Skip to content

December 18, 2010

Saging at Tubig sa Starbucks?! Ang Ekonomiya at Politika ng Posibilidad sa/ng Pagsusulat sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Filipino

by Pangga Gen

Imahen: “Revolution Liver” mula sa neosurrealism.artdigitaldesign.com.

Saging at Tubig sa Starbucks?!:Ang Ekonomiya at Politika ng Posibilidad[i]
sa/ng Pagsusulat sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Filipino

Genevieve  L. Asenjo

Sa ”Ang Pagpatay sang Uhaw kag Gutom, Big Time!”[ii]

Paki-imadyin itong eksena: Sa isang bayan sa Antique, sa tapat ng isang Maring’s Grocery Store, sa loob ng L300, tanghaling-tapat ng Abril. Naghihintay ang magnobyong Melba at Gerry – mid-20’s, kapwa gradweyt ng UPV at nagtatrabaho bilang Call Center Sales Representative (CSR) sa Iloilo – sa pagkapuno ng L300 at tuluyang pagtulak nito. Naistorbo si Melba sa ipinagtapat sa kanya ni Gerry. Nagnakaw daw ito ng isang bote ng Coke, family size, isang supot ng tinapay at Star Margarine sa Maring’s Grocery Store. Noong bata siya. Bilang at upang may handa sila sa New Year.

Tinanong ni Melba kung natakot man lang ba o nakonsensya si Gerry. Sagot ng binata, si T’ya Maring ang tipo ng negosyante na sisingilin ka kahit singko sentimos, at hindi magpa-pautang kung wala kang maipakitang titulo ng lupa. Noong nagko-kolehiyo naman daw siya, tuwing nag-aabang siya ng bus sa tapat ng tindahan nito, naging tagabunot siya ng uban ng matanda. Para kay Gerry, tabla na sila ng negosyante.

Paki-imadyin ang isang propesora ng literatura sa isang unibersidad sa Manila.

Nakita niya ang pambukas na eksenang ito noong 2005, matapos mabasa ang ”The Second Bakery Attack” ni Haruki Murakami, habang naghahanda siya ng reading list sa klase sa World Literature. Naging isa itong file sa kanyang utak.

Hindi niya alam kung paano ipagpatuloy ang eksenang ito.

Hanggang nang sumunod na taon. Isang umaga.

Bago siya makarating sa Department of Literature, nadadaanan niya ang pasilyo ng isang gusali, saan, sa isang sulok, libreng makadampot ng The Wall Street Journal Asia. May isang balita galing Berlin, Germany: pinasok ng isang grupo ng mga estudyanteng aktibista ang isang gourmet store. Naka-costume sila ng super heroes. Namudmod sila ng flyers tungkol sa pagkainutil ng kanilang gobyerno sa pagbigay ng disenteng trabaho. Pinuno nila ang kanilang grocery bag ng tinapay at lumabas na hindi nagbayad. Hindi sila nahuli ng awtoridad. Mga negosyante ang nagkondena sa kanila, hindi ang karamihan – lalo na ang mahihirap na mamamayan ng Germany.

Paki-imadyin itong propesora pagkatapos ng klase. Sa labas ng kampus. Sa pagitan ng kanyang tinutuluyan na condo at unibersidad, isang coffee shop. Ang Starbucks mula Seattle na sumusulpot sa bawat syudad sa mundo. Dito, hindi niya kasama ang papel ng kanyang mga estudyante na kailangang i-tsek at i-rekord. At ang iba pang gawain bilang miyembro ng maraming komite. Wala ring kama rito na magpa-paantok sa kanya. Kundi kape sa marami nitong pangalan at uri: cappucino, frappucino, espresso, latte – mula Sumatra, Sulawesi, Africa, Columbia – katulad ng mga kakanin na Belgian waffle, Danish roll, Turkey Chicken Sandwich, at ang naging paborito niyang blue berry cheesecake. Sa pila, sa mesa’t upuan sa kanyang kaliwa at kanan, harapan at likuran, ang pagdami ng mga mukhang Ruso, mukhang Iranian. A, basta, mga Middle-Easterners. Pakistani o Indian? Ang sigurado niya, ang accent nila, ito ’yong inilalarawan na Indian-inflected English,  at gusto niya ang maraming manunulat na Indian-American at British-Indian: Salman Rushdie, Kiran Desai, Jhumpa Lahiri. Dati-rati, mga Caucasian, Korean, Taiwanese, Chinese lamang ang karamihan sa nakikita niyang nagkukumpulan.

Image Credit: http://deviantart.com

Ang mundo sa Starbucks. Ang pagbaha ng iba’t ibang panlasa sa presyo na katumbas ng daily minimum wage ng masang Filipino. Na nagpapangulila sa kanyang dila at lalamunan. Gusto niya ng nilagang saging, ng barbecue na saging, ng saging. Period! Ngunit nasa Vito Cruz, Taft Avenue siya. Sa labas, Jollibee, McDonalds, Kenny Rogers, Yellow Cab, at isa na namang Starbucks! Nasa Japan ang maraming saging ng Pilipinas, ang masasarap at de-kalidad na saging. Napag-alaman niya ito minsang makapagdalo sa miting ng mga NGO sa Mindanao.

