“Archipelagic Feasts, Tropical Disasters: 2011 PEN Congress on the Literature of Survival.” December 1-2, 2011 Panel on Ecology in the Writings from the Regions ni Abdon Balde, Jr.

Nagkapilipilipit ang dila ko sa Archipelagic Feasts, Tropical Disasters. Ang kaagad pumasok sa isip ko ay Archipelagic Principle (12 nautical miles) at Tropical Thunder (2008, Ben Stiller).

May palagay ako na Ecology ang tema natin ngayon dahil masyado tayong nasindak ni Al Gore ng kanyang An Inconvenient Truth at ng Kyoto Protocol tungkol sa global warming.

Ginulantang tayo nitong nakaraang dekada ng mga salitang global warming, greenhouse gasses, climate change, distaster control & mitigation, ITCZ, at LPA. Biglang naunawaan natin na ang dala pala ng habagat ay unos at ang amihan ay walang kinalaman sa Lawiswis Kawayan.

Mula nang tayo ay ma-Ondoy, nasapawan na ang The Buzz ni Boy Abunda ng Weather-weather lang ni Kuya Kim. Nito lamang na nakaraang Abril (April Fools Day) ay nag launch ang CCP ng Ani 36 na ang tema ay “Disaster and Survival.”

Bigla tayong lahat naging mga environmentalists na araw-gabi ay kinakabahang muling ma-Ondoy. At nang lumubog ang Calumpit, Bulacan, lahat ng LGU ay tutok na tutok sa climate change. Nagsulputang parang mga kabuti ang mga Disaster Management Committee. Dumilim-dilim lang ang paligid, ang karamihan ay nakatingala na kaagad sa langit, nagdarasal ng Oratio Imperata, para maligtas sa kalamidad.

Naalala ko tuloy ang sabi ng American satirist na si P.J. O’Rourke “The college idealists who fill the ranks of the environmental movement seem willing to do absolutely anything to save the biosphere, except take science courses and learn something about it.”

Ayan, hindi kasi natin muna pinag-aaralang mabuti bago maglabas ng opinyon.
Alam nyo ba na mas marami ang hindi naniniwala na ang global warming ay kagagawan ng tao? Maraming ekspertong environmentalist ang naniniwalang ang global warming ay bahagi ng 1,500 year weather cycle at nagkarooon na ng mas matinding global warming noong Middle Ages nang hindi pa naiimbento ang kotse at hindi pa natutuklasan ang oil sa Middle East. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang tatlo sa pinakamalalaking industrialized country sa mundo ay hindi pumirma sa Kyoto Protocol: ang China, USA at India. At kaya lamang pumirma ang Russia ay dahil ang allocation nila ay zero emission reduction.

Alam nyo ba ang pagkakapareho ni Al Gore sa Mount Pinatubo? Pareho sila may paraan ng pagpapalamig ng mundo. Bagaman si Al Gore ay walang personal na nagawa sa pagpapalamig ng mundo maliban sa pagbili ng hybrid car. Nang pumutok ang Pinatubo noong 1991, bumuga ito ng 20 million tons of sulfuric dioxide na naging sunscreen na nagpababa sa temperatura ng mundo ng mahigit 1 degree Farenheit, equivalent sa global cooling sa loob ng sandaang taon.

Alam nyo ba na kahit patigilin natin ang andar ng lahat ng factory at lahat ng sasakyan sa mundo, ay katiting lang ang mababawas sa greenhouse emission sa atmosphere? Bakit? Dahil hanggang 72% nito ay mula sa water vapor. At hanggang 26% nito ay galing sa Carbon dioxide. Alam nyo ba na ang pinakamalaking bahagi ng carbon emission ay galing sa utot at tai ng mga baka at baboy?

Alam nyo ba na ang mga kalamidad ay hindi galing sa global warming o climate change? Ito’y galing sa walang habas na pagkalbo ng kabundukan, salaulang pagmimina, pagtambak sa mga estero at daanan ng tubig, sobrang pangingisda, at pagtapon ng mga basurang bumabara sa mga imburnal at sobrang gamit ng abono na lumalason sa tubig at lupa.

Bago ako bumalik sa pinakatema ng panel na ito, dalawa munang quotes:
Sabi ni Mark Twain: “Sometimes I wonder whether the world is being run by smart people who are putting us on, or by imbeciles who really mean it.”Ayon naman kay Jesse Jackson: “I know they are all environmentalists. I heard a lot of my speeches recycled.”

