Paghahanap ng Gingko
Genevieve L. Asenjo
1.
Humahagibis ang hangin sa mga tangkay ng puno sa iyong harapan. Naramdaman mo ang pag-akyat ng lamig mula sa basa mong medyas patungo sa laylayan ng iyong pantalon. Ngunit wala nang sindak ang ulan sa’yo. Wala na ring sentimental. Kaya wala kang payong na naiwan sa Rm.203 sa isang 5-storey na bilding. Kulay abo ngunit nakasulat ang “corner Green House” – isang lapida sa gilid ng salaming pintuan na ang pagbukas ay kasabay sa awtomatikong pag-ilaw ng sahig, paakyat sa hagdan patungo sa iyong kuwarto.
Ikinagulat mo ito noong una; isang pagkamangha tulad ng unang pag-upo-salampak sa tablang sahig, kakulay ng mababang mesa, sa isang malapit na restawran, at nakapananghalian ka ng bibimbap at kimchi sa pamamagitan ng pag-pantomime.
Dumukot ka ng kendi sa bulsa ng iyong bag, token ng restawran na iyon. May 30 minutos ka pa para sa paghihintay ng pagtila ng ulan, na pinaniniwalaan mong kawas ng bagyo sa Manila; tatlong oras na lipad sa eroplano ang layo. Shuttle bus stop. Karatula sa iyong tagiliran. Parang tapik ng isang kaibigan sa balikat. Dahil nasa Ingles. Wala pang isang buwan ang pag-aaral mo ng Hangul. Galing ka sa main library at isang bilding mula sa kalye ng tawiran at shuttle bus stop na ito ang iyong klase.
Tag-araw, summer, ang Hunyo sa Korea. Ito ang nakasulat sa guide book, sa Wikipedia; ang sabi ng ilan mong ka-Facebook nang malaman nila na natanggap ka sa isang writing program. Gayunman, lamig-Disyembre sa Pinas ang sumalubong sa’yo sa airport ng Incheon.
Nagustuhan mo ito at napakasarap ng iyong tulog sa unang gabi. Sa’yong panaginip, ang makukulay na rosas sa kahabaan ng daan at ang nakalugay sa mga bakod ng kalapitbahay na pinagnasaan mong pitasin, kung hindi lamang pinaalala sa’yo ng iyong guide na pagmamay-ari ito ng ibang tao. Kinilabutan ka sa nag-flash na headline sa’yong utak: Filipina in Seoul, arrested for picking roses! Napapangiti ka tuwing maaalala ito.
Nag-vibrate ang iyong cellphone. Stay dry. Mula sa kanya. How can a summer rain ravage a girl from a country of typhoons and floods? Sagot mo. Ngunit nagpasilong ka rin. Text ng kapatid mo kahapon na kumakalat na hanggang Visayas ang influenza A(H1N1). Kinukuha tuwing Lunes ang inyong body temperature sa unibersidad na ito. Kahit pa may insurance, takot ka na magkasakit.
Sa library kanina, napag-alaman mo na limang libro ang maaari mong mahiram sa loob ng 10 araw. Ipinagtanong mo kung maaari kang maka-renew. Umiling ang lalaking librarian. Anneo opsoyo. Weird, naisip mo; inulit mo: “Renew…extend?” “Postpone?” Sagot niya.
Napatigil ka, napatango, handa nang bumigay: kung ‘yon ang panuntunan nila, e, sige na nga. Nabigla ka na lang na naging 20 ang palugit. Para kang kinikiliti sa pagbungisngis na hindi kumawala sa’yong bunganga habang sakay ng elevator. Ngunit paano kung nasa emergency ward ka? May sariling wika nga naman sila, maging sa pagbigkas at bokabularyo nila sa Ingles. Katulad ng pagmamanufakturya nila ng sariling cellphone at sasakyan. Ang noreebang, ang ipinagmamalaki nilang kara/videoke.
Iyon – habang natutunaw ang kendi sa ‘yong bunganga at wala kang ilusyon na may mag-aanyaya sa’yong sumilong sa kanilang payong, tulad na hindi nagbibigay ng upuan sa tren ang kalalakihan dito – napansin mo ang mga puno sa’yong harapan.
