Patikim mula sa aklat na 100 Kislap ni Abdon Balde Jr. na ilalabas ng Anvil Publishing sa 2011.
_____________________________________________
HATINGGABI
Ginising ako ng kalampag ng hindi-lapat na bintanang inihampas ng hangin sa hambahan. Pagdilat ko’y kumislap ang isang malayong kidlat na tila ibig lamang ipakita ang orasan sa dingding na naghuhudyat ng hatinggabi.
Naging ganap ang katahimikan.
Nawalan ng kulay ang paligid.
Muling umihip ang hangin, may kasamang anggi ng ulan. Bahagyang wumagayway ang mga kurtina, parang mga dambuhalang pakpak sa mapusyaw na karimlan.
Noon ko nakita ang anyo ng tao sa labas, nakasilip sa salaming ng bintana, nakamasid sa akin.
Hindi ako makabangon. Hindi ako makakilos. Dahil ang nakasilip sa maliit na siwang ng mga kurtina ay sarili kong mukha!
(101 salita)
____________________
Inhinyerong naging premyadong manunulat. Tubong Albay at kasalukuyang nakatira sa Las Pinas City. Ilan sa kanyang mga gantimpala: Gintong Aklat Award, Palanca Memorial Award for Literature, National Book Award: Juan C. Laya Prize for Best Novel and Best Book of Fiction, SEAWRITE, Ibalong Bikol Achievement Award in Literature. Tumingin pa sa: http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Abdon_M._Balde,_Jr.
Litrato ng may-akda mula sa kanyang pahina sa Facebook.
Litrato sa itaas ni Pangga Gen.
Basahin ang naunang Introduksyon at halimbawa, at abangan ang iba pa.