Paki-imadyin itong yuppy na isang bata sa isang baryo sa isang bayan sa Sur ng  Antique. Dekasa otsenta. Ito ang bata na umiigib sa balon sa sapa, o di kaya sa jetmatic pump na abuloy ng politiko, sa gitna ng palayan. Ito ang bata na kumakain ng kanin na may halong mais bago ang tag-ani, dahil kulang ang bigas, walang ulam. Ito ang bata na nakakakilala sa amoy ng lupa bago at pagkatapos ng ulan, sa lupa na hindi bumibiyaya ng pera ang pagkakuba ng matatanda ng baryo mula umaga hanggang takipsilim. At kung mayroon man, napakabagal, napakaliit.

Ang uma ng kanyang kabataan ay hindi ang hacienda ng Negros. Magpahang-gang ngayon, lalo na ngayon sa global warming, ang bukid na nakikila niya ay hindi katumbas ng farm na umaaruga, kung hindi man supplier, ng organic fruits and vegetables.

Noong kolehiyo, hindi siya sumasali sa mga kilos-protesta dahil hindi niya naiintindihan ang mga islogan tulad halimbawa ng Imperyalismo. Sa pagpapakahon naman niya sa Starbucks, lalong naging malinaw sa kanya ang globalisasyon ng kahirapan. Gusto niyang paniwalaan na naiintindihan na niya ngayon ang anomalya sa pag-ayuda ng IMF at World Bank sa mahihirap na bansa.

Nakita niya ang sumunod na mga eksena sa isipan: Nauhaw sina Melba at Gerry. Coke ang kanilang hinanap ngunit walang Coke, wala nang Coke. Pepsi at Sprite lamang. Igigiit nila na Coke lamang ang makakatighaw ng kanilang uhaw sa tanghaling-tapat na iyon ng Abril. Sa pagkadismaya, uusbong ang galit sa kanila – sa pagka-alipin ng kanilang lalamunan sa Coke. Magiging suhestyon ni Melba na pagdating sa Iloilo, papasukin nila ang kakabukas na gourmet store: lahat ng inumin na may tatak ”for healthy living” at ang napakaraming tinapay galing sa iba’t ibang bansa.

Ngunit nahirapan siyang tapusin ang kuwento. Papaano nga ba? Kung katulad ng balita galing Germany na libreng makakalakad palabas ng gourmet store ang magnobyo, sinasabi ba nito na ito ang nararapat gawin? Katulad sa nabasa niyang  pagsunog ng mga aktibista sa Denmark, sa Holland, sa Russia, sa China ng tindahan ng Coke, McDonald’s, at KFC sa libro na Chew on This: Everything You Don’t Want To Know About Fastfood?[iii] Kung mahuhuli rin sina Melba at Gerry at mapaparusahan dahil kapwa bawal ang magnakaw sa batas ng Diyos at tao, matagal na niyang pinagdududahan ang moralidad ng mga ahensyang ito. Ano kung gayon ang moralidad, ang etika na sasandalan ng magnobyo para marating ang conviksyon na pagnanakaw?

Ninais niya na maging ’witty’ ang diyalogo; maging engaging para sa mambabasa ang debate nina Melba at Gerry. Iyong katulad ng mga palitan sa mga paborito niyang court scenes sa mga reality TV shows at pelikula. Iyong mapapatango ka sa argumento ng bawat kampo.

Napagdesisyunan niya na maging isang kuwento ito ng pagtatanong, ng pag-iistorbo, ng paglikha ng pagkabahala. Ito ang inihahain niyang posisyon at tono.

Nagrebyu siya ng kanyang pilosopiya. Sa mga panahong ito, nalululong na rin siya sa pagbasa ng mga libro tungkol sa evolutionary biology at neuroscience matapos mabasa ang The God Delusion (2007) ni Richard Dawkins, awtor ng The Selfish Genes (1976), na nagpaklaro sa kanya ng mga ideya ni Charles Darwin sa The Origin of the Species (1859), na hindi rin niya masyadong naintindihan noong kolehiyo.

Hulyo ng taong iyon, nakatanggap siya ng email na may patimpalak sa pagsulat sa iba’t ibang wika sa bansa ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Para sa Buwan ng Wika sa Agosto. Naging motibasyon niyang tapusin ang kuwento at isulat ito sa Hiligaynon.

Tinapos niya ang kuwento, sa isang mahabang talata, saan napako si Melba sa pila sa gourmet store. Naka-costume siya ng Darna. Hawak niya ang tray para sa masasarap na tinapay at nakikita niya sa isipan ang signboard ng Maring’s Grocery Store at nararamdaman ang sakit ng likuran sa pagkaupo sa traysikul sa lubak-lubak na kalsada ng Antique. Gumagalaw ang buong paligid maliban sa kanya.Naging object siya ng spectacle sa mga turistang

Drana ni Francis Manupul http://www.comicbookmovie.co

costumer.Nagkislapan ang digital camera. Nakikita niya ang nobyo na pumupuno ng basket nito. Gusto niyang tawagin ito. Ngunit walang lumalabas sa kanyang mga bibig na para bang hindi pa naimbento ang salita na kailangan niyang bigkasin sa mga oras na iyon. Oo, isa siyang superhero – si Darna – ngunit iba sa Darna ni Mars Ravelo, ng Regal Films, ng Ballet Philippines. Nasa ganuon siyang akto, espasyo, panahon, habang sa mga oras na iyon, nagugutom sa pagsusulputan ng mga mamahaling tinapay at lalong nauuhaw sa pagbaha ng Coke ang syudad ng Iloilo, ang mga isla ng Pilipinas, ang buong mundo.

