Bagong Libro ni Genevieve L. Asenjo
Klik para sa Order Form.
Tungkol sa Aklat:

Isang pakikipagsalamuha ng mga wika, lugar, panahon, at identidad ang Pagkamangha sa Parang-Katapusan-ng Mundo ni Genevieve L. Asenjo. Tumitibok ito bilang isang ekolohikal na meditasyon, gumagalaw bilang imbestigasyon sa pagitan ng pagkawala at pagbabalik, ng pagkatuklas at alaala.
Sa isang condo sa Manila, may isang dila na nauuhaw sa buko ng niyog. Hinahanap niya ang lasa ng sariling dila —isang pagtiyak kung nabubuhay pa siya, at isang pagtataya kung nagugustuhan pa niya ang sarili. Hanggang sa maging tainga siya, at nakinig sa mga tinig ng manikurista, gwardiya, at taong-lansangan —mga buhay na tila kinolekta sa loob ng kwarantina.
Nakauwi siya mula Manila, lampas sa mga border ng Iloilo at Antique na itinakda ng lockdown ng pandemya. Kailan baryo ang isang lugar, at kailan ito nagiging barangay? Sa mga puwang ng pagkakatulad at pagkakaiba, may isang kamalig sa gilid ng malaking akasya na dinadalaw ng Negros Bleeding-heart, isang endemic na ibon sa mga isla ng Panay at Negros. Mga inahing manok at mga sisisiw, butiki sa dingding, tukuuu-tukuuu, kukurukukuuu. May mga kwento ng pagbubuntis tuwing may lamay sa baryo, ng isang inang may ka-textmate at nangangarap ng isang bakasyon, isang tatay na naghahanap ng kanyang baka sa paglaho ng kanyang memorya, at ng aspin na si Max, na ang pagkawala ay isang alamat. May pagtawid ng ilog, pag-akyat ng bundok, at ang mahiwagang rafflesia ng Antique.
Sa malayo-layong nakaraan, tinawag niya na palangga ang isang anino. Sa isang mundong nagbabago ang klima, ipinagkakatiwala niya ang bukas sa mga gulay at prutas—isang pananalig sa anumang maaari pang tumubo.
Hindi nag-aalok ng resolusyon si Asenjo, kundi mungkahi: sa panahong tila walang kasiguraduhan, maaaring ang pagkamangha —na isa ring kakayahang huminto, makinig, malasahan, at mapakinggan ang sarili at ang mundo na kasama ang turing sa mga hayop at halaman — ay isang anyo ng kaligtasan.
Ang audio-video ng libro ay mula sa Balangay Productions.
Paano namamangha ang babaeng mananalaysay sa parang-katapusan-ng-mundo? Hahawanin ng kanyang mga pagdama ang lalim at tayog ng kanyang pag-unawa na siyang mag-uuwi sa kanya sa parang-katapusan ng mundo ngunit sa katotohanan ay sa simula ng panibagong pag-iral ng malaya. —-Christine S. Bellen-Ang, Awtor ng mga Kuwentong Pambata, Dula, at Iskolar ng Lola Basyang
Ang yaman-yaman ng mga kahulugan ng buhol-buhol na paglulubid ng mga bagay, panahon, at lugar – o pagluluwag ng mga lubid – sa mga sanaysay ni Genevieve Asenjo. Umaalpas ang mga kulang, sapat o labis habang inaakay tayo sa pag-aapuhap ng dito at doon, o saan mang parang ito, sa kabila ng mga palangga at digmaan. –—Eli Rueda Guieb III, Awtor, Sa Dako Pa Roón, Sa Dako Paroón
Tumatagos, humahaplit ang prosa ni Genevieve L. Asenjo sa dalumat ng mambabasa sa kaniyang unang koleksiyon ng sanaysay sa Filipino, “Pagkamangha sa Parang-Katapusan-ng-Mundo.” Nakakawing ang lagos sa kabuuan ng kaniyang pagkatao’t pagkababae na hinubog ng kamalayang mapanuri, sensitibo, malikhain, hitik sa dunong at paglalagom ng mga personal at pisikal na espasyo. — Teddy Griarte Espela, Awtor, The Broken Places
Talk & Book Signing sa Philippine Book Fair, Marso 15 (Sabado), Megatrade Hall, SM Megamall


