

Bukas ang bintana ng sinasakyang van at mala-Baguio ang lamig ng hangin, mga alas otso ng umaga. Magandang senyales ang maulap-ulap na kalangitan, bahagyang umaambon at pasilip-silip lang ang araw. Ibig sabihin, hindi kami masyadong mabibilad sa araw o mababasa sa ulan. Papunta kami ng bayan ng Barbaza sa probinsya ng Antique. Aakyatin namin ang Mt. Nangtud – isa sa pinakamataas na bundok sa isla ng Panay. Year-end climb ito ng Antique Mountaineering Society, Inc. Apat na araw ang akyat. Nasa pangabay namin na sana, tuloy-tuloy lang ito. Itong magandang panahon papunta hanggang sa kami’y makauwi.
Bihira lang akyatin ang Mt. Nangtud. Ayon sa kasama namin, madalas na siguro ang dalawang beses sa isang taon. At itong taong 2014, ang grupo lang namin ngayon ang aakyat dito.

Sa unang araw, halos buong araw na puro ilog ang dadaanan. Kailangan maliksi ka sa pagkapit sa mga bato o sa sanga-sanga ng mga tanim sa gilid ng pangpang at marunong magbalanse sa pagpadag sa mga bato para di ma-injure at maging cause-of-delay. Malapit din sa ilog ang unang naging campsite. Ito ang unang sunset ng akyat sa paligid ng mga bundok at parang musika ang ragasras ng ilog. Parang gusto ko na dito na lang mamalagi at mag-dayhike na lang sa katapat na bundok at maligo sa ilog. Naalala ko ang sinulat ng isang travel writer na si Nicolas Bouvier – na may mga miminsanang sandali sa buhay na makakapunta ka sa isang lugar na ang salitang “ganda” ay parang di sapat. At bihira lang ito nangyayari at minsan, parang sa mga pangkaraniwang tanawin lang at parang ikaw lang ang nakakaramdam. At karaniwan, itong imahe ng saya at ganda ang binabalikan kapag naalala ang lugar na napuntahan. Pero kailangang magising ng madaling araw kinabukasan. Mahaba-haba ang lalakbayin sa pangalawang araw. Target na makarating ng ranchohan bago magdilim. Ang ranchohan ang pinaka-base camp.

Pangalawang araw. May halos dalawang oras din yata kaming naglalakad at nagtatawid sa ilog. Iisang ilog lang ito at ito ang binabaybay namin hanggang sa makarating sa jump-off ng bundok. At dire-diretsong akyat na. May pahingaan sa lilim ng puno ng bulan-bulan (sobrang makati daw ang dahon nito.) At dire-diretsong akyat uli hanggang marating ang ridge. Mabuti at maulap ang panahon, di gaanong mainit. Dito sa ridge makikita na ang magandang tanawin – 360 degrees. Sa bandang kanan, walang katapusang bundok, may ibang natatakluban ng puting ulap, siguro kung babagtasin, hangganan na ito ng Atique, Aklan at Capiz. Sa bandang kaliwa, makikita ang baybayin ng Antique.
Ito na nga talaga ang “baybay kag bukid,” ayon sa isang makata ng Antique.
Sa unahan nito ang tinatawag na knife-edge. Ito ang pinaka-photogenic na parte ng bundok. Malakas ang hangin. Napapalid nga ang rain cover ng bag ko kaya tinago ko na lang. At least, dito, wala ng mataas na akyatin. Puro bangin na nga lang. Kailangan ding kumapit sa mga cogon o kaya’y yumuko-yuko o gapang na kung kinakailangan at mas malakas ang hangin. Wala akong dalang gloves kaya ang dami kong sugat-sugat. Pero sige lang. Kailangang makarating sa basecamp – sa ranchohan bago dumilim. Mas delikado kasi kapag dumilim o biglang bumuhos ang ulan gayong mayroong malalalim na pil-as o bangin sa gilid ng dinadaanan.
Nakarating naman kami bago magdilim sa ranchohan. Walang baka o kabayo dito. Basta tinawag lang ng ranchohan. Di rin ito patag. Ito ay maliit lang na lugar sa pagitan ng bundok. Kaya mabilis din kumulimlim sa lugar dahil sa naaaninohan ng nakapalibot na mga bundok. May kubo dito si tatay Lino, ang aming 72 taong gulang na guide. Oo, malakas pa siya at sumama pa siya sa amin kasama ang tatlo niyang mga apo. Hiwahiwalay ang tent namin, halos tatlong tent lang kasi ang magkakasya sa tabi ng kubo. Sobrang lamig dito. Parang sa camp 2 ng Mt. Pulag. Tagos na tagos ang lamig sa dalawang dryfit shirt na suot ko, isang fleece jacket at may warmer pa ako sa braso at nakatalukbong sa sleeping bag sa loob ng tent na tinakpan pa namin ng tarp bago ang flysheet. Ang kagandahan dito, malapit kami sa maliit na creek kaya walang problema sa tubig.
Pangatlong araw. Maaga ulit kami nagising, mga alas-4. Kailangan naming magprepare ng pack lunch. Assault lang ang gagawin namin pa-summit. Ang dala ko, ay ang top lid ng backback ko na convertible to beltbag. Pinagkasya ko na dito ang pack lunch sa LocknLock, tubig na nasa isang litrong Nalgene bottle, trail snacks at isang LocknLock na ang laman ay cellphone at battery pack. Matarik at masukal ang paakyat sa summit. Pero dito ang nakakamanghang dami ng mga tanim. Sa dami, parang nagkakalat lang sa trail ang mga pitcher plant.

