Ang ‘Salamat sa 16k++ na shares ng “Dear Janet”’ ni Joselito D. Delos Reyes

Maliban kay Habagat Maring ngayong linggo at sa pag-survive ni Amphigong , binaha rin ang Facebook ko ng “Dear Janet” ni kaibigang Joselito D. Delos Reyes. I-Google n’yo lang kung gusto n’yo pa s’yang makilala at ang kanyang ka-astigan. At sakaling hindi pa n’yo ito nabasa, hindi pa na-‘like,’ hindi pa na-share, narito ang kopya pati ang wazak n’ya ring sagot/dagdag – ngayong hapon lang habang nagkakape ako. “Go,” sabi n’ya, nang i-PM ko na i-share ito sa inyo:

Screenshot ng kanyang FB account.
Screenshot ng kanyang FB account.

Salamat sa 16k++ na shares ng “Dear Janet”. Sa maniwala kayo’t sa hindi (sana hindi na lang), kinakatawan ng bilang ng nag-share na iyan ang overwhelming 0.00056537% ng FB-users sa bansang ito (28.3 milyon daw sabi ng factbrowser.com). Significant percentage no?

Sinagasa ko kanina ang hanggang wetpaks na baha para lang makapag-load (bente singko para sa tatlong oras) sa aking aandap-andap na internet. Isang araw kong hindi nakita ang sulat kong iyon. Natuwa ako sa mga komento sa mismong sulat at sa mga nag-“say something about this” bago i-share. Maraming nanggagalaiti sa galit. Marami ring hindi kilala yung “sikat” na Janet kaya kailangan pang sangguniin ang Google. Talk about GMG. Marami ring nag-share dahil natawa sa sulat. (Hampusa, seryoso ko nun no.)

May nagsabing para daw ang nagsulat ay isang writer na Ong ang apelyido. Hindi no. Delos Reyes ang apelyido ko, proud na anak ng isang dating parak-Valenzuela na nakatatanggap ng kuwatro mil na pensyon bago matepok noong 1996. Sa mga komento naman, may ilang pumuna na dapat daw idinamay ko na ang mga Honorable Senators and Representatives ng bansang ito sa sulat. May nag-suggest na gumawa daw uli ako ng sulat para sa kanila. Meron pa ngang nagsabi that I am missing the point dahil kesyo si Janet ay kasangkapan lang atsutsutsu ng mga nakatataas sa kanya. Oo naman. Naniniwala naman ako.

At heto pa ang wagas, may mga grammar at spelling-Nazi rin na nagkomento (rule-of-thumb ko sa pagbabasa, hindi ako magko-comment sa grammar at spelling lalo’t unsolicited, alam ko kasing sablay din ako at times, alam nyo yun, kapag perpekto na ako saka pa lang ako magkaka-K, and it won’t happen). Pero yun nga, nakalathala kasi sa bukas na medium—social network, ang medium ng mga nagmamadali—ang sulat ko kaya nag-free-for-all to those who wish to share their two-cents. Mabuti na lang, napigilan ko ang sarili kong magkomento ng “E di sulat kayo ng sarili nyong bukas na open-letter.” Buti hindi ko nai-comment.

Isa pa, hindi ko naman talaga akalaing sasambulat sa disisais-mil na sharing account ang sulat. Hindi ko gustong palabasing manifesto ang sulat. Nagkataon lang iyon. Naanggihan ako ng habagat nung Lunes habang nakaharap sa laptop. Tapos lasang lata yung inuulam kong liver spread. Tapos naalala ko yung payslip ko. Naalala ko ang pamilya ko. Naalala ko yung mga estudyante kong uhaw sa karunungan (tsika na itong huli). Basta ganun. Hindi pinlano. Para bang spontanu… espontano… spontaineo…. basta biglaan, hindi pinlanong sulat. At nagkataong ang marangyang buhay ni Janet ang naisip ko nung mga sandaling yun. Pwede ko namang maisip ang kapitbahay kong maraming alagang pitbull. Eh hindi eh.

