Batang Firestarter sa Antique
John Iremil E. Teodoro
Ibinalita sa TV na may isang batang babae sa Antique
Na sambitin lamang ang salitang “sunog”
May nasusunog na na bagay sa paligid.
Halimbawa ang damit niyang kahuhubad pa lamang
O ang isang bahagi ng sahig nilang kawayan.
Kaya may mga timba at lata ng tubig
Sa kanilang bahay at bakuran.
Sana paglaki ng batang ito magiging aktibista siya.
Upang sa pagrali niya sa Batasan sisigaw lang siya ng sunog,
Masusunog na ang barong ng mga konggresistang kawatan.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Senado,
Masusunog na ang buhok ng mga bobong senador.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Korte Suprema,
Masusunog na ang papeles ng mga desisyon
Ng mga mahistradong nabayaran nang milyon-milyon.
Sisigaw lang siya ng sunog! sunog! sa harap ng Malakanyang,
Masusunog na ang mga mamahaling kurtina ng palasyo.
At kung dudukutin siya ng mga militar
Upang takutin, tortyurin, at patahimikin,
Ibubulong lamang niya ang salitang sunog
At magliliyab na ang mga bayag ng mga sundalong
Sinunog na ng pera at pulbura ang mga kaluluwa.
11 Marso 2011 Biyernes
6:23 n.u. Lungsod Pasig
________________________
Premyadong manunulat sa Kinaray-a,Filipino, Hiligaynon, at Ingles si J.I.E. Teodoro na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Assistant Professor siya ng Filipino sa Miriam College, Lungsod Quezon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig kasama ang kaniyang aso na si Aljur at walong makukulay na koi. Masigasig siyang kontribyutor ng mga rebyu at lathalain sa gmanews.tv at The Daily Tribune.
Bisitahin ang kanyang http://katawgwapa.blogspot.com/
Featured Image mula kay John Malta (http://www.lostateminor.com/category/illustration/)
nabatian ko dya…pwede ma post ang link sa fb? salamat.
LikeLike
matood bla ini?im from bugasong antique..i salute u.Napagaling na manunulat.
LikeLike
wow ha. hehehehe. totoo bang meron ???
LikeLike