Ang mga puno ay halos nababalutan na ang mga lumot at mga orchids. Naalala ko ang mossy forest ng Mt. Canlaon, at ng Mt Pulag – pero mas makapal ang mga moss dito. Isa sa mga frustration ko ay ang di makapag-identify ng mga puno o kahit na anong mga tanim na makikita sa bundok na di pangkaraniwan. Oo, madali lang ang Ipil, tibig, talisay pero hindi lang iyan ang ang makikita paakyat ng Nangtud. Marami at iba-iba. Meron pa ngang isa na ang kapal ng dahon na parang plastic. Merong isang puno na punumpuno ng mapuputing maliliit na bulaklak. Meron din na pumumpuno na maliliit na pulang bunga. At may isa pang maraming tapul/violet na bunga na amoy duhat. Ano ang tawag sa mga ito? Hindi ko alam. Halos magtanghalian na ng marating namin ang EBJ peak.

Pinangalan ito sa bayani ng probinsya, kay Evelio B. Javier. Naakyat din niya itong bundok na ito. Iniisip ko kung ano kaya ang naiisip niya noong inakyat niya ito.
May naitala kaya ng kayang karanasan sa pag-akyat niya dito? Namangha rin kaya siya sa diversity ng flora at fauna ng lugar na ito? Nadulas rin ba siya?
Dumiretso kami sa sinsasabing summit, pero medyo pababa, kaya may mga nagdududa na di ito ang pinakamataas na tuktok. Naiwan kasi si tay Lino sa ranchohan. Pero ito ang karaninwang lugar na sinasabing peak ng mga nakapunta na dito. Pero napapaligiran din ng mga puno. Kaya walang masyadong view. Bumalik kami sa EBJ peak ang doon na nananghalian. May ilang minuto pagkataong kumain, nagpicture-picture at bumalik na sa base camp. Kinagabihan, pagkatapos naming maghapunan, nagpulong kami para sa takdang gawin kinabukasan. Ang wakeup call ay alas-3 ng madaling araw. Kailangan ng maunang umalis ang medyo mabagal. Kailangan naming habulin na makababa sa campsite ng unang araw para sa pananghalian.
Pang-apat na araw. Pababa na kami. Maaga nagising lahat, nagluto ng agahan at pack lunch. Nauna ng umalis ang ilang kasama na medyo mabagal na sa trail kahit madilim-dilim pa. Matagal din kasing lumiwanag ang ranchohan kasi napapaligiran ng mga bundok. Pero di rin nagtaggal at nakapag-ayos na rin kami lahat ng gamit at saka umalis na rin ng maliwaliwanag. Madulas ang pababa. Nakailang dulas din ako. At nawarak na rin ang sapatos ko. Ang trail papunta ay pareho ng trail na binabagtas namin pabalik. Kaya halos kalkulado na namin ang hirap na dadaanan. Pero nakaya rin namin lahat. Nakapananghalian kami sa unang campsite. At nakarating kami ng Baranggay Lumboyan mga bandang 4 o 5 ng hapon. May inihandang nilaga na kamoteng kahoy ang pamilya ni tay Lino sa amin. Malinamnam pala ‘yung kulay dilaw na kamoteng kahoy. Ang kulay puti lang kasi ang karaniwan kong nakakain. Nagpahinga kami ng kaunti at naghanda papuntang Camp Eupre sa Baranggay Cadiao – dito kami mag-oovernight bago umuwi kinabukasan. May nakahandang soup no. 5 ng dumating kami.