Hindi ko masyadong ginamit ang edit option ng FB sa sulat. Pakiramdam ko kasi mawawala ang pagiging sponteneo… basta mawawala ang pagiging biglaan ng sulat kung reretokihin ko nang reretokihin. Meaning, hindi ako magiging matapat sa sitwasyon kung bakit ko isinulat ang bukas na open-letter. Basta ganun. Ngayon, bakit ko ipapaskil sa FB ang istatus na ito? Kasi magpapasalamat lang ako. Heto: tenk yu sa pagshe-share. Be vigilant. Tax natin ito mga earthlings.

Ito ang sulat, status update niya sa Facebook noong Agosto 19, 2013. Kasalukuyang may 11, 594 likes.

Dear Janet,

Hindi ko alam kung makakarating sa iyo itong sulat na ito. Idinaaan ko sa Facebook kasi bente otso ang bahay mo, trenta kung ibibilang pati lower house at senado. Kaya hindi ko alam kung saan ia-address, mahal ang selyo, lalong mahal kung ipapa-LBC ko sa lahat ng bahay mo. Hindi ko rin alam kung mababasa mo ito talaga kasi ako man ang lumagay sa pwesto mo, tiyak hindi ako magbubukas ng FB. Babalik ako sa Friendster.

Kahit nasaan ka man ngayon, kung nasa isang yate sa Celebes Sea palabas ng Pinas o nagpaparetoke ng mukha at katawan sa Bangkok o nagpapatanim ng balbas at bigote sa Tayuman, susulat pa rin ako. Dahil isa ito sa kaya kong gawin habang ngumangata ng sinangag at Reno Liver Spread.

Simple lang naman, sumusulat ako sa iyo kasi, kasi paano ko ba ito papadaliin, kasi hayup ka. Ikaw ngayon ang napagbubuntunan ko kasi habang isinusulat ko ito, naaanggihan ako ng ulan. Hindi ko maipagawa ang bubong ng kapiraso kong barong-barong dito sa Coloong. Kailangan kong lumayo sa mag-iina ko dahil kailangan kong magtrabaho dito at kaltasan ng buwis, mga otso mil kada buwan. Hayup ka. Andaming diaper na mabibili sa otso mil. Andaming gatas. O paracetamol hayup ka.

Gusto kitang makulong sa Manila City Jail. Gusto kitang palusungin sa bahang may ihi ng daga. O sige, tutal sulat ko naman ito kaya masasabi ko ang gusto ko: gusto kitang maghirap nang husto. Gusto kong mabungi ang lahat ang ngipin mo maliban sa isang ngiping bawal bunutin, yung ngipin sa harap. At iyang ngipin mo sa harap, habampanahon sanang kumirot hayup ka.

Hindi mo ito magagawa nang mag-isa. Marami kang kasabwat sa kabuhayan slash kababuyan mo. Bukod sa Kongreso, kasabwat mo ang nagpapalabas ng pera namin sa DBM. Siguradong mayroon sa COA. Tapos iyong mga NGO na nakakapit sa kung saan-saang sangay at Department ng Malakanyang. Kaso, at ito ang maganda sa bayan mo, makakakuha ka ng tala-talaksang magagaling na abogado. Dahil bilyonarya ka, sasaksakan mo ng bayong-bayong na pera namin ang kahit sinong kokontra sa iyo. Lahat. Dahil dito kayo nabuhay ng pamilya mo. Ang manuhol ng pera namin. Ano nga uli ang ibig sabihin ng iginisa sa sariling mantika?

Yung nangupit nang barya-barya ang napaparusahan dito sa bayan mo. Alam mo iyan, kaya bilyon-bilyon ang ninakaw mo. Kaya isang batalyon ang nagtatanggol sa iyo: pulitiko, abogado, huwes, si Korina, mediang nabubuhay sa kalabit-penge, Kongreso. At kami, alam mong darating ang oras na magugutom, uulanin, babahain, at aasa kang makakalimot kami.