Ngayon sa tema ng panel: Alam ba ninyo ang pagkakaiba ng manunulat na taga-probinsiya at taga-siyudad? Hindi lamang manunulat, kasama na rito ang mga pintor at lahat ng uri ng alagad ng sining.

Ang taga siyudad ay buo ang pansin sa focal point. Pag pinakitaan mo siya ng retrato ng bukid na may kalabaw, ang nakikita lamang niya ay ang kalabaw. Ilipat mo ang kalabaw sa Divisoria, hindi pa rin niya mapapansin ang nagbagong paligid. Bakit? Dahil ang mga lumaki sa siyudad ay tuon talaga ang pansin sa central object. Tutok—sa tv, sa computer monitor, sa video game, sa graph ng stock market, sa relihiyon, sa politika, sa merkado, sa negosyo, sa takbo ng kabayo sa San Lazaro, sa singit ng sexing nagdaraan sa harapan niya.

Ang taga probinsiya ay kalat ang pansin sa kaligiran. Pag pinakitaan mo siya ng ng retrato ng kalabaw sa bukid ang nakikita niya ay ang pananim, ang bundok, ang ilog, ang papawirin, ang mga halaman. Aalamin niya kung saan patungo ang agos ng tubig. Makikita niya ang hihip ng hangin sa kung saan nakahilig ng mga dahon ng kakahuyan. Ang kalabaw ay maliit na bahagi lamang ng kaligiran.

Isa sa maaaring dahilan nito ay sapagkat ang manunulat sa probinsiya ay lantad na lantad sa epekto ng kapaligiran. Malimit, mas malaki ang impluwensiya sa kanyang buhay at kamalayan ng kalikasan at kaligiran kaysa sa mga tao. Sabi nga, hinuhubog ang kanyang pagkatao at kamalayan ng tubig, hangin at lupa.

Halimbawa ang pinanggalingan kong rehiyon ng Bikol ay highway ng bagyo. Mahigit sa 20 bagyo ang humahampas sa Bikol taon-taon. At marahil, katulad ng aserong pinapanday ng apoy, ang mga tao, hayop at pananim sa Bikol ay tumitibay sa walang humpay na kalamidad na dinaranas taon taon.

Panahon pa ng pananakop, binansagan na ng mga Kastila na orinola del mundo ang Bikol. Isang valley o lambak ang Bikol. Ang tubig na dala ng ulan at apaw ng dagat ay nakukulong sa kalupaan. Hindi makalabas ng dagat. Naiipon sa maraming lake o look, tulad ng Bato, Buhi at Danaw.

Bulubundukin ang Bikol. Ang Mayon at Bulusan ay dalawa sa pinaka-aktibong bulkan sa mundo. Naroon pa ang mga bundok ng Isarog, Masaraga, Kulasi, Hantik, Iriga, Malinaw at Kagongkongan. Lahat ng bundok na ito ay pinagdurugtong ng gulugod na nagsimula pa sa Sierra Madre mountain range.

Ang nakapaligid na karagatan ay mayayaman sa isda. Naroon ang Ragay Gulf, San Miguel Bay, Lagunoy & Albay Gulf, Pantao & Sorsogon Bay at ang mga dagat sa paligid ng Burias at Ticao Island na pinamumugaran ng mga higanting butanding at manta ray.
Sa pagitan ng mga bundok at lawa at dagat ay salasalabat ang mga ilog. Ang pangalan mismo ng rehiyon ay nanggaling sa ilog. Ang ugat ng salitang Bikol ay biko-biko at ikol-ikol na naglalarawan sa paliko-liko at tila ahas na gumagapang na agos ng Bikol River.

Sa Bikol, masungit ang panahon at baku-bako ang kaligiran, subalit mataba ang lupain at mayaman ang karagatan.Sa mga pamagat pa lamang ng mga librong inilimbag ay halata nang kalikasan at kaligiran ang tuon ng mga Bikolanong manunulat. Ang Lipad ay Awit sa Apat na Hangin ni Merlinda Bobis. Moon Over Magarao ni Luis Cabalquinto. Mostly in Monsoon Weather ni Marne L. Kilates. Bagyo sa Oktubre ni Honesto M. Pesimo Jr. Kahit ang Antisipasyon ni Vic Nierva tadtad ng mga ganitong tula:

Why do storms in my land/ always come
after days of quiet
After long periods when evening trains are not
heard coming or no feet alightin
from one when it comes;
when herons
in the undisturbed/ fields are gone…

Ang unang libro ni Kristian Cordero na Mga Tulang Tulala ay paulit-ulit na gumagamit ng pangkaligirang metapora: ang mga tulalang tula/ madalas di kayang bungkalin/ ng inaagnas na pamahiin/ sa kabihasnan nagmula/ na ang makata sa bukid/ ‘di mahihiwalay sa araro’t sinulid.