Isang siglo pagkatapos ni Jose Rizal, ganito pa ring estado? Paghahanda. Pagmumuni-muni ng pangunahing tauhan. Modernismo! Postkolonyal na ang bukam-bibig ng mga iskolar at kritiko! Graphic novels, chicklit, speculative fiction, ghost stories ang sinasabing bumebenta, ang kumakalat na forwarded emails para sa Call for Submission, ang sabdyek ng mga literary events sa Manila!

Alam niya kung sino siya: isang taga-uma@manila.[iv] Patuloy siyang magsusulat tungkol sa lupa, tubig, kahirapan, pakikibaka, dahil alam din niya na ang post sa maraming ismo ay hindi bumubura ng mga reyalidad na ito, kundi lalo pang nagpapa-igting. Sa kanyang Kasaysayan 1 sa UP, tumatak sa kanya ang definisyon ng kasaysayan na ”isang sanaysay na may saysay.” Ang noon sa ngayon.

Patuloy na isang banyaga ang tubig na kanyang palangga. Bottled water na ito ngayon, mineral water sa marami rin nitong pangalan. Sa Manila, nagpapa-deliver siya ng tubig. P40/5 gallons ang refill. Sa kanilang baryo sa Antique, 5 piso ang galon ng tubig-inumin. Wala na ring mga balon sa sapa.

At kung ang kanyang tauhan ay nasa estado ng imobilidad sa tereyn ng tunggalian at negosasyon, ito ang kanyang pagpo-problematize. Ang pag-iisip at pag-e-emote bilang tabaho. Halimbawa, paano magiging post gayung hindi pa nga nangyayari ang tutuong rebolusyon? Ina-akda pa lamang ang bansa, ayon kay Bienvenido Lumbera[v]; kailangan pang sulatin at i-diskurso ang ”necessary fictions” na sinasabi ni Caroline Hau,[vi] tulad ng kababaihan at kabanyagaan, dahil ang bansa ay isang hindi pa tapos na rebolusyon.

Kaya umaangkin siya ng espasyo sa Starbucks sa pagsusulat. Dito dahil nagtitipid siya sa koryente sa inuupahan. Ayon nga kay Howard Behar, dating Presidente ng Starbucks International, sa It’s Not About the Coffee: ”we’re in the people business serving coffee, not the coffee business serving people.”[vii] Hindi niya kailangang magpakita ng I.D. sa guwardiya. Hindi rin sinisita ang kanyang bag. Libre rin dito ang tubig, ang non-fat milk, ang whole milk. May barista na lumilibot para sa free taste. Nagbubukas ito ng 6:30 ng umaga. Dito siya nagbabasa ng lahat ng diyaryo sa umaga bago pumasok sa klase. Nagsasara ito ng 12:30 ng madaling araw. Dito siya nagsusulat sa kanyang laptop pagkatapos ng klase. Walang magpapaalis sa kanya rito gaano man siya katagal tumigil dito sa mga Sabado at Linggo para magbasa, mag-isip, magsulat. Kahit na walang order. O may baong sariling kape at tinapay. Ang napkin nito, na sinasabing ”made from 100% recycled fibers with at least 30% post-consumer material in a bleach-free process,” ang sinusulatan niya ng notes para sa klase, ng mga linyang nanggugulantang sa kanya, ng grocery list. May wi-fi rin dito bagama’t hindi libre. Isang daan para sa isang oras, isang buwan na silbi. Ginagamit niya lamang ito sa pagbubukas ng mga website na blocked sa campus. Tulad ng YouTube.

Nakakapagsulat siya rito dahil drama niya na isa siya sa sinasabi ng sosyolo-histang si David Riesman na ”fragment of lonely crowd.” O sa definisyon ni Henry David Thoreau ng ”city life” bilang ”millions of people being lonesome together.” Naiisip niya ang kanyang mga ka-Friendster, ka-Multiply, ka-Facebook na nakikipag-date sa mga coffeeshop, fancy restaurant, at moviehouse sa mga syudad. At heto siya, nagsusulat, kailangang makapagsulat, dahil sa pananalita ni Adrienne Rich: “as if our lives depended on it.”

Sa ”Sa Gihapon, Palangga, ang Uran”

Litrato ni Bobby Wong Jr.

Kung ang tubig ay isang banyaga na kanyang palangga, ang pagbuhos ng ulan ay isang pagnanasa. Noong bata, upang makapaglaro sa ulan; upang makapagsimula nang makapag-araro ng palayan. Ang pagdating ng ulan ay nangangahulugan din na Mayo na, panahon ng Flores de Mayo at Santacruzan. Walang ilog na umaapaw at nanglulunod sa kanilang baryo.

Sa Manila, ang sunod-sunod na pag-ulan ay nangangahulugang pagsakay sa padyak na mas mahal pa kaysa dyip. O pagkasuspinde ng klase, lalo na kung ito ay isang malakas na bagyo, at kung gayon, ang pagpapalublob niya sa libro at pelikula. Oo, sa pag-iisip at pag-e-emote. Sa Manila lamang, sa TV at mga pahayagan, nakilala niya ang ulan na isang puwersa na nagdudulot ng trahedya. Gayunman, patuloy niya itong pinagnanasaan, dahil ang kakulangan ng tubig at pagkatigang ng lupa ay hindi lamang mga alaala, kundi nananatiling mga reyalidad ng kasalukuyan.

Kaya kailangan niyang patuloy na magbasa, mag-isip, mag-emote. Para may maisulat, makapagsulat. Makatapos ng isang tula, ng isang kuwento. Maabot ang deadline ng isang Call for Submission, ng isang patimpalak. Makalimbag. Manalo. Ma-rehire. Ma-promote. Para may pambili ng tubig, pang-refill ng tubig. Masasarap na tinapay. Iba’t ibang tinapay.

