
Naimbitahan akong sumulat – mag-re-imagine ng kwentong aswang para sa isang proyektong libro. Nasimulan ko ito nitong Mayo, kailan adik rin ako sa paglalaro ng Candy Crush Saga, natapos nitong Hulyo. Masaya ako na nakasulat ng bagong kwento. May permiso ng editor na ibahagi muna ito sa inyo ngayon — at maraming salamat sa komento. Totoong isang alaala ng aking kabataan si Felicidad, ngunit ito ay isang kwento na, at sana kung totoo lang ang aswang…
HABANG ginigisa niya sa olive oil at shitake mushroom ang bagoong, binububudan ko ng locally-grown lalago ang aking Screaming Uwak sa sanga ng santol sa Ecoville.
Ganito namin nauunawaan ang modern love.
Bago ang amoy ng bagoong, nakapag-extract na ako ng 28 kalamansi. Walang brown sugar, walang honey. Wala ring mineral water.
Ito ang nadiskubre naming natural way sa pagdi-detox, isang paghahanda ng aming immune system para sa Felicidad Project: The Hatching of Screaming Uwak. One time only.
Ngayong umaga na. Habang naka-bluetooth sa kanya-kanya naming smartphone ang aming sandata. Laptop sa kanya. iPad sa akin. Modernization is coming in your area, text ng telecom. Goodluck sa signal. Wala akong na-google na orasyon.
‘Kailan na mangingitlog, babe?’
’84 kalamansi pa, ga.’
‘The color?’
‘Shimmering black.’
‘How do you like it?’
‘Super, ga. Thanks, ha. Napaka-supportive mo talaga.’
‘U-hum.’
Narinig ko ang pag-switch niya ng electric stove. Napupuno ang apartment ng bango ng naka-simmer na bagoong. Naamoy ko ang luya, ang bawang, ang sibuyas. Tumabi siya sa akin at hinarap ang nakabukas na laptop. Nag-slide show siya ng na-edit na mga larawan. Ito ang dagdag niyang kontribusyon: ang visualization ng laki at kulay ng mga balde na pinag-imbakan at ginamit ni Felicidad sa paglalako ng bagoong, ang probable mixture ng tubig at mga ingredients para sa isang desirable na lapot at lasa, ang desinyo at atmosphere ng bilangguan saan siya pinaniwalaang namatay, at bago rito, ang iba’t ibang mukha ni Felicidad sa mga kalsada ng Dao habang nagsusumigaw ng ‘Ginamos! Ginamos!’
Hindi niya kinailangan ng Google Translator nang una itong marinig sa akin. Last week iyon, sa Sunday Market. Pumipili ako ng celery, broccoli, carrots, cucumber. Sa pagitan ng pagtimbang at pagbayad ng mga ito, isang samyo ng hangin ang ginisang bagoong – sumayaw sa aking pang-amoy. Tumagal ito. Sumunod. Kumapit. Kahit nakapili na rin ako ng kesong puti. Maging hanggang nakapunta na ako sa kanya sa craft area saan namimili siya sa mga desinyo ng handpainted towel.
‘Ginamos,’ sabi ko, ‘ginamos ni Felicidad!’
‘U-hum.’
‘Bigla akong ginutom,ga. Parang masusuka. Sige na, let’s look for the ginamos. Hindi matatahimik ang sikmura ko hangga’t di ko ‘to matikman.’
Nag-rolling eyes siya sa akin, and off we went to look for the amazing ginamos. Natunton namin ito sa tabi ng stall ng seafood, sa likod ng fruit stand. Ilongga ang may-ari. Bumili ako ng limang bote, medium-size. Doon din at nag-almusal kami: bagoong in wheat pandesal at fresh buko juice. Kinagabihan, nag-tweet ako sa kanya: I am ready to tell my secret, ga.
SA timeline ng aking buhay, ito ang extra challenge sa pag-level-up. Isang mirage si Felicidad a.k.a. kahihiyan ng aking childhood. 10000 x over sa acne, balakubak, o siguro pagiging miyembro ng political dynasty. Para itong surot sa apartment na hindi nawa-wipe-out ng insecticide. Palaging nangangamoy. Bagoong na bagoong.
Ito ang naunawaan ko sa Panahon: ang Sandali ay pwedeng katumbas ng Habambuhay.
Kaya suhestyon niya na paslangin si Felicidad. I-assassinate, i-murder, i-drone strike. Ora mismo.
Isang folder sa aking screen ang Felicidad Project (FP). Nakabukas ito:
Entry 101: Pinaniniwalaang tubong Capiz at napadpad sa Dao, Antique (mayroon din ganitong bayan sa Capiz) sa paglalako ng ginamos noong dekada 80 ng ika-20 siglo. Sa edad na 65.
Note: Posible ring mas bata rito, o mas matanda.
