Sa Tanong na “Ikaw Ba si Sadyah?”
Partikular, Sa Pagiging Babae
1. Habang sinusulat ko ang Lumbay ng Dila, nadiksubre ko ang isang Italyan na manunulat, si Cesare Pavese. May isa siyang kuwento na “Among Women Only.” Inaangkin ko ang linyang ito: “And when love is over, and you know who you are, what do you do with these things you’ve learned?”
Nagsisimula pa lamang ang relasyon, nakikita ko na ang pagtatapos nito. Kaya wala akong pagluluksa. Bago pa man ang pakikipaghiwalay, nakalimot na ang aking puso.
2. Sa “Battle of the Sexes” sa The Selfish Gene ni Richard Dawkins, nakita ko na hindi ako isang babae na may “domestic-bliss strategy.” Ito ang babae na ang pangunahing pangarap ay maging asawa ng lalaking guwapo, malusog, at higit sa lahat, mayaman. Pagsiseguro ito sa kagandahan at kalusugan ng kanilang magiging anak; sa hindi niya pagpo-problema sa pera. Kailangan niya lamang manatiling maganda at malusog para sa lalaki. Higit sa lahat, ang maging dakilang tagasunod nito.
Mas kabilang (pala) ako sa babaeng may “He-Man strategy.” Ito ang babae na ang hanap na lalaki ay iyong maituturing na “someone better than others”: guwapo (s’yempre), malusog (hindi kailangang may 6-pack pero dapat matangkad at fit), matalino (dapat lang) at magaling (kaya may pera), higit sa lahat, may mabuting kalooban.
Sa isyu ng “selfish gene,” ito ang sinasabi rito ni Dawkins: “The females are allowing just a few males to get away with the ideal selfish-exploitation strategy which all males aspire to, but they are making sure that only the best males are allowed this luxury.”
3. Dumating sa akin na madali akong madismaya: hinuhusgahan ko ang modernong lalaki bilang spineless sa kanyang pagiging (kahit na) cocky. Dahil sa aking di-konsyus na kamalayan, makaluma (pala) ang ideyal ko na lalaki: may palabra de honor, may prinsipyo, isang moog.
Edukasyon ko naman bilang babae mula bahay hanggang paaralan ang tumayo sa sariling mga paa. Sa aking “selfish gene” at “virtue of selfishness,” ayaw kong mag-isip at magkilos lalaki sa panahon na ang pakikipag-date ay katumbas na rin ng come over at sleep over ngunit hindi palaging nangangahulugang ekslusibo.
4. Kung pagbabasehan ang A Lover’s Discourse ni Roland Barthes, gusto kong paniwalaan na nasa estado na ako, kahit mababa pa lamang, ng huling seksyon: ang “Sobria Ebrietas.” Dito, mataas na ang kamalayan ng mangingibig sa kahirapan ng pag-ibig. Kaya ang paglagpas niya sa “will-to-possess.” Drama niya ngayon ang N.W.P. (non-will-to-possess) na siyang kabaliktaran ng pagpapakamatay. Nanggagaling ang tapang sa pagpapaubaya na ito ng mangingibig sa kanyang natagpuang kaligayahan sa sarili. Ito ang kanyang lakas ngayon: ang kakayahan niyang maging mahina.
Mababa at mahina pa ang estado ang aking N.W.P. dahil nakaugat pa ito sa seksyon na “The Uncertainty of Signs.” Ganito ang pahayag dito ni Freud: “The only thing that makes me suffer is being in situation where it is impossible for me to prove my love to you.”
5. Ito ang aking “transcendence” mode (mood) bilang personal na brand ng post-feminismo. Hindi ito pagiging bulag sa materyal na reyalidad. Sa halip, ito ay pagiging “in this world” sa pamamagitan ng paglilimita ng pagiging lublob sa “the world is my idea.” Isa itong pagtatangka sa pagpoposisyon ng Ikaw higit kaysa Ako (kung posible man ‘yon, paminsan-minsan) na hindi pagiging mater dolorosa. Ito ay ang pagsaalang-alang sa kagustuhan, sa kaligayahan, sa konteskto ng minamahal imbes at bago ang panghuhusga at pakikipag-away.
Ito ang aking pakikibagay at pagtanggap: ang aking staying power na nagmumula sa natakulasang katotohanan na Ako at Siya ay magkatapat.
Ambisyon ko bilang mangingibig ang maging moog, ang maging “wind beneath his wings.” Dahil ang pakikipagrelasyon ay paglalakbay tungo sa “You complete me” (Jerry Maguire) higit dahil sa kaganapan kaysa sa kakulangan.
“Nothing lasts,” ika nga. Ang buhay ay isang testamento ng walang katapusang paglikha’t pagwasak; isinilang tayo na nag-iisa, mamamatay tayo na nag-iisa. Bakit ang patuloy kung gayon na paghahangad sa habambuhay at magpakailanman (gayundin ng monogamy) kaugnay sa isang kapwa? Lalo na kung may kaligayahan naman pala at kapanatagan sa pag-iisa?
Para sa akin, nanatiling maganda ang buhay at nais ko na sa pagitan ng pag-uha at pagkalagot ng hininga, may kahawak-kamay ako.
Natuklasan ko rin na nagiging madali ang buhay kapag nababawasan ang ka-dramahan. Napakalupit na ng mundo. Ang trahedya ay kailangang ilaan, isalin sa sining.
Cheers sa mga Happily Single! :):)
_______________________
Featured Image: Vince Groyon