Skip to content

October 16, 2013

1

Patikim ng ‘Gagambeks’, Nobela ni Mark Angeles

by Pangga Gen
Superhero-inspired knit ni  Jill sa http://www.etsy.com via www.lostateminor.com

Superhero-inspired knit ni Jill sa http://www.etsy.com via http://www.lostateminor.com

3

Kung may kuwento noon na ang mga bagong panganak na sanggol ay dinadala ng tagak sa pintuan ng bahay, ako naman napulot lang daw sa tae ng kalabaw.

Ganoon ang tukso nila sa akin noong bata pa ako. Naririnig ko sa mga nagtsitsismisan sa harap ng tindahan ni Aling Ludy na takbuhan ko kapag nauubusan si Mamang Annie ng paminta na binubudbod niya sa paborito niyang lutuing adobong baboy. “’Yung buo ha, hindi durog. Buo, hindi durog,” naaalala ko pang sabi niya. Inuulit-ulit ko ‘yun sa utak ko habang naglalakad sa daan papunta sa tindahan ni Aling Ludy. Buo, hindi durog. Buo, hindi durog. Buo, hindi durog. Nakabuo na ako ng kanta.

Pagdating ko sa tindahan, tinutuktok ko ng barya ang rehas na may chicken screen at sinisilip ko kung naroon ang may-ari. “Pagbilan po ng paminta. ‘Yung buo, hindi durog!”

“’Eto ba ang anak ni Stella?” maririnig kong sasabihin ng isang babae. Boses palengkera.

“Ay siya, ang laki na ah!” sunod naman ng isa pa.

“Sayang, ano? Maagang naulila.”

“Anak sa pagkadalaga.”

“’Wag kang maingay, baka marinig ka ng bata.”

“Nakakaintindi na ba ‘yan? Ang bata-bata pa niyan ah.”

“Alam ba niya kung saan siya galing?”

“Napulot sa tae ng kalabaw.”

Pagkatapos, maghahalakhakan sila. Patuloy sila sa pagtatawanan habang inaabot ko ang bayad kay Aling Ludy at inaabot naman niya sa akin ang dalawang pakete ng paminta. Buo, hindi durog. Hanggang sa pagtalikod ko, sa paglakad ko palayo sa tindahan ni Aling Ludy, maririnig ko pa rin ang mga hagalpakan nila. Maiiwan sa akin ang alingawngaw hanggang sa dumating ako sa bahay at iabot ko ang paminta kay Mamang Annie. “Bakit ganyan ang mukha mo?” itatanong ni Mamang sa akin. “Wala po,” patay-malisyang isasagot ko.

Napulot nga ba talaga ako sa tae ng kalabaw? I’m sure hindi ako nalaglag mula sa puwerta ng kalabaw. Sino ang mag-iiwan ng sanggol sa tae ng kalabaw? Siguro isang inang hindi gusto ang anak niya. Siguro ang inang isinusumpa araw-araw ang anak niya habang dala-dala niya ito sa sinapupunan ng siyam na buwan. Pabigat nang pabigat araw-araw ang dala niya. Palalim nang palalim ang kapit ng sumpa.

Pero ano ‘yung sabi nilang anak ako sa pagkadalaga? Ang bahaging ‘yun ang hindi malinaw sa akin noong bata pa ako. May dalaga bang nanganganak nang basta-basta na lang? Alam ko, may ganoon sa mga kuwento noong unang panahon. Nabuntis ng bula sa dagat. Nabuntis ng sisne. Nabuntis ng kalapati. Hinugis mula sa luwad. Iniluwa ng kawayan.
Napansin siguro ng Mamang ko ang pagkabalisa ko. Nahulaan siguro niya na tungkol ito sa pagkatao ko. Sa tukso ng mga tao sa akin. Kaya isang araw, ikinuwento niya ang nangyari.

“Hindi ka napulot sa tae ng kalabaw,” sabi niya. “Hindi ka rin inilagay sa loob ng kahon ng sapatos at iniwan sa kung saan.”

Anak ka ng anak ko, sabi niya. Tunay kitang apo. Dugo’t laman ko rin dahil ang nanay mo ay sa akin din nanggaling.
Medyo nandiri ako sa pag-imagine na lumalabas sa kanya ang ulo ng nanay ko habang umiire siya. At lumalabas din ang ulo ko sa pagitan ng mga hita ng nanay ko. Mali! Suhi nga pala ako. So dapat una ang mga paa.

