Panawagan para sa PAMUMUKADKAD

Litrato: Bobby Wong, Jr.

May panahon para sa pamumulaklak sa panahon ng tagsibol habang inaaruga ng matabang lupa, hamog at sinag. Ang mga talulot ay magigising at ipamamalas ang sari-saring kulay na may samyong tumatawag ng pansin. Ito ang talinghaga ng pagdadalaga at pagbibinata, na may iba’t ibang kuwentong nakapaloob kung papaano sumapit at lumipas sa buhay ng bawat isa. Napakaraming naisulat ukol dito, bagaman napakadalang para sa mga nasa ikatlong kasarian, partikular na sa mga bakla. Kung bakit kasi may salitang pagbibinata at pagdadalaga at walang ginagamit at tinatanggap na salitang pagbibinakla na maaari ring magpatungkol sa mayaman at madamdaming bahagi ng buhay ng mga bakla. Ito ang mga kuwentong binudburan ng higit na pakikipagsapalaran at hamon sa gitna ng patriyarkal na lipunan na kadalasang hindi na nagagawang sabihin o maisulat man lang. Mula ito sa pagtanggap ng sarili hanggang sa pag-amin at pagbubunyag sa pamilya at pamayanan, at hanggang sa atraksyon sa kasingkasarian at pagmamahal o pag-ibig na may pananagumpay at kabiguang kinasapitan. Ito ang mga kuwento kung papaano nagkaroon ng pagtuklas sa sarili at ang paghahanap ng mga taong makatatanggap at makauunawa, o ang kabaliktaran nito. Ito ang kuwento ng mga kabataang bakla sa kanilang kinawilihang libangan, pag-aaral, karanasang erotika, ispirituwalidad, at kabuhayan sa panahong nahuhulma ang kanilang kamalayan sa kanilang sekswalidad.

Kaya naman tinatawagan ang mga bakla na may lakas ng loob na ibahagi ang kanilang karanasan sa panahon ng kanilang pamumukadkad. Gawin ito bilang isang tala ng buhay na kawiwilihang balik-balikan ng sino man at maging batayang babasahin ng mga susunod pang makararanas ng pamumukadkad. Ito ay isang antolohiyang ukol sa pagkamulat at pagtanggap ng mga bakla sa kanilang sarili, pati na rin ng mga kababaihan at kalalakihan na may natatanging kuwento nang minsan nilang matunghayan, makadaupang-palad o maranasan ang panahon ng pamumukadkad ng baklang kanilang nakilala, naging kaibigan, mangingibig at/o kapamilya.

Maaaring nakasulat sa wikang Filipino o Ingles, na may takdang haba na lima (5) pahina hanggang sampung (10) pahina na pinakamahaba, laktaw-laktaw sa short bondpaper, na nakasulat sa tipong Arial na may laking 12 points. Isulat ang pamagat, pangalan ng may-akda, ang cellphone/landline number, at email address sa huling pahina ng akda. Lakipan ito ng tatlo (3) hanggang limang (5) pangungusap na bionote na magpapakilala sa may-akda. Ipasa ito sa email na pamumukadkad@yahoo.com. Ang deadline ng pasahan ay sa ika-14 ng Pebrero 2012. Pipiliin ang labinglima (15) hanggang dalawampung (20) kontribusyon. Ang mas maagang magpahayag ng intensyong makasama at magpasa ng kontribusyon ay mas malamang na makasama sa aklat na PAMUMUKADKAD.

Mula sa Facebook account ni Nonon Carandang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.