Nariyan sila katabi ng mga granateng gusali, nagpapaluntian ng buong campus. Nakahilera sila sa mga daan ngunit ngayon mo lang napansin – sa ulan – ang kanilang mga dahon. Parang pamaypay, abaniko, ang hugis. Nakumbinsi ka na iyon ang gingko. Ginkgo biloba.
Sinuong mo ang ulan. Nasa sneakers mo na ang hagibis ng hangin. Bawal ma-late sa klase.
Sa isang tindahan ng herbal sa mall malapit sa ‘yong tinitirahan sa Manila, nabasa mo na pampalakas ng memorya at pampaalis ng pagod ang gingko. Humalbot ka ng mga dahon, isang pag-isnats sa tangkay ng sangang napayuko.
Nagbibilang ka sa mga daliri sa Hangul. Ito ang leksyon ninyo ngayon at bilis ng mga kaklase mong Intsik at kakulangan sa Ingles ng iyong guro ang ‘yong kalaban. Sa unahan ng bilding ng iyong klase, lampas sa kalye kaharap ng unibersidad at hilera ng mga punong gingko (sigurado ka na), walang tigil ang konstruksyon ng mga gusali. Lumalampas ang paningin mo rito, umuuwi sa’yong probinsya saan balita ang pagkatiphag ng mga palayan at pagkaluoy ng mga palay bago pa man maani.
Pinaglaruan mo ang mga dahon sa’yong mga daliri, saka itinabon sa’yong ilong sa pag-alingasaw ng lupa, kahalo ang amoy ng napupulbos na semento at bakal.
2.
Nakisali ang lagpok ng iyong heels sa mga babaan-akyatan-lagusan ng subway mula sa istasyon ng Bomun patungong Anguk. Unang pagkikita n’yo iyon at napagkasunduan n’yo na alas dos ng hapon sa Insadong. Nabasa mo na ito ang kalye ng tradisyonal na mga galeri, restawran, at tindahan ng mga antique, porcelana, papel na hanji, at kung anu-ano pang palamuti at dekorasyon. Sa Facebook kayo nagkakilala. May isa kayong common friend na kapwa nag-tag sa inyo ng link mula sa Book View Café ng “About Literary Bests” ni Ursula K. Le Guin. Nag-email siya sa’yo matapos niya makita ang mga litrato mo rito sa Seoul, at ‘yon ang simula ng mga chat at SMS.
Ito ang pangatlong salita sa Hangul na kaagad mong natandaan: Palli, palli. Hurry, hurry. Bilis, bilis. Naroon na siya nakatayo sa platform. Naka-jeans, polo-shirt na avocado green, at itim na sapatos. Anneoyong haseyo ang una mong natutunan mula sa’yong guide. Hello. Binati ninyo ang isa’t isa rito, may pagyuko.
Dinala ka niya sa isang vegetarian restaurant na nalathala sa The New York Times sa kanyang Buddhist temple-cooking. Sinubukan n’yo ang seasonal Buddhist monk’s favorite vegetables; steamed beancurd with burdock, mushrooms, carrots, at jujube tea. Nakalatag ito sa inyong harapan sa mapupulang mangkok gawa mula sa kahoy ng zelkova na namumuhay sa kabundukan ng Chiri-san.
Doon at nabanggit mo ang paghahanap mo ng punong gingko.

Nais mo itong makita sa ginintuang dilaw, tulad nang una mo itong masilayan sa pelikula ni Kim Ki-duk na “Spring, Summer, Fall, Winter…and Spring.” Nanalo ito ng Cannes noong 2003. Buddhist monk ang bida, na may baong bato sa isipan at puso, na nagdala sa inyo sa The Unbearable Lightness of Being ng Czech na si Milan Kundera, dahil hindi niya napanood ang pelikulang ito.
Doon n’ya rin naikuwento na nakakapagsalita siya ng Czech. Limang taon siyang nanirahan sa Prague, pagkatapos ng kolehiyo. “My childhood had the luxury of loneliness,” sabi niya. “My mother left me when I was 6. For a long time, I wondered if there’s someone who will love me, and one day, I read about Prague and there was something about its old-world atmosphere and architecture that welcomed me.”