Pero hindi na ako nag-abala mag-personal message sa mga kamag-anak at kababayan sa iba’t ibang social networking site. Top secret namin ito (sa amin lang ang accountability at kahihiyan, in case) dahil para rin itong subscription sa isang conspiracy theory that sounds like ‘Zombie in Manila.’ Isa ring experiment hoping to alter consciousness and behavior (“Wala na ang Sumpa! Malaya na ako sa Alaala!”) via a successful smashing – swoooosh, grrrr, cruuush – ng itlog ng Screaming Uwak. Original na imbensyon ko ito gamit ang game app.
Btw, nagkakilala kami ng pangga ko sa grad school. Pareho kaming Lit major. Matapos maipasa ang compre, we decided not to pursue thesis. Sabay namin na-realize (yes, meron ganuong sychronicity), na ayaw namin maging permanently-employed burgis). Freelance graphic artist siya, freelance game developer naman ako.
BY this time, nalipat na niya sa bowl ang ginisang bagoong. Naka-set na ang mesa. Basag niya sa aking absorption: ‘Tingin mo, mapapadali o mapapatagal ang pangingitlog dahil sa amoy? Hmm, sweetened bagoong in olive oil & shitake mushroom!’
‘High school Chemistry ba ‘yan o Quantum Physics?’
‘U-hum.’
Kumalansing ang mga kubyertos. Kulang na lang magliparan para tusukin ako. Ganito raw ako, may tendency maging sarcastic, na sa thesaurus ng kanyang utak, similar sa pagiging callous. At si Felicidad nga – pala – ang dahilan dito, ayon sa kanyang psychoanalysis nang gabing iyon ng pagtatapat ng aking sikreto. Kaya between us, siya actually ang mas atat sa hatching ng Screaming Uwak na ito. Hindi man kami naging lit prof at published/award-winning writer, paniwalang-paniwala siya sa symbolic meaning nito, sa transformative power toward my becoming a better lover and person.
‘Para mo na ring sinabi na kapag may totoong itlog, lulunukin mo nga.’
Napapisik ako, parang sinabuyan ng holy water. Aswang nga ba talaga si Felicidad? What about my parents, our relatives? Did they continue to care?
Entry 102-104: Ang Pagkabilanggo ni Feliciad sa municipal jail ng Dao. Grade 3 ako. Maaga kaming pinauwi. Felicidad, nadakup sang Aswang Squad! Balita ng Bombo Radyo, at nagsipuntahan ang lahat sa bayan sa pagsilip sa rehas ng kanyang hanggang-beywang na buhok. Iniwan ng mga taga-baryo ang kanilang kalabaw, kambing, baka, baboy at sumakay-umangkas-kumabit ng traysikel sa unang pagkakataon mayroon sila, para mapatotohanan na nahuli nga, nakaya ng Aswang Squad, ang gahum ni Felicidad! Nangitlog ito ng daan-daang kwento. Na ang totoo, pinutol ng babaeng pulis ang hanggang-beywang nitong buhok ngunit bumabalik. Dito nanggagaling ang kanyang gahum ngunit dahil napalibutan ng manunggal (ang espesyal na baging pangontra sa aswang, na donasyon ng mga taga-bukid) ang apat na sulok ng bilangguan, pati ang bintana, kung kaya’t hindi ito nakakalabas, kahit pa may mga sandaling nagiging invisible ito. Na ililipat ito kalaunan sa provincial jail sa San Jose. Siguro nga maging sa city jail sa Iloilo.
Pinalibutan rin kami sa bahay, kaming First Family. Di na ako pinapasok. Nang sumunod na linggo, lumuwas kami dito sa Manila, sa pinsan ng Nanay sa Malabon. Giniba ang lumang bahay na iyon na gawa sa purong tabla. Pinutol pati ang mga puno ng manga na inakyat ko tuwing tag-araw. Dahil ang pagkahuli ng Aswang Squad na pinamunuan ng kura paroko kay Felicidad ay kwento rin ng pagkadiskubre sa sikreto ng malinamnam niyang bagoong!
Malapot raw ito dahil sa dugo ng tao.
Masarap raw ito – nakaka-adik, yummy, delicious – dahil sa mga ingredient nitong kuko, daliri, kamay, braso, hita, atay, laman ng mga na-aswang niya!
‘WHAT if gumawa rin tayo ng Felicidad Recipe?’ Bale sagot ko sa pagmamaktol niya. Malakas ang sense of ownership ng pangga kong ito. Siguro nga dahil sa dugong aswang ko. Baka parang pakikipagniig ang lasa ng bagoong ni Felicidad kaya nalugi ang bagoong na hipon ng Intsik, ng Indian, ng Kano.
‘Pangitlugin mo muna ‘yang uwak na ‘yan.’
‘Can we play with it first bago i-smash?’
‘Like fondle?’
‘Sort of. Pwede ring amoy-amuyin.’
‘Vanilla.’
‘Parang ice cream.’
‘E, di, sampaguita.’
‘Nationalistic naman.’
‘Cherry blossom.’
‘Gusto ko from Arab countries.’
‘Disyerto doon.’
‘Think Cleopatra, Nile River.’
‘Egypt is in Africa! Check your Google Earth.’
‘What are we doing, ga?’
‘Waiting for the hatching of your Screaming Uwak.’
‘Really. What are-we-doing?’
Di ko narinig ang kanyang ‘u-hum.’
Nagbiyak siya ng kanyang unang pandesal at nagpahid ng ginisang bagoong. Isang diwal ang emoticon ng kanyang pagnguya.
NILAKASAN ko ang volyum ng iPad. Isang rekonstruksyon ng tik-tik-tik ang aking na-compose. Tiktik Blues. Jazzy. Tik-tik-tik mula sa bunganga ng Aswang Squad. Tik-tik-tik, mula sa sabi-sabi nila, sa hatinggabi na huhugutin ng aswang ang sanggol sa tiyan ng buntis. Tik-tik-tik na, ewan, hindi ko man lang narinig. Kaya marami ring gap, pause, silence sa komposisyong ito.
Ganito ang original na plano: Pag-hatch ng shimmering black itlog sa saliw ng Tiktik Blues, sasaluin ito ng Super Sandok na may 100 pts Lifeline at dadalhin sa Magic Kawa sa northwest ng Ecoville. Bawat lublob sa Magic Kawa, isang orasyon. Pitong beses. Hanggang maaliw kami, ma-mesmerize sa kanyang shimmering blackness. Sasabog ito, mala-tornado – swooosh, grrrr, cruuush! Pagkatapos, ang jazzy Tiktik Blues. Unti-unti, ang transisyon sa Kak-kak-kak, isang variation ng pinaniniwalaang tunog ng aswang, hanggang magiging tunog ng Ati-Atihan. Kasabay nito, slow-mo, ang mala-Instagram na pagpapalit-palit ng kulay ng screen. Lalabas ang mga bulaklak, mababangong bulaklak, maliliit na talulot – rosas, rosal, mariposa, kalachuchi, bougainvillea, gumamela.
Ang puntod ni Lola Felicidad.
MINAMASDAN ko ito sa screen. Heto na ang pangingitlog.
Dinuduyan ng Tiktik Blues ang sanga ng santol. Dinig na dinig ko.
Gumagalaw ang aking mga daliri. Heto na ang bouncy shimmering black itlog. Kak-kak-kak.
Sumusulpot na rin ang Super Sandok.
Pagkatapos, dut-dut-dut.
Pause. Pumuti ang icon ng bluetooth sa top screen ng iPad. Iisang bar ang signal sa katabing smartphone.
Natawa ako. Halakhak. Lagyan natin ng sound: Hahahahahahaha.
Mas mahaba pa rito, na parang ito ang pinaghandaan ng immune system ko, ng 112 kalamansi.
Pinagtawanan ko ang gabi ng pagtatapat ng aking sikreto, ang buong linggong paghahanda. Ha-ha-ha, isang special mission, isang operation. Pinagtawanan ko ang internet connection, ang walanghiyang telecom. Sino’ng bobolahin ko na original ang Screaming Uwak na ito, kahit pa ‘e, ano ngayon, basta nakakaaliw’? Ang Notes – ang aking literary work!
Pati ang pangga kong sarap na sarap sa kanyang pandesal na may palamang ginisang bagoong, pinagtawanan ko. Putcha, sa isip ko, parang isang kwento na panaginip lang pala ang lahat. Pero kung bakit tumatarak, tumatagos – drone strike, at nasa laman ko’t loob ang swooosh, grrr, cruuush!
Ambay gid man, nadura lang man. Pero hay dumduman ko gapila man kami sa prisohan sa banwa para maglingling. Gadangaw-dangaw tana, likod lang man nakita kag buhok nga labug, medyo tambok. Wara run ako it madumduman kon diin gindara. Taga-Portillo kuno, nadawi ko sa comment halin sa sangka grupo. Taga-Capiz gid man kuno nga nakapamana sa Antique.
LikeLike
Salamat sa paghapit. Nami gani.
LikeLike
Love the pics esp. the Chinese brush painting of aliens.
LikeLike
Hahaha…bongga nga paglakut kay Felicidad sa panahon kang Candy Crush. Dumduman ko ang pagwaswas ka bombo radyo sa kahanginan kaimaw ka pagpanimaho ka ginamus. Gin-interbyu pa kato si Prof. Magos. Pero ano gid man kato ang husga – psychotic nga manugbaligya ka ginamus? With mangga hilaw, yumyum….
LikeLike