Pangungumpisal: Sa Ingles niya unang naisulat ang unang bahagi ng tula. Para sa isang pinalangga. Ang kanyang pagiging Barthesian bilang mangingibig. Ang pamagat: ”You, A Distant Tenderness.”

Pagkatapos dumating si Frank, Hunyo 21 ng kasalukuyang taon. Sabado ng hapon iyon. Pagkatapos ng kanyang gradwesyon bilang Ph.D. in Literature. Pagkatapos mag-lunch kasama ang dalawang kapatid na babae sa isang restawran sa Harbour Square sa harap ng CCP. Balak sana nilang mamasyal pagkatapos sa kabubukas na Ocean Park ng Manila. Bonding nila. Ngunit pakiramdam niya, lalong naging masikip sa trapik ang kalsada pauwi sa pagbabanta ng langit ng isang malakas na bagyo. Minabuti nilang mag-DVD marathon. Hanggang mag-brown out. Buong gabi. Pambihira, gayung may generator ang bilding. Hindi pa rin bumalik ang koryente kinaumagahan. Makulimlim sa labas ngunit hindi naman kalakasan ang hangin, ang ulan. Hanggang makatanggap siya ng text message sa isang kaibigan. Nagbo-blow by blow account ng bilang ng mga namatay sa Iloilo, ng imahen ng paglilikas ng daan-daang pamilya. Oo, naibalita na sa Panay ang mata ng bagyo ngunit hindi niya inakala na ganito katindi ang salot na dala nito. Tumawag silang magkakapatid sa kanilang bahay. Cannot be reached. Nag-text siya sa mga kaibigan. May sumagot; dala ang balita ng paghagunos ng baha sa isang bayan sa Antique, ang Sibalom saan nag-aakyatan na ang mga residente sa bubungan. Ang imahen ng delubyo ng baha sa Bibliya. Sa unang pagkakataon, naging isang matalik na kaaway ang ulan, bagama’t nananalig siya na hindi ganuon kabagsik ang epekto ni Frank sa kanilang bayan. Lalo na sa kanilang baryo, saan walang kalsada na bumabaha, at ang tinatawag nilang bukid, sa katunayan, ay isang burol.

Gayunman, nang sumunod na mga araw, sa pagbalik ng koryente, sa TV, sa mga diyaryo, sa mga websites, ikinatulala niya ang lalim at lawak ng kamatayang iniwan ni Frank. Sa unang pagkakataon, may libingang nahukay sa kanyang loob. At may bumuhos na ulan mula sa kanyang mga mata.

Naging sabdyek ng kanyang meditasyon ang kawalan. Pagkadura. Loss. Inakay siya nito na balikan ang mga libro sa Budhismo, at mula roon, hanapin ang kaligtasan sa binabantala nitong nothingness.

Pumatak ang ilang linya sa kanyang utak. Wala siyang pagmamadali na mabuo ang mga ito sa isang tula. O kuwento. Ang tutuo, ayaw niyang isulat ang trahedya. Nanliliit siya, dahil para bang panghihimasok iyon sa pagluluksa na hindi naman siya talaga kasama. Nasalat lamang niya ang kawalan. Napaisip siya: ano ba ang karanasan, kundi ang nasasalat ng pandama, ang nahahagip ng isipan, ang takbo ng imahinasyon, ang lumbay ng dila, ang apoy sa puson, ang likaw ng bituka.

Ipinahinga niya ang kaisipan at damdaming iyon. Nagpa-anod siya sa kalakalan ng pang-araw-araw na buhay.

Hanggang isang araw. Muli, ang patimpalak ng KWF. Ngayon, ang tula ay isang epiko: mula 100 hanggang 300 na linya. Isa itong hamon, dahil ni minsan, hindi siya nagtangkang sumali sa Gawad Collantes para sa Makata ng Taon dahil alam niyang ganito kahaba ang kakailanganin niyang itula. Gusto niya itong subukan.

Binalikan niya ang kanyang mga nakaipit na napkin ng Starbucks sa planner. Nakita niya sa isipan ang isang mangingibig na persona sa iba’t ibang imahen nito, sa iba’t ibang anyo ng ulan: ang iba’t ibang pag-uugali ng tao tungkol sa ulan. Bumuhos ang mga salita sa Kinaray-a at habang itinatayo niya ang mga linya, naririnig niya ang sariling boses na naniningkayad sa tono ng mga tula ni Li-Young Lee sa Rose[viii], sa ”Proverbial Rain” ni Erlinda Kintanar-Alburo[ix], sa serye ng ”Absence” ni Alice Sun-Cua.[x]

Ninais niya itong maging tula ng pag-asa. Ang ”Rugya ikaw, buhay run: sangka hulot sa akun lawas,” (Nandito ka, matagal na: isang silid sa aking katawan”) magiging ”Rugya ’kaw, gihapon, palangga – sangka hulot sa akun lawas”  (”Nandito ka, nananatili, palangga”) hanggang ”Rugya ka pa, sa gihapon, palangga” (”Nandito ka pa rin, nananatili, palangga”). At ang katapusan? Ano ang sintesis ng lahat ng ito? Hindi niya inasahan ang pagdaloy ng ganitong kaisipan, ngunit naramdaman niya, at pinaniwalaan na ito ang tama, ang nararapat: na sa katapusan, wala ngang mas mahalaga, kundi ang mawalan, ang pagkawala, ang kawalan. Ibinalik siya sa napaka-luma at unibersal na panininiwala tungkol sa pagiging panandalian ng buhay, ng pamumuhay. Kaya ang pagpapaubaya, pagtanggap, pagpapatuloy.