Napatigil ka sa pag-inom ng jujube tea, napatuon sa berde niyang mga mata, sa kanyang mga biloy. Nakikita mo ang mga lumang litrato sa black and white, sa sepia; ang pirated DVD ng mga pelikulang nanalo sa mga international fimfest na nakalagay sa mga paper bag sa ilalim ng ‘yong flat screen TV sa condo, ang kuwentong “Araby” ni James Joyce na itinuturo mo sa klase.
Kaya marahil, patuloy niya, nag-asawa siya sa edad na 26, hindi lamang para maisama niya pabalik sa Florida. Ngunit naghiwalay din sila pagkatapos ng tatlong taon. Nagturo siya ng Ingles sa Taiwan, at ngayon, dito sa isang hagwon – pribadong paaralan. Mag-aanim na buwan na, pa lamang.
Punta ka sa Pilipinas, malapit lang, mura, narinig mo sa sarili, ngunit hindi mo naibigkas. Mas magiging masaya ka sa aking bansa, dahil mas mahal namin ang banyaga.
Tumunog ang nakilala mong Arirang, ang pinakasikat na tradisyonal na awitin ng Korea. Lamentasyon ng walang katapusang pag-aabang sa pagbabalik ng minamahal, sa kalayaan ng bayan. Nalaman mo rin ito dahil sa pelikula. Nasa playlist mo ito, kasunod ng Usahay, ng Matud Nila, ng Dandansoy, ng Dahil Sa’yo.
Lumakas ang pagnanais mong makita ang tutuong punong gingko, patuloy mo rin, matapos mabasa ang antolohiya na New Writing From Korea, at napahagulhol ka sa ‘yong ondol na sahig. Dahil sa inggit sa dulas at kinis ng papel na ginamit sa publikasyon, at sa amoy ng nasununog na kabundukan ng Panay habang sakay ka ng van noong isang tag-araw na pauwi ka sa Antique. Higit sa lahat, sa kalungkutan na tumatagos sa buong aklat: mga bana na nambubugbog ng asawa, mga asawa na nang-aabandona ng pamilya, mga panangis ng mga migranteng manggagawa na Nepalese, na sigurado kang mga hikbi at mura rin ng mga Filipino, na nilulunod sa pag-text at pakikinig ng misa sa Tagalog tuwing Linggo sa Hyewa.
Nagkasundo kayo, pinaniwala ang inyong mga sarili, na naiintindihan ninyo kung bakit ganuon ang mga Koreano: dahil sa Kasaysayan nila ng pagiging kolonya ng Hapon, ang serye ng diktaturyang militar, ang Korean War na nagresulta sa divisyon ng South at North – sa pakikialam ng America. Nag-aaral sila ng Ingles para lalo pang makabenta ng kimchi; makapagpatibay ng won.
Magaling ang iyong Ingles, sabi niya. Kahanga-hanga. Tulad ng ‘yong talino at ganda. Kinurot mo siya sa tagiliran. “Flattery will not bring you anywhere,” sabi mo, sabay tawa. “I’m telling the truth,” depensa n’ya. “You are a very attractive woman, and your accomplishments, my god, you are shaming many Americans who can’t even spell.”

Lumalakad na kayo noon diretso sa istasyon ng subway. Patungo kayo sa Itaewon, ang distrito na tanyag sa pagkakaroon ng mga karatula sa Ingles, kung kaya ang pag-umpukan ng mga banyaga rito, lalo na ng mga sundalo.
Namangha ka sa kawalan ng pangangalay ng mga paa sa pagsuot ng heels, na para bang bihasa ka na, tulad na naangkin mo na ang paniniwala na maganda ka nga, talaga – kaya kumikinang sa tag-araw ng Seoul ang ‘yong kulay-muscovado na balat, may kurba ng mga daan sa Pilipinas ang ‘yong maliit na katawan, ang ‘yong mukha isang talaarawan ng pag-aaklas ng ‘yong mga ninuno saan, may namumukadkad na waling-waling.