Delikado raw ang panganganak ng nanay ko. Kahit nung buntis pa siya, ipinaalam na sa kanya ng doktor na magiging kalbaryo ang pagdaraanan niya. Niresetahan siya ng sangkatutak na gamot. Pero dahil kapos kami kahit noon pa, hindi nila nabili ‘yun lahat. Dinaan na lang nila sa prutas. Tamang diyeta. Tamang pangangalaga ng katawan. Sapat na tulog. Bawal magpagod.

Ganoon naman daw talaga kapag nagbubuntis. Ang isang paa mo ay nakabaon na sa hukay. Ganoon kahirap ang panganganak. Buwis-buhay daw talaga. Para kang umiire ng pakwan. Hindi makukuha ng palangis-langis lang para dumulas. Pero may problema talaga sa piyesa ng nanay ko. Malakas ang ulan noong pumutok ang panubigan niya. Kumukulog at kumikidlad nang isugod siya sa ospital. Parang pa-welcome sa akin ni Inang Kalikasan. O babala sa sansinukob. Heto na si Angelo Ballesteros, iluluwal na ng nagdala sa kanya ng ilang buwan. Siguro nagbubunyi ang mga engkanto nang mga oras na ‘yun. Nakapaligid sa nanay ko. Tinutulungan siyang umire.

Siyempre biro lang ‘yun. Ipinanganak ako noong August 27, 1990. Sa ilalim ng zodiac sign na Virgo. Double-bodied tulad ng Gemini (kambal), Sagittarius (taong kabayo), at Pisces (dalawang isda). Ako naman, maiden and bird. Babae at ibon. Babaeng may ibon? Joke. Sabi sa nabasa ko, ito raw ang mga katangian ko: introvert, practical, associated with change.

Si Mamang Annie ang nagdala sa amin sa ospital. Kasama niya si Kagawad Jun, ang kapitbahay namin. Sinabihan na sila ng doktor na 50-50 ang laban. Isa lang ang kaya niyang buhayin. Pinapili si Mamang: ako o ang nanay ko. Kung ang nanay ko ang pipiliin, baka manganak pa siya in the future. Ng maraming-marami. Kung ako ang pipiliin, well, hindi ko alam kung bakit ako ang pipiliing buhayin. Sanggol lang ako noon. Partida, suhi pa. Baka nakatulong ‘yung pagiging suhi ko. Suwerte raw kasi sa pamilya ang suhi. Siya ang nagtatanggal ng tinik sa lalamunan.

Nang iluwal ako ng nanay ko, umiyak daw ako agad. Hindi na kailangang paluin pa ng nurse. Pumadyak-padyak pa ako.

Pero hindi na nailigtas ang nanay ko. Sabi ko, baka kaya ako umiyak agad eh dahil alam ko na ang mangyayari. Alam ko nang kapalit ng buhay ng nanay ko ang buhay ko. May nagbuwis agad ng buhay para lang sa akin sa unang araw ko sa mundo. Nanay ko pa. Tumatak ‘yan sa isip ko hanggang sa pagtanda ko. Magsasakripisyo rin ako para sa iba.

Dahil wala akong ina at mahalaga ang gatas ng ina sa sanggol, may naganap na himala sa maternity ward. Habang hinahanda ang katawan ng nanay ko para sa burol, naroon ang mga bagong panganak na ina, nagbigay sa akin ng tulong. Ibinigay nila sa akin ang biyaya ng kanilang mga dibdib. Pinasuso nila ako. Pinasuso ako ng buong maternity ward. Bawat isa sa kanila, nagbigay sa akin ng gatas.

Kaya lahat sila ay nanay ko. Hindi lang iisa ang nanay ko, na siyang nagluwal sa akin. Pati na rin silang lahat na nagpasuso sa akin. Hindi ko na alam kung paano sila matutunton para makapagpasalamat.

At sobra talaga ang pagpapasalamat ko. Marami akong naging nanay. Pati si Mamang Annie. Lalo na si Mamang Annie na siyang nagpalaki sa akin.

____________________
Si Mark Angeles aka Makoy Dakuykoy ang kasalukuyang representante ng Filipinas sa International Writing Program (IWP) sa University of Iowa, Iowa City, USA. Awtor ng Patikim, Emotero, at Threesome. Panalo ng Palanca, ng Maningning Miclat Poetry Award, ng Haruki Murakami Essay Contest, at naging fellow sa tula sa IYAS at Iligan. Inaasahang ma-imprenta ang ‘Gagambeks’ sa 2014.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Note: HTML is allowed. Your email address will never be published.

Subscribe to comments