Ito ang tumambad na pamagat sa kanya: ”Sa Gihapon, Palangga, ang Uran.”

Sinikap niyang mag-isip ng bago, ng iba. Ngunit parang glue ito na kumapit; ayaw bumitaw. Inangkin niya ito at nagkaroon siya ng katahimikan sa pananahan dito.

Nang mabuo niya ang tula, gumapang sa kanya ang pagnanais na basahin ito sa publiko; itanghal sa harap ng mga Antiqueno, sa lahat ng nakakaintindi ng Kinaray-a. Maging hindi.

Gumawa siya ng versyon nito sa Hiligaynon at ipinasa para sa patimpalak.

Ang Amoy ng Kuwarta sa Hiligaynon at Kinaray-a

"The Best Astronomy" (http://www.lostateminor.com)

Paki-type sa google ng Kinaray-a. Gayundin ng Hiligaynon. Madadala ka nito sa ilang webpage ng mga kompanya at ahensya na naghahain ng serbisyo sa pagsasalin  sa iba’t ibang wika sa bansa tulad sa Tagalog, Cebuano, Hiligaynon.

”The world is flat,”[xi] sabi ni Thomas Friedman. Nagtumbok siya ng sampung puwersa na lumikha ng pagpatag na ito ng mundo. Isa rito ang outsourcing. Ayon kay Friedman, dahil sa Y2K bug noong 2000, nagkaroon ng blind date ang America at India sa pamamagitan ng PC, ng internet, at ng fiber optic cable na nagpanganak ng e-commerce – ito ngang outsourcing.

Ito ang sinasabing lumalakas na negosyo sa bansa.[xii] Ang pag-asa sa panahon na kinakain ng paranoya ng krisis sa ekonomiya ang buong mundo.

Nakilala niya ito, bagama’t hindi niya masasabing naiintindihan ang sistema, nang makatanggap siya ng imbitasyon na maging consultant sa isang pagsasalin sa Hiligaynon. Medical questionnaire ang dokumento. Napag-alaman niya na pangunahing nanggagaling sa Europa at Norte America ang ganitong uri ng trabaho.

Ang pagsasalin ng teknikal at medikal na mga dokumento sa pangunahing wika ng target na kliyente/customer – sa ngalan ng convenience, effeciency, relevance – upang lalong makapaghakot ng kita ang kapitalista. Sa panahon ng pagproklama ni Bill Gates ng ”creative capitalism,”[xiii] nariyan pa rin, mismo, isang malakas na sigaw sa kanyang utak, ang ”the cultural logic of late capitalism”[xiv] ni Fredric Jameson.

Isang espasyo o tereyn kung gayon ang pagsasalin, ng negosasyon at pagpoposisyon, sa politika ng posibilidad.

Idineklara halimbawa ng UN ang 2007 bilang taon ng multilingwalismo.

Project Coordinator siya sa Hiligaynon ng nagaganap na proyekto ng De La Salle University at National Commission for Culture and the Arts, na ”Building the Philippine Online Corpus.” Naglalayon ito na i-digitize ang mga pangunahing wika sa bansa.

Alternatibong espasyo rin ang mga social networking sites tulad ng Friendster, Multiply, Facebook, MySpace, at YouTube, sa pag-a-anunsyo at pagbebenta sa lokal at global na komunidad ng mga libro sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Filipino.

Ang Kabuluhan ng Kaalaman

Sa Sining ng Pagsusulat: May natatandaan siyang palaisipan ng isang Zen Master: nasa tuktok ka ng isang kahoy, kagat ang isang tangkay. Wala kang mahawakan, walang mapagkapitan ang iyong mga kuko sa puno. Mula sa ilalim, may nagtanong tungkol sa kahulugan ng Zen. Kapag hindi ka sasagot, iniiwasan mo ang tanong. Kung sasagot ka naman, mahuhulog ka. Sa oras na iyon, ano ang iyong gagawin?

Sinasabi na ang halaga ng palaisipan na ito tungkol sa kahulugan ng panahon ay ang kaalaman natin sa buhay kung kailan tayo dapat magtitimpi at manatili; kung kailan tayo dapat magbabahagi at magpaparaya.

Sumasaludo siya sa lumang mito na ito dahil ito ang isa sa mga biyaya ng kanyang gulang. Pagtitimpi, pagpipigil, pag-iingat. Sa panahon saan isa sa mga kanta sa kanyang playlist ay ang “Beauty of Speed” ni Tori Amos.

Ngunit ang pagtitimpi na ito ay hindi nangangahulugang pagdadahan-dahan.

Sa panahon ng kontraktwalisasyon at entreprenyursyip, hindi na nakakatuwa ang linya na “nice guys finish last.” O katulad ng “Filipino time” na gumagalang sa napagkasun-duan, kadalasan, pagkatapos lamang dumating ang pangunahing bisita o kung nagawa na ang iba pang maraming gawain.

Ngunit at dahil hindi rin ito pagmamadali. Lalo pa kung nangangahulugan ito ng pagsamba sa ekspresyon ng panahon na “Speed is money. Are you ready for prime time?” Ang pagtitimpi na ito ay walang convenience ng 24/7 na serbisyo. O ng kita at benepisyo ng “working smart” ng pyramiding na negosyo.