Naupo kayo sa labas ng isang restawran, may kandila sa gitna ng mesa, sa ilalim ng mga puno. Sa bakod, nakahilera ang paso ng mga rosas: puti, dilaw, pula, kahel. Hinagod n’yo ng tingin ang mga puno. Baka may gingko sa kanila. Hindi n’yo man lamang naisipan magtanong: masyado ka’yong lublob sa inyong mga kuwento, sa isa’t isa. Ang “A Clean, Well-lighted Place” ni Ernest Hemingway ang inyong naisip nang ihatid ng batang weyter ang inyong Hite beer.
Napag-alaman n’yo rin na kapwa kayo nakikinig sa The Smiths, at para bang kaagad n’yo naintindihan ang inyong mga sarili at ang isa’t isa at ang marami pang nauna sa inyo at mga susunod, tulad na sa bawat bagong libro na inyong nababasa, nadagdagan ang inyong pagkadismaya sa tao at sa mundo. Kaya patuloy kayong susulat: ikaw ng ‘yong mga tula at kuwento, siya ng kanyang screenplay. Kaya, maaari lamang kayong maging mangingibig, hindi bilang asawa, ng iisang tao, habambuhay.
Binigkas mo ang pangalawang Hangul na nalaman mo: kamsahamnida. Thank you. Sumagot siya ng komapsamnida, ang informal na versyon. Pinaulit mo sa kanya ang “maraming salamat” hanggang malubid niya sa dila ang tamang pagbigkas. Nasa platform kayo ng subway, ang mga karatula sa Hangul, ang kabataan at matatanda sa kanilang heels, at inaanunsyo ang pagdating ng huling biyahe ng tren.
Nakahawak ka sa barandilya, ipit ang mapa, ang antok nasa pangangalay ng ‘yong leeg. Nakikita mo ang bilis ng kanyang mga hakbang patalikod, ng kanyang pagpara ng taksi sa kalye dahil sigurado siyang hindi na niya maaabutan ang huling biyahe pabalik sa kanyang linya. Ganito ‘yon sa bansang ito: may katulad silang paggalang sa oras sa kanilang matatanda. May numero ang mga bus at dumadaan lamang sa iisa at parehong ruta kada araw. May tamang babaan at akyatan. Hindi ka magkakamali. Sa klase, ang mga halimbawa lamang sa teksbuk ang kailangan mong banggitin. Maaari ka mang dumagdag, hindi ka na rin aabot sa oras. Mabuti pang sumunod ka na lang.
Tibok at kurot sa dibdib. Sa ganito ka namumuhay sa siyudad na ito, na ang pagsakay-baba sa subway, hindi naghahatid sa’yo sa bahay, o sa pinalangga.

3.
Ginkgo biloba. Tinatawag din bilang Maidenhair. Buhok ng dalaga. Buhok mo.
Mabagal tumubo, sabi ng Wikipedia, at mahaba ang buhay. Mabaho ang prutas at hindi namumulaklak. Parang pyramid ang hugis.
Tag-ulan at tag-araw lamang sa Pilipinas, sabi mo, kaya walang gingko. O baka hindi mo lamang alam. Lumalakad kayo noon, bago n’yo makita ang restawran na ’yon. Magkahawak-kamay.
Lumalakad ka ngayon, mag-aala-sais ng gabi, isang oras ang lampas sa Pilipinas. Katatapos lang ng ‘yong klase at pagtuturo ng direksyon ang naging bago n’yong leksyon sa loob ng apat na oras. E ang dinadagdag pagkatapos ng lugar at direksyon, indikasyon ng posesyon at posisyon, bago ang pandiwa-pangwakas na esayo (positibo, hal. oo) o opsoyo (negatibo, hal. hindi).
Pinaskel ng guro ang mapa ng Hankuk (Korea) at kailangan n’yong sabihin kung nasaan banda ang inyong bansa. Napatigil ka sa dalawa mong mapagpilian: we e (itaas/above) o are e (ibaba/below, under). Nasa itaas ng Pilipinas ang Hankuk. Nasa ibaba ng Hankuk ang Pilipinas.
Minamartilyo ang ‘yong dibdib. Ano man sa dalawa, dehado sa posisyon. Bago ka pa makapagdesisyon, sinita na ng guro ang patuloy mong pagsusulat, pa rin, sa alpabetong Ingles. At hindi ka niya tinawag para magsalita, ikaw na nag-iisa sa klase ng mga Tsunggo (Chinese).