Walang tigil na ang ulan gabi hanggang madaling araw. May bagyo pala. Signal no. 2 na southern part na Antique at signal no. 1 sa natitirang bahagi. Walang skylab na bumabyahe ng madilim-dilim pa. Kaya itong pauwi na, ito pa yung basang-basa ako – malayo ang nilakad kahit maulan hanggang sa may dumaan na rin sa wakas na skylab. Mga alas-otso ng umaga, nanginginig ako sa lamig sa loob ng van pauwi ng Belison. Pero nakatulog ako at nagising malapit na sa San Jose. Dumiretso na lamang ako sa terminal ng bus pa-Cubao, ngayon kasi ang schedule ko pabalik. Dadaanan ko na lang ang ticket ko sa Belison. Pero na-cancel din ang byahe dahil walang barko na babyahe dahil sa bagyo.
Kaya nakapagbagong taon pa ako sa bahay namin. At nagkaroon ng oras sa aking dalawang pamangkin na gustong-gusto ring umakyat ng bundok at mag-camping balang araw. Hindi ko maipaliwanag sa kanila ang kirot ng mga bakaris na aking kamay at binti, ang hapdi ng natuklap na balat sa mga daliri at ang saya na makarating sa tuktok ng bundok at makasama ang mga bagong kaibigan.
Ipinanganak ako at lumaki sa Antique. Na-enggaanyong mag-mountaineering ng makapagtrabaho at namalagi na sa Maynila. Marami-rami na ring naakyat na bundok lalo na sa Luzon. Pero ang Mt. Nangtud ang kauna-unahang bundok na inakyat ko sa aking probinsya. Siguro, nagkatsansa lang, pinagbigyan ang pagkakataon. May mahabang bakasyon kasi ang huling linggo ng Disyembre. At bihira na rin akong magbakasyon sa Antique. Di ko na maalala kung kailan ang huling pasko o bagong taon na nasa probinsya ako. Noong nakaraang pista sa bayan namin sa Belison, umuwi ako, at hindi naman ako masyadong nakagala at medyo naiinis pa ako sa sarili ko dahil kinaiinisan ko ang ingay ng trompa sa binayle, ng videoke sa kalye, e gayong pista nga. At pakiramdam ko, para na itong Catungan IV ni Isoy sa Rite of Passage – ang pinakahuling dula nakaraang taon na napanood ko sa Ateneo.
Pero lagi kong iniisip ang probinsya ko. Lagi kong pinaplano kung sakali man na makapagbakasyon uli ako dito, lilibutin ko ito – susubukan kong bibisikletahin ang kahabaan nito. O di kaya ay pumunta at magcamping sa mga isla nito: Caluya, Batbatan, Mararison. At i-explore ang ibang di gaanong popular na mga lugar tulad ng bayan ng San Remigio.
At parang gusto kong manatili itong di gaanong popular – itong mga magagandang isla at bundok sa aking probinsya. O mas gusto kong isipin na mas ma-enjoy muna itong puntahan (at inaalagaan) ng mga kaprobinsya ko bago ng mga dadayong turista. Na may oras at pera ang mga taga-Antique na pumunta sa iba’t-ibang bayan ng probinsya para sa isang nature-walk o bakasyon. Ay, abaw gid lang!
Pero bago ang lahat ng iyan, mas magandang makita muna na nagiging sapat ang kabuhayan ng mga magsasaka ang mangingisda sa Antique. At di lang ang kabuhayan, sana/dapat magiging progresibo rin at malawak ang pag-iisip – ang pagiging kritikal na pag-iisip. Alam at may pakialam sa konsepto ng kosyumerismo, kapitalismo at pati na kurapsyon sa gobyerno. Dahil babalik at babalik ako/tayo sa kung ano ba ang ideya natin ng “quality of life.” Tulad ng pagbabalik-balik sa lugar na kinagisnan.
One thought on “Pagbisita sa Mt. Nangtud ni Dennis Almoros Monterde”