Si Luis Cabalquinto, kahit New York based na ay sumusulat pa rin sa wikang Bikol. At pakinggan natin ang sinulat niya isang araw pagkaraan ng 9/11 Twin Tower Attack:

Bikol Naga: Sa Kasunod na Aldaw:

Ngunyan na aga, sa luwas
kan sakong bintana,
tamang-tama
an sinag sa sanga
kan halangkaw na kahoy,
hiro nin mga dahon,
tamang tama man
sa hiro kan duros.
Garo bagang
daing toreng nasulo
saka nahulog, daing
manga taong nagkagaradan.

Salin ko sa Filipino: Sa Kasunod na Araw:

Ngayong umaga sa labas
ng aking bintana
tamang-tama
ang sinag sa sanga
ng mataas na kahoy,
galaw ng mga dahon
tamang tama rin
sa hihip ng hangin.
Para bagang
walang toreng natupok
saka bumagsak, walang
mga taong namatay.

Ang makabagbag damdaming tula ni Merlinda Bobis tungkol sa pagbabalik sa sinilangang bayan ng Estancia ay ganito ang simula: may mga umagang tulad nito,/ umulan kagabi,/ kaya basang-basa ang damo,/ tuwang-tuwa ang mga ibon/ at ang hangi’y/ simbango, simbango/ ng nilamukos na dahon/ ng kahel—o limon?

Noong Hunyo 2010 ay naglabas sina Irvin Santo Tomas ng antolohiya ng mga tula. Ang pamagat: “An Tambobong nin Literaturang Bikolnon (The Granary of Bicol Literature)” Heto ang nakasulat sa paunang salita: “The poems in the book have farm life and harvest as common theme. Every piece speaks of the rusticity of farm life and the simple joys of farmers. A poem by Jerome M. Hipolito in the anthology, for instance, talks about how palay grains are dried under the sun and under the toiling hands of farm workers who are not properly compensated.More than talking about the happy experience of farmers working in rice fields, some of the poems express the hard life in the farms, which in some cases becomes a struggle for daily subsistence despite the backbreaking days and nights of labor.A poem by Estelito B. Jacob of Camaligan, Camarines Sur, laments the decrepit situation and the challenges that a farmer faces as he waits for harvest time, the typhoons and hunger he must survive before the next reaping of the grains of rice.A poem by Kristian Cordero says the persona is amazed by how the habits of farm ducks tell about greater things in life such as patience and fortitude. In the poem, the persona realizes that the habit of a duck to stand on one leg while resting tells that everything can be balanced if the will allows.Reading all the poems, one could not only have a peek at the beauty and sadness in the life of Bicol farmers but also of the Filipino farm workers as a whole.Although bound by a common pastoral theme, the poems cover issues from labor problems, poverty, social injustice, hunger, innocence and celebration of life.”
Nito lamang nakaraang Abril ay naglabas ang mga batang manunulat ng Bikol University ng kalipunan ng mga tula na ang pamagat ay KALAPAKAPA (Nagkukumahog). Ang pamagat ng mga tula ay Bulos kan Uran (Buhos ng Ulan), An Duros na Nagngingitngit (Ang Unos na Nagngingitngit), Langatong, Sa Pyer, Biyahe, Aldaw (Araw), Pio Duran (bayan ng Pio Duran), Buradol (Saranggola), Huring Banggi (Huling Gabi), Malipot-lipot (Mahalumigmig), Dulay (Banga), Tagdo (Patak), Signal no. 1 sa Albay, Bulos (Buhos), Unas (Pagkati ng dagat), Lada (Sili), Parasighid sa Tinampo (Tagawalis sa Kalsada), Sari Gibu Ah Baluy Mo? (Sa Ano Gawa ang Bahay Mo?), Bulan (Buwan), Masitas (Halaman), Burak sa Gilid kan Salog (Bulaklak sa Pampang ng Ilog), Aninipot (Alitaptap), Kulibangbang (Alibangbang), Garu ka Aldaw (Para kang Araw), Pagtanom (Pagtanim), Kalabidung (Paniki), Unang Uran sa Habagat, Katreng Bula (Papag na Kawayan), Lapat (Sapot), Diklom (Dilim), Sadi Baloy (Dito sa Bahay)…80% ay tungkol sa kapaligiran at pangkalikasan.

