Sa Ulan, Ngayong Mga Araw
Genevieve L. Asenjo
1
Nagsasalita ang ulan sa kidlat at kulog,
May mga pakpak man ang iyong mga paa
Hindi ka makakauwi nang maaga.
2
Para kang nagising bigla sa iyong buhay.
Sa iyong isipan, ang mga anghel, santo’t santa.
Dumagundong ang nasaulo mong mga panalangin.
3
Nagsalikop ang iyong mga kamay at daliri.
Parang mga tubig sa magkabilaang kanal –
Sa pagtatagpo, nakabuo ng baha sa kalsada.
4
Tumatakbo ka palayo sa iyong sarili
Na parang ikaw ang dahilan ng bagyo’t baha.
Sa dulo ng iyong dila, ang pagsamo ng kaligtasan.