortest Stories” na inedit ni Steve Moss. Tinawag niya itong Fifty Five Fiction dahil bawat kuwento ay istriktong 55 salita lamang—walang labis, walang kulang. Halatang puwersado ang pagsulat sa de-kahon na anyo.

Sa mga lupon ng manunulat sa Filipinas ay pinagtatalunan din kung ano ang itatawag sa higit na pinaikling maikling kuwento. Lumabas ang “Mga Kuwentong Paspasan,” na inedit ni Vicente Groyon noong 2007; ang mga kuwento ay walang sukat at karamihan ay lampas ng 150 salita. Si Vim Nadera ay nagpanukala ng KAGYAT. Sabi ni Virgilio S. Almario ay maigi ang pangalang malapit sa Flash Fiction. Nang magpanukala si Michael Coroza ng IGLAP ay saka  ko naisip ang KISLAP—Kuwentong ISang igLAP.

***

Para sa isang manunulat, ang paglikha ng maiikling kuwentong katulad ng KISLAP ay mahalagang disiplina sa matalino at maingat na pagpili ng mga salita na nararapat isulat at hindi isulat. Ang ganitong kasanayan ay magagamit hindi lamang sa madaliang pagkatha kundi sa makatuwirang pagtitipid sa salita at sa pagpapaigting ng mga pangyayari kapag kumakatha na ng mga nobela at mahahabang salaysay.

Nasa “100 KISLAP” ang lahat ng uri ng kuwento: pag-ibig at pagtataksil, unang pagtatagpo, pangungulila sa yumao, mga pangarap at pangitain, krimen at paghihiganti, mga alamat at parabula, kababalaghan at kabalbalan, ligaya at lumbay, kakatwa at katawa-tawa, sarili at ibang daigdig; bawat salaysay ay hindi hihigit sa 150 salita.

(Isang halimbawa ng 100 KISLAP):

PAGPASLANG

Paglabas ng banyo, suot ang bathrobe, ay agad niyang nakita—tulad ng inaasahan—ang silencer sa dulo ng Magnum 357, nakatuon sa kanya.

“Trabaho lang, walang personalan,” sabi ng may baril.

“Magkano man ang bayad sa ‘yo dodoblehin ko.”

“Puwede, pero fifty percent down, at ngayon na.”

*

Pinasok niya ang malawak na silid, nakabuntot ang may baril. Binuksan niya ang pantay-taong vault.

Sabay sa akmang pagpasok niya sa vault ang mga putok.

Pop! Pop! Pop!

Lugmok siya sa sahig.

“Tsk, tsk. Di dapat nagne-negotiate sa may baril.”

*

Tinatanggal ng may-baril ang silencer nang bumalikwas ang nakalugmok, saglit na nalantad sa bumukas na bathrobe ang pang-ilalim na Kevlar. Isinara ang pinto ng vault. Bago nakakilos ang may baril ay kumalansing ang nahugot na firing pin, kasunod ang kalabog sa sahig ng hand grenade

(134 salita)

_____________

Abangan ang ilan pang patikim ng 100 Kislap. Susunod na.

Litrato ng May-akda mula sa kanyang pahina sa Facebook.

4 thoughts on “Patikim ng 100 Kislap ni Abdon Balde Jr.

  1. hindi sya boring yung tipong pagnasimulan muna mananabik kang tapusin hangang sa huling pahina sayang at hindi ko nabila dahil kulang ako ng pera kaya binasa ko na lang sya sa loob ng national bookstore maraming salamat sa sumulat nito

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.