Kung may katumbas man ito sa mundo ng kapitalismo, marahil ito ang sinasabing 80/20 sa timbangan ng tinatawag na “calculated risk” ng mga negosyante. Na sa laro rin ng pakikipag-date, para masiguro ang ganitong porsyento ng kasunod na pakikipagkita, kailangang alam ng manlalarong-mangingibig kung ano lamang ang dapat sasabihin – sa ngayon, papaano, at kung kailan ang tamang sandali.

Kaya ang laro – hindi lamang ang sining – sa/ng marketing at advertising kapwa sa negosyo at pag-ibig. Sa simula pa lamang, dapat may gusto na. Hindi sana, dahil ang sugo ng panahon ay “make it happen.” Kaya ang visual spectacle ng power point presentation sa pagkuha ng atensyon ng mambibili, pagpausbong ng interes, paglikha ng pagnanasa, hanggang sa maging kilos ng target na odyens ang pagbili ng produkto. Hindi pa pag-ibig dahil sa panahon na mga artista, modelo, at manlalaro ang Idolo at Bayani ng bayan, hiwalayan dito at diborsyo doon ang nasasaksihan. “Love is work,” wika nga. Sa pagbagsak ng dolyar at sa pagbaha ng produkto para sa Me Generation, isang malaking responsibilidad ang pag-ibig. Kaya ang popular na mga linya sa dating scene na “I like you” at “One day at a time.” Sagrado ang “I love you.” Hindi kailangang bigkasin kahit pa may pagsisiping na.

Gusto niyang paniwalaan na ang pagtitimpi na ito ay ang kanyang pagdi-distansya –hindi pagpapasukob ngunit hindi rin paglalayo – sa halina ng intertextwalidad at references ng postmodernismo. Gusto niyang paniwalaan na ito ang kanyang  kaalaman – pagkilala – sa ‘risk’ at ‘hazard’ na dala ng kanyang pagka-aliw sa intelektwal na ekskursyon mula panitikan, pilosopiya, komunikasyon, lingwistik, at kulturang popular hanggang management, neuroscience, at evolutionary biology; sa kanyang “media diet” ng internet, cable TV, DVD, at sa “experience economy” ng paglalakbay na nasa credit card ang kaligtasan at trahedya.

Sa panahon ng blogging, ito ang kanyang pag-downplay sa pag-e-emote, kung hindi man sa gayuma ng digresyon blah-blah-blah. Ito ang kanyang agam-agam sa multitasking na sa kanyang karanasan, hindi palaging katumbas ng efficiency o time-saving dahil maaaring nasasakripisyo ang kalidad ng gawa sa mahinang intensidad ng pokus at atensyon. Sa panahon ng networking, sa paglilikha ng bago at pagpapatibay ng dati nang pakikipag-ugnayan, lalo na kapag magkaharap, pagiging walang modo ito.

Sa madaling sabi, ang pagtitimpi na ito ay ang sinisikap niya na pananahan sa “Omit needless words.” Ang Rule 17 sa tsapter na “Principles of Composition” sa The Elements of Style nina William Strunk Jr. at E.B. White. Ang sining at siyensya ng pagkukuwento – sa tinatangkang pahina kada pahina na pakikipag-ugnayan ng manunulat sa/at mambabasa – hanggang sa Wakas.

Bilang promdi@manila, sa Kinaray-a inflected English, sa Hiligaynon na tunog Kinaray-a, at sa Filipino na Hindi po Tagalog. Masasabi na simula siyang naging seryoso sa pagsusulat noong estudyante siya sa UPV(BA Literature 2000). Ito ang panahon na sinasabi ni Dr. Leoncio Deriada na ”resurgence” at ”re-engineering”[xv] ng panitikan sa/ng rehiyon bunga ng reoryentasyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) at pagkatatag ng NCCA na nagbigay ng mga writing grants, workshop, at publikasyon ng mga antolohiya tulad ng Ani at Mantala. Nagkaroon siya ng modelo sa mga lokal na manunulat na nagsusulat sa Kinaray-a, Hiligaynon, Akeanon, Filipino, at Ingles. Napasali siya sa mga pagtitipon, naging Writing Fellow sa 1997 Iligan National Writers Workshop sa Iligan City at nanalo sa mga paligsahan ng pagsulat ng tula sa Filipino (Unang Gantimpala, 1997 Home Life, para sa ”Oyayi sa Tag-ulan, at sa 2000 Bigkas Binalaybay ng Sentro ng Wika ng UPV para sa ”Sila, at ang Nagligad’).

Pinaniwalaan niya si Dr. Deriada at ang mga naging kaibigang manunulat tulad ni John Iremil Teodoro sa kanilang interpretasyon ng Filipino: ang binubuong pamban-sang wika, sa sugo ng Konstitusyon ng 1987, na nakaugat sa Tagalog at (dapat) nagsasali ng iba pang pangunhing wika sa bansa. Ang pagsulat sa tinatawag na Visayan-laced Filipino – sa pamamagitan ng pagpasok ng mga salitang Kinaray-a at/o Hiligaynon, partikular ang may malalapit na pagkakatulad sa iba pang wika sa bansa, tulad ng Cebuano at Bikol, nakaaambag sa pagbubuo ng Filipino.

Makikita ito sa kanyang libro ng mga tula sa Kinaray-a at Filipino, ang Pula ang Kulay ng Text Message (University of San Agustin Press, 2006).