Hindi ko naman talaga kayang ipangako na hindi ako makakalimot sa kahayupan mo, ninyo. Mamaya, magba-brownout dahil sa baha. Baka nga hindi ko na rin ito maging istatus sa FB dahil baka ubos na ang load ng internet ko. Poproblemahin ko ang tanghalian at hapunan at makakalimutan kita dahil kailangan kong isalba mula sa baha ang kaunting anik-anik na naipundar ko sa pagtuturo at pagpapatawa o pagtuturo nang nagpapatawa. Samantalang ikaw? Hayup ka.

Wala akong ipapanawagan. “Tawag” ang salitang-ugat ng panawagan (nyemas, hindi ko maialis na maging titser kahit sa oras ng pagsesentimyento ko). May epekto ang tawag sa nakakarinig. Eh bingi kayo di ba? Kaya nga idinaan ko sa sulat dahil sigurado akong nakapagbabasa ka lalo na ng kulay ng pera at nakasulat sa tseke.

Hindi ako mag-aaya sa August 26 sa Luneta. Kasi baka ako mismo, hindi makarating dahil baka nagtatae ako sa kinain kong murang barbeque, baka botsa kasi. Natatakot din kasi ako na baka pakana mo rin ang mangyayari sa Luneta. At pipilitin mong magkagulo. Ano ba namang magpasabog ka ng ilang pillbox na binili ng gangsta mo sa mga lumpen na gangsta sa Baseco sa Tondo at Banaue, Quezon City. Na baka nga sinimulan mo nang magpasabog tulad nung sa Cagayan de Oro, Cotabato, at Greenhills. Tapos dahil sa takot ng mga tao, kakaunti talaga ang dadalo kaya mava-validate mo, ng abogado at kampon mong pulitiko, na wala talagang public clamor para parusahan ka.

Kaya susulat na lang muna ako. Ito ang kaya kong gawin. Kaya hindi muna ako makakalimot. Iuukilkil ko sa sinumang makakabasa at makakarinig sa akin na pwede ba, huwag muna tayong makalimot. May oras at araw kayo. Huwag munang makalimot hanggang dumating ang araw ninyo. Darating ang araw ninyo kapag sinabi at sineryoso na nung nakatira sa Malakanyang, yung tao na laging nag-i-invoke na ako ang boss niya at dapat maglakad ako sa kaniyang tuwid-na-daan, na parusahan kayong makulong sa tunay na kulungan at hindi sa resort na kung tawagin ay St. Luke’s o Veterans. At sana, habang nakakulong, kumirot habampanahon ang namamagang ingrown sa hinlalaki at molar teeth mo. Hindi dapat ako nag-iisip ng masama sa kapwa. Sa kapwa. Pero ibang specie ka.

Hindi ako papayag na mag-crash ang Lear Jet mo. O lumubog ang yate mo. Masyadong madaling kamatayan. O baka nga gawin mo pa itong palabas. Tapos mabubuhay ka bilang ibang tao o ibang hayup. Tapos magiging paksa ka na ng mga conspiracy theorist na nagsasabing buhay si Marcos, Michael Jackson, Elvis, John Lennon, Michael Jordan (syet, buhay pa nga pala si MJ, bura-bura). Hayup ka. Ang swerte mo, makakasama mo sila sa alinman sa isla sa Greece o Cyprus.

Pero alam mo yun, at the end of this rainy day, lalangoy ka sa pera namin, papakainin mo ng nakaw ang pamilya mo, at ako, magtsetsek ng exam ng mga estudyante kong kabilin-bilinan kong mabuhay nang parehas, nang patas dahil ang tunay na edukasyon ay hindi lang basta makapasa sa board exam. Ang tunay na edukasyon ay mabuhay nang parehas at makatao.

Saka na muna yung ganap na world peace. Ang mahuli at maparusahan ka kasama ng iyong minions will make this world a better place.

Joselito

Pahabol: sa makakabasa at gustong i-share ito hanggang sa makarating sa Friendster account ni Janet, i-share nyo na. Baka bilhin bigla ni Janet ang Facebook. Yari tayo.

9 thoughts on “Ang ‘Salamat sa 16k++ na shares ng “Dear Janet”’ ni Joselito D. Delos Reyