“Alamat ng Boracay,” Flash Fiction ni Genevieve L. Asenjo

Alamat ng Boracay
Genevieve L. Asenjo

Nagkita sila sa kalsada isang hapon ng Enero na ang lakas at lamig ng hangin lagnat sa buong isla. Sa di-kalayuan, may kuweba ng mga paniki. Kapwa nila nais mapasok ito.

Nagbibisikleta ang lalaki. Galing siya sa White Beach. Ang babae, kararating lang sa kalsadang ito saan namumukadkad ang marapait. Galing siya sa Puca Beach. Papunta ang lalaki roon, matapos marinig sa henna tattoo artist sa Station 2 na sa puca shell unang nakilala itong isla.

Kuwento na noong 1960’s, pasyalan ng Presidente at Madam ang isla. Isang araw, kasama nila si Elizabeth Taylor. Lumipad ang puca shell sa America. Nagsulputan ang hotel sa kabundukan – dumaong ang mundo sa dalampasigan; pamumulot ng tuwa sa kaputian. Narinig din ito ng babae, sa madre na kumukupkop sa mga Ati sa Sitio Bulabog. Kaya sumakay ng traysikel, palayo sa White Beach, patungo sa Yapak. Dito sinasabi na tumira ang maraming Ati, bago ang Puca Beach, bago ang hilera ng tindahan ng mga katutubong Kristiyano.

Nagtama ang kanilang paningin. Parang sa pelikula. Yuko at ngiti sa isa’t isa, at naramdaman nila na iyon ang simula. Kahit pa hindi sila naniniwala sa kapalaran. Hindi rin nila alam na may tatlo silang parehong kaibigan sa Facebook, saan nakalagay na amateur bird watcher ang lalaki, at ang babae, amateur photographer.

Dumiretso ang lalaki. Ang paghahanap ay isang pagkilos sa mga mata ng paniki: nakakakita sa kadiliman ng kuweba ngunit hindi nanunugod ng tao. Isang paghinga naman ang pagtigil ng babae, dahil ang alaala ng kabataan ay dilaw na marapait: dahon, tangkay, sanga, bulaklak, prutas ng kabundukan na may karatula ngayon na Private Property, No Trespassing.

Hindi rin nila alam na ito ang daan saan ikinasal sina Bora at Acay. Sa ilalim ng kahoy na inyam, matapos ang habulan, sa ritwal ng pagdidikit ng mga ulo, sa panalangin ng Pinuno na umaalingawngaw sa kabundukan. Siglo ng pangingisda sa dagat, paglipat-lipat sa paglasa ng iba’t ibang hayop at mga bungang-lupa, at panganganak ng mga tribu, at sinasabi na nawala ang mga Ati. Ethnic cleansing sa bokabularyo ng lalaki. Narinig naman ng babae sa madre na naroon lang sila sa mga kuweba, natakot sa mga tunog na nagpatumba sa kakahuyan at nagpatayo sa mga gusali. Nangamatay ang marami. Gutom, init, lamig. Ngunit ang nahukay sa naiturong burial sites, mga banga’t pilak. Hindi rin ito alam ng maraming bakasyunista; wala silang panangis na naririnig sa Diniwid, sa museo ng mga Tirol sa Station 1, sa mga lumot sa umaga.

Huminto ang bisikleta ng lalaki. Napansin niya ang ilang banyaga. Nakilala niya na mga Koreano. Dalawang beses na niya narinig ngayong araw na madalang na ang pagdating ng mga ito. Sa manager ng hotel, sa katabi sa breakfast buffet. Recession, sabi nila. Pagmamakaawa naman ito ngayon ng tindera: na ito – ang hawak niya, ang nakalatag, ang nakalawit, ang tinutuhog, ang puca shell.

Hanging Enero, at para rin siyang lalagnatin. Napalingon siya sa kalsada, sa bakas ng ngiti ng babae, at para bang nasisid niya ang lalim ng dagat sa pagkaunawa sa kapayakan ng kanyang hinahanap.

Sa oras na ito, lumalakad na ang babae, papasok sa kuweba. Napalingon din siya, na para bang isang pagpayag sa pagkuha ng litrato ang naging yuko at ngiti ng lalaki. Ngunit nagpatuloy siya, sa mga hakbang na muling ngumangalan sa mga damo, sa mga mata na nagmamatyag sa kahit iisang puno ng inyam. At bago pa siya makarating sa kuweba, isang prusisyon ng mga paniki ang kalawakan. Ipinosisyon niya ang camera, sa paghuli sa pagdalaw na ito ng mga paniki sa mga bakawan, sa pagsaboy ng mga buto – polinasyon, para may masilungan ang maliliit na isda. Pagpapatuloy ng buhay!

I-upload niya ito sa Facebook.

Nakita rin ito ng lalaki. Kabog, sabi niya, Philippine fruit bat, at nakita niya sa papalubog na araw ang kahel na bulaklak ng isang bakawan na gamot sa lagnat ang mga ugat at dahon. Naalala rin niya ang mga Ati sa labas ng simbahan sa Kalibo sa panahon ng Ati-Atihan, sa kanilang mga panindang gamot at gayuma, kasama ang kanilang mga anak at pawikan. Bumili siya ng kuwintas, at naramdaman niya ang pagkabasag ng mga puca shell sa mga gulong ng kanyang bisikleta, sa dalampasigan nitong isla na kamatayan ng mga Ati ang kanyang kaputian.

Iba-blog niya ito sa Facebook.

4 thoughts on ““Alamat ng Boracay,” Flash Fiction ni Genevieve L. Asenjo

  1. Hindi ito ang totoong alamat ng Boracay. Kwento ko lamang base sa mga narinig. Produkto ng imahinasyon. Maraming salamat sa dalaw.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.