Skip to content

December 11, 2010

“Ang Kulay ng Ubi” at ang “Isang Mahalagang Yugto sa Kasaysayan ng Filipinas” ni Abdon Balde Jr.

by Pangga Gen

ANG KULAY NG UBI

Dumalo sa 50th wedding anniversary party ni Anacleto at Charito ang matalik na kaibigang si Esmeraldo, kasama ang ang misis nito.

“Alam mo Cleto, may magandang bagong resort sa Tagaytay, tanaw ang bulkan, malamig ang hangin, maayos ang mga kuwarto, masarap ang pagkain, katamtaman ang presyo,” sabi ni Esmeraldo.

“Talaga? Matagal na nga kaming di nagagawi ng Tagaytay. Makapasyal nga. Ano ba’ng pangalan ng resort?” Tanong ni Anacleto.

Saglit natulala si Esmeraldo. “Teka…ano na nga ba iyong malimit nating bilhing minatamis sa Good Shepherd, sa Baguio?”

“Strawberry Jam?”

“Hindi, ‘yong lamang ugat…”

“Ubi?”

Lumaki ang mga mata ni Esmeraldo. “Ano nga ang kulay ng ubi?”

“Violet?”

“Ayun!” Sigaw ni Esmeraldo, sabay tawag sa asawang may ibang kausap, “Violeta! Hoy! Violeta! Ano nga ang pangalan ng pinuntahan nating bagong resort sa Tagaytay?”

(131 salita)

ISANG MAHALAGANG YUGTO SA  KASAYSAYAN NG FILIPINAS

Sabado ng gabi, humahapay si Kulas sa kalasingan habang naglalakad sa tabing ilog.

“Kulas! Kulas! Parito ka! ‘Wag ka d’yan sa tulay!” Sigaw ng mga humahabol sa kanya. Ngunit buong-buo ang pansin niya sa isang dama-juana ng tuba na itinataas ng taong-puti sa kabila ng tulay ng San Juan.

“Colas! Come! More wine here!” tawag ng puti. Sa likod niya, nanggigigil ang isa pang puting opisyal. “Shout louder, dammit! It’s our ass if we don’t start this damn thing now. Monday they submit the goddamn Treaty to the Chamber!”

Sa likod ng opisyal,  inumang na ng sniper na si Private Willy Grayson ng Nebraska Regiment ang kanyang Krag M1896 carbine.

“Colas! Colas! Come! You idiot!”

“Kulas! Kulas! Gago! Bumalik ka!”

Ilang hakbang, isang putok sa karimlan, at tuluyang nagbago ang kasaysayan ng bansa ni Kulas.

________________________

Mula sa 100 Kislap na ilalabas ng Anvil Publishing sa 2011.

Premyadong manunulat sa Bikol at Filipino. Ilan sa kanyang mga aklat ay Sibago, Awit ni Kadunung, Calvary Road, Mayong, Hunyango sa Bato, at marami pang iba. Mababasa rito ang karagdagang impormasyon tungkol sa kanya:

http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Abdon_M._Balde,_Jr.

Litrato ng manunulat mula sa kanyang pahina sa Facebook.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Note: HTML is allowed. Your email address will never be published.

Subscribe to comments