Kahit ang mga kuwentong Bikolano ay tungkol sa kapaligiran, gaya ng White Turtle at Banana Heart Summer ni Merlinda Bobis, Albay Viejo ni Raffi Banzuela, Ibalong ni Merito Espinas, Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan, at ang aking mga librong Sa Kagubatan ng Isang Lungsod, Hunyango sa Bato, Mayong, Calvary Road, Awit ni Kadunung at Sibago.

Isang patunay na mulat ang kamalayan sa kapaligiran ng taga probinsiya: tingnan ninyo ang mga pasaherong nakadungaw sa bintana ng nagdaraang bus sa EDSA. Ang taga-probinsiya ay namimilog ang mga mata katitingin sa kaligirang dinaraanan ng bus—sa mga building, sa mga tulay, poste ng koryente, kahoy, bakod at sa mga taong nasa kalsada. Ang taga-siyudad ay tulala, nakatanga, nakatuon ang pansin sa sariling isip.

Ang manunulat sa panrehiyong wika ay kadalasan nagsusulat tungkol sa kanyang paligid, sa kalikasan at sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga hayop, pananim, at kapwa tao. Alam niya na dito nakasalalay ang kanyang buhay at ang kanyang panitik.
Sa ngayon, ang pagiging aktibo ng mga LGU sa ecology, climate change at disaster mitigation and adaptation ay lumilikha ng bagong oportunidad para sa mga manunulat. Ginagamit ng mga pamahalaang panlalawigan ang mga literatura ng rehiyon upang ipaliwanag at ipabatid sa tao ang kabutihan ng pangangalaga sa kalikasan, sa paglilinis ng kaligiran, at sa paghahanda para maiwasan ang mga peligro ng kalamidad. Maraming LGU ngayon ang nagko-commission ng mga artikulo, pamphlet, at kung minsan ay libro upang ipalaganap ang kanilang advocacy for clean and green environment.

Limang taon na ang nakakaraan, Nobyembre 30 hanggang Disyembre 2, 2006 sinalanta ng Bagyong Reming ang Kabikolan. Ang Reming ay tinawag ng matatanda sa amin na Bagyong Ugis (Bagyong Puti), dahil sa lakas ng hangin, napupulbos ang kaliit-liitang patak ng ulan at ang paligid ay nagiging kasimputi ng gatas. Ito raw ang uri ng bagyong bumubunot ng pako na nakabaon sa dingding. Nang hampasin ng Bagyong Reming ang Bikol, halos sanlibong tao ang namatay, inanod ng baha at nalunod sa mga ilog at dagat. Narito ang isang tula ko sa anyong Villanelle bilang paggunita sa mga nasalanta ng Bagyong Reming.

BAGYONG UGIS
(Bikol Albay)
Makuring paros na daing padumanan,
Hinapay su natong, pinu’kit su dahon;
Rinaot, winasak su sakuyang daghan.

Naghale sa lawod, palaog kadlagan,
Paglugsot sa bulod byong nag-aagrutong;
Makuring paros na daing padumanan

Hinampas su gilid ka’ning barisbisan,
Linaog su harong tinuklap su bubong;
Rinaot, winasak su sakuyang daghan.

Nagaagrangay su pinulbos na uran,
Sa rapadong gari nagpupurungputong;
Makuring paros na daing padumanan

Binari su pakpak kan balinsayawan,
Sinaklot sa papag su aki kong bugtong,
Rinaot, winasak su sakuyang daghan.

Agrangay kan mga nasa kariknuman,
Kulog na ano daw an makakabulong;
Makuring paros na daing padumanan,
Rinaot, winasak su sakuyang daghan.

BAGYONG PUTI
(Filipino)
Malupit na hanging walang pakundangan
Hinaplit ang laing, pinunit ang dahon
Winasak ang tangi kong kaligayahan.

Nanggaling sa laot tungo’y kakahuyan
Umaatungal pang sa bundok umahon.
Malupit na hanging walang pakundangan

Hinampas ang aming yerong balisbisan
Pinasok ang bahay, tinuklap ang bubong
Winasak ang tangi kong kaligayahan.

Pumusyaw ang unos sa pulbos na ulan,
Mundo’y nagunaw sa sungit ng panahon
Malupit na hanging walang pakundangan

Binali ang pakpak ng balinsayawan,
Sinaklot ang bunso’t nilunod sa alon.
Winasak ang tangi kong kaligayahan.

Ngayon ang sakit ay walang kasairan
Dahil puso’y lunod sa luhang bumalong.
Malupit na hanging walang pakundangan
Winasak ang tangi kong kaligayahan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.