
Tungkol sa Maqueda [Balangay Books, 2020] ni Nap Arcilla III
Lugar, kondisyon, kalakaran ang Maqueda ni Nap Arcilla na humihinga ng mga karaniwan na nakaligtaan kung kaya’t nanggugulantang sa kanilang lakas at dahas. Pinakinggan ni Nap ang mga karaniwang kuwento ng komunidad: ng isla; ng mga karaniwang tao: mga magulang at anak ng bangka, at ng mga tauhan ng dagat, ang dagat mismo “na hindi araw-araw namimigay”: ang mga isda. Nararapat itanong: ano ang ginagawa ng mga kuwentong ito?
Isa, binabasag niya ang mito ng idyllic na isla. Walang liriko rito kundi lutong ng Inang-Wika sa mga diyalogo at deskripsyon, at mahika kapwa ng kanilang partikularidad at komplexidad bilang ecosystem ng mga imahe: “tiyan ng butete,” “reyna ng tamban.” Walang sentimental rito kundi ang halimbawa ng pagsisisid bilang precarious na trabaho at isang pagtatanghal ng pagkalalaki. Hindi ito ang romantiko na probinsya. Dito, sumasabog ang lantsa, naghuhuramentado ang dagat, may patrolya sa dagat, ang icebox ay isang teknolohiya, at ang mga karahasan na ginagawa ng tao sa kalikasan at sa isa’t isa, na maging ang kamatayan ng ka-pamilya ay isang panalangin.
Nagkukuwento si Nap ng ating mga kahihiyan at pagkawalang-hiya sa wikang malalasahan mo ang tunog sa mga ritmo ng mga pantig at pangungusap, sa pamilyar na porma sa pahina, sa isang pangarap na pantalan ng ating mga pagtatagpo. Tagay!
Narito ang isang sipi:
“Nagtatalunan na ang mga isda sa pag-iikot ko, halos pumasok na sa bangka. Gusto ko nang kunin and silo pero di ko na lang ito pinansin. Paniniwala ng mga mangingisda na kapag maagang nagsilitawan ang mga isda, kokonti ang magiging huli. Ang mas masaklap, baka wala ni isa.”
Mula sa “Manabang”