Nasa Manila siya, ang nananatiling sentro ng produksyong-pampanitikan,  partikular sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University na nagpapakilala bilang nangungunang pribadong akademya sa bansa at nagpupunyaging maging world-class. Kung titingan ang listahan ng kanyang pananaliksik at publikasyon, naging aktibo sa pagsuporta ang unibersidad ng pagsusulat niya sa Kinaray-a, Hiligaynon, at Filipino.

Patuloy siyang magsusulat sa Kinaray-a, sa Hiligaynon (lalo na sa oportunidad na binibigay ng Palanca at ng KWF), at sa Filipino (isang nobela sa Filipino ang kanyang disertasyon –Ang Lumbay ng Dila), kaalinsabay ang pagpapakabihasa sa Ingles para sa internasyonal na pakikipag-diyalogo. Patuloy siyang magtuturo kapwa sa Filipino at Ingles. Pinapaniwalaan niya ang adbokasiya ng pagtuturo sa kabataan sa pangunahing wika ng rehiyon.Binabalak niya ang inter-rehiyonal at cross-rehiyonal na pag-aaral. Halimbawa, sa pagitan ng literatura ng Panay at ng Bikol at ng panitikang Hiligaynon at Cebuano. Patuloy niyang pinaniniwalaan na kaalinsabay sa pagpapatibay ng mga wika ng rehiyon – ng “supra-region” ng administrasyong Arroyo – ang panga-ngailangang pagkaroon ng wikang pambansa, kaya ang pagpapalago at intelek-twalisasyon sa Filipino. Napagtibay ito ng kanyang karanasan sa paglalakbay sa Silangang Timog ng Asya: sila man ay nakolonisa rin – ang Indonesia ng Dutch, ang Malaysia ng British – ngunit wala silang pagpapaumanhin sa pagsasalita sa sarili nilang wika, maging sa internasyonal na kumperensya. Nakasalin din halimbawa sa kanilang wika ang mga pelikula galing Hollywood. Mantakin mo nga naman ang oportunidad para sa pagsasalin sakaling ito rin ang sistema sa Pilipinas! Adbokasiya niya sa kanyang mga estudyante ang pag-aral ng isang wika sa bansa maliban sa Tagalog, kaalinsabay sa hangarin na pag-aaral ng isa pang dayuhang wika maliban sa Ingles. Nakakaintindi, nakakapagsalita siya halimbawa ng kaunting Cebuano, at gusto niyang maging bihasa rin dito, katulad na nagsasariling sikap siya sa pag-aaral ng Espanyol at Bahasa.

Sa “On National Culture”[xvi] sa Wretched of the Earth, diniskurso ng Afrikano na rebolusyonaryo at psychiatrist na si Franz Fanon, ang evolusyon ng rebolusyonaryo na intelektwal na mamamayan sa tinatawag nitong  “national consciousness” na “which is not nationalism.” Ito, aniya, ang “the only thing that will give us an international dimension.” Ito ay dahil kasama sa pagkilala ni Fanon sa importansya ng nasyonalismo sa paggatong ng kontra-kolonyal na pagkilos,  nagbabanta rin ito sa pag-usbong ng mga burgis na sa proseso ng pagpapalawak at pagpapalakas ng kilos-nasyonalismo, maaaring pangsariling interes at etnosentrismo ang maitanghal nito.

Sa pagsasali niya sa ”pag-aakda ng bansa,” nakikita niya kay Fanon ang lapit ng kanyang poetika at politika. Tumatango rin siya kay J.Neil Garcia sa Postcolonialism and Filipino Poetics[xvii] sa kritisimo ito sa “katutubong kaakuhan” nina Virgilio Almario at Gemino Abad at “pantayong pananaw” ni Zeus Salazar. Sa limitasyon na nakita ni Garcia sa iskolarsyip ng mga pinag-aralan na kritiko sa bansa, kumatig ito sa posisyon ng Caribbean na kritiko na si Stuart Hall sa paglalarawan nito ng postkolonyal na identidad bilang hiwalay sa aksis ng pagkaka-pareho at pagkakaiba, ng pagpapatuloy at pagsisira saan ang identidad ay sabdyek sa patuloy na laro ng kasaysayan, kultura, at politika. Para kay  Garcia, nangangahulugan ito ng pagtanggap sa “hybridity” ng identidad at buhay saan hindi dapat hinahanap ang “recovery” ng “glorious past” sa hangarin natin na madiskubre kung sino tayo.

Kinukumpirma ni Fanon ang kanyang reflexivity sa sarili niyang edukasyon at evolusyon bilang manunulat. Ngunit kahit tinatanguan niya sa sariling kontradiskyon si Garcia, malay din siya na katulad ng maraming nakakagayuma at nakakapampalumbag –loob na mga konsepto galing abrod (i.e. ”global soul” ni Pico Iyer, ”the world is flat” ni Thomas Friedman), hindi pa ito tutuo sa kaso ng Pilipinas. Sabi nga ni Epifanio San Juan Jr. sa Racism and Cultural Studies,[xviii] ang sa atin ay isang “forced diaspora of migrant workers” at “import of uneven and combined development globally.” Ang OFW na domestic helper ay hindi isang expat na brand manager sa isang transnasyonal na kumpanya.

Saging at tubig sa Starbucks?

Oo naman. Dahil walang entrance fee, tulad ng mall, ngunit ang libre rito ay ilusyon lang din naman. Nakakapagtrabaho siya sa Starbucks, mismo, dahil may laptop siya at kakayahang bumili ng naka-display na mga produkto nito. Kaya nasasagot din niya ng ngiti ang pagbati ng mga barista sa counter, sakaling wala siyang balak mag-order at para magbasa lamang ng diyaryo o maghintay sa isang kaibigan, dahil alam niyang kilala na siya ng mga ito – isang propesor sa katabing unibersidad. Nahihiya ba siya? Hindi. Dahil may cash siya at credit card. Dahil ito rin ang ginagawa ng karamihan. Bakit hindi? Ito ang ‘kaluluwa’ ng Starbucks na binabantala nito, ang pagiging “the third place.”[xix] Dito ito kumikita.

Kaya sa mga panahon ng kanyang paglalasap ng frappucino at blueberry cheesecake, hindi rin siya nakokonsensya, sa paniniwalang she deserves it. Bakit hindi, kailangan niya ng enerhiya para sa marami pang oras ng pagtatrabaho. Maging sa mga sandali tulad ng Friday night na ang tanging sigaw ng kanyang loob ay: “I just wanna be a girl!”

Kaya gusto rin niyang paniwalaan na naiintindihan na niya ngayon ang sinasabi ni Rizal na “el demonio de las comparaciones.” Ang “the spectre of comparisons”[xx] ni Benedict Anderson. Na para sa kanya, nananawagan ng marubdob na pagtuon sa usapin ng pagpoposisyon sa pagdidiskurso sa/ng pagkakatulad at partikularidad ng konteskto at karanasan; sa pagpapalaot sa ekonomiya at politika ng mga posibilidad; sa dinamiko at malikhaing tagisan ng gahum sa pagsusulat, pagtuturo, pagsasalin, pag-aaral. At dito, naka-highlight, naka-bold, naka –italics: isang Post Shout[xxi] ang mga sumusunod: “Always historicize!” [xxii]“Only by struggle.”[xxiii] “Ang mamatay nang dahil sa iyo.” “Mabuhay ang pag-asa ng bayan!” Animo!”

Kaya Kahit Hindi Siya si Darna! Go Girl, Padayon! Fight Hasta Malipung!

_________________________________

Papel na inihanda bilang Writing Fellow sa All-Visayas Centennial Creative Writing Workshop, Nobyembre 30-Disyembre 06, 2008 sa UP Visayas, Tacloban City. Nalathala sa Inter/Sections: Isagani R. Cruz and Friends. Ed. David Jonathan Y. Bayot. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

TALAAN


[i] Una kong nabasa ang termino sa artikulo ni Bryan Walsh tungkol kina Ted Nordhaus at Michael Shellenberger sa espesyal na report, “Heroes of the Environment” ng Time (October 6, 2008),60. Maaaring tingnan si Manisha Desai sa Gender and the Politics of Possibilities: Rethinking Globalizationhttp://ruevents.rutgers.edu/events/displayEvent.html?eventId=55555

[ii] Nanalo ng pangatlong gantimpala, Maikling Kuwento sa Hiligaynon, Pambansang Komisyon ng Wikang Filipino, Agosto 2007.

[iii] Eric Schlosser at Charles Wilson, Chew on This: Everything You Don’t Want To Know About Fastfood (USA: Houghton Mifflin, 2006).

[iv] Unang libro niya, koleksyon ng mga kuwento sa Kinaray-a, taga-uma@manila kag iban pa nga pakipagsapalaran (Manila: National Commission for Culture and the Arts, 2005).

[v] Bienvenido Lumbera, Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa (Quezon City: UP Press, 2000).

[vi] Caroline Hau, Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation 1946-1980 (Quezon City: Ateneo Press, 2001).

[vii] Howard Behar, It’s Not About the Coffee: Leadership Principles from a Life at Starbucks (USA: Penguin Books, 2007).

[viii] Li-Young Lee, Rose (USA: BOA Editions Ltd., 2000).

[ix] Isang tula tungkol sa flashflood sa Ormoc.Mababasa sa http://www.geocities.com/Athens/Atlantis/3404/erlinda_k_alburo.htm

[x] Alice Sun-Cua,Chartered Prophecies (Manila: DLSU Press, 2002).

[xi] Thomas Friedman. The World is Flat: A Brief History of the Twenty-First Century (USA: Farrar, Strauss and Giroux, 2005).

[xiii] Bill Gates, “How to Fix Capitalism,”Time (August 11, 2008), 25-29.

[xiv] Fredric Jameson, Postmodernism or, the Cultural Logic of Late Capitalism (London: Verso,1991).

[xv] Leoncio Deriada, “Literature Engineering in West Visayas” sa  http://www.admu.edu.ph/kritikakultura/pdf/issue1/Literature%20Engineering%20by%20Deriada.pdf

[xvi] Fratz Fanon, “On National Culture” sa Wretched of the Earth (New York: Grove Press,

1963), 206-248.

[xvii] J.Neil  Garcia, Postcolonialism and Filipino Poetics (Quezon City: University of the

Philippines Press, 2004).

[xviii] Epifanio San Juan Jr., Racism and Cultural Studies: Critiques of Multiculturalist Ideology and the Politics of Difference (New Americanists) (USA: Duke University, 2002).

[xx] Benedict Anderson, Spectre of Comparisons: Nationalism, Southeast Asia, and the World (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2004).

[xxi] Hango sa lengguwahe ng mga social networking sites tulad ng Friendster.

[xxii] Hango kay Fredic Jameson sa Postmodernism or, the Cultural Logic of Late Capitalism (London: Verso, 1991).

[xxiii] Hango kay Epifanio San Juan, Jr., Only by Struggle: Reflections on Philippine Culture, Politics and Society (Quezon City: Giraffe Books, 2002).

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Note: HTML is allowed. Your email address will never be published.

Subscribe to comments