Naisip mo si Maya Angelou na nagpakapipi noong bata matapos magahasa. Kaya mo rin. Lalo na at nagiging Philippine, walang S, ang Pilipinas man o Philippines, kapag nasa Hangul. Nang itinanong mo noon kung bakit hindi mo maidagdag ang titik na S, opsoyo lamang at iling ang isinagot ng sunsenim (guro). Kailangan mong sundin ang opisyal na pagsulat nila sa pangalan ng ‘yong bansa, tulad ng pag-uulit ninyo sa binibigkas ng sunsenim.
Sinuot ka ng pangungulila sa kanya, ang kaibigan mong Amerikano. Sa’yong isipan, tumatakbo ka patungo sa kanya, sa isang burol na inyong tagpuan, para kurutin siya’t bugbugin ang dibdib. Mabagal ka sa Hangul dahil lumalatay muna ang ‘yong pag-unawa sa Ingles. Salamat sa Amerika, umunlad ang Korea, naalala mo sabi n’ya sa pagitan ng paglagok ng beer. Hindi ka na naglitaniya noon ng korupsyon sa ‘yong bansa. Ikinuwento mo na lang si Jose Rizal at ang kanyang Noli Me Tangere at Il Filibusterismo, na hindi niya rin alam. Salamat sa Ingles, nagkakaintindihan kayo sa bansang ito.
Lumalakad ka sa hilera ng mga puno na sigurado mong gingko nga. Nasa bag mo pa ang mga dahon. Parang nawala ang iyong pagod sa katiyakan na ito. At upang masubukan ang bisa ng ‘yong memorya, itinuro mo ang mga ito sa Kinaray-a: dya, amo ra, amo ‘to; sa Hiligaynon: ini, ina, ato; sa Tagalog: ito, iyan, iyon, at sa Ingles: this, that (near), that (far). Sa Hangul: ego, kugo, tsugo.
Sigurado ka ring magkaintindihan kayo ng matandang tindera sa palengke na suki mo ng hipon at isda. Ang hindi mo sigurado ay kung tama ang pagkasulat mo nito kung walang kodigo. Okey lang ‘yon, naisip mo, ang gingko nga matagal tumubo. Higit 20 taon ang paglublob mo sa Ingles bago ka masabihan na magaling. Kailangan mo pang makadayo sa ibang lupain bago maituring na maganda.
Nag-vibrate ang ‘yong cellphone. Ibinalita niya ang pagbili niya ng mountain bike para sa pamamasyal sa Ilog ng Hangang at sa kabundukan na nilalatayan ng tren. “Nakita ko na ang gingko, hanapin mo para sa akin ang napakapulang azalea roon,” narinig mo sa sarili. Sinasalin mo ito sa isip bilang tugon nang dumating ang ‘yong bus: 1111.
Kaagad kang humakbang papasok at nag-flash ng ‘yong e-card na nakakabit sa ‘yong cellphone para sa bayad. Walang bakanteng upuan. May lakas ka sa pagtayo at paghawak sa barandilya, sa paglamon ng ‘yong mga mata sa mga puno ng gingko na nadadaanan, hanggang sa paghintay ng araw ng muli ninyong pagkikita. Bibigkasin mo ito – ang linyang iyon – sa tamis at lungkot ng Tagalog, sa madulas na salin sa Ingles, at aawitan siya ng kundiman. #
____________________________
Nalathala sa ANI 35: Pinoy as Asean, antolohiya ng Cultural Center of the Philippines, 2009. Ang salin sa English, Looking for Gingko, nalathala sa Asia Magazine, Philippine Edition. Winter Issue. 2009. May salin sa Korean.
Larawan sa Itaas: Mula at may permiso ni Bobby Wong Jr. ng http://www.postcardsfrommanila.com/
salamat sa pagbisita, girl. hmmm, one step at a time tayo…:)
LikeLike
galing! great piece from my favorite writer!!!! parang naalala ko pa kung sino to ;)
congrats on your impressive blog! sorry, ngayon lang ako nakabisita…so what’s the next step? podcasts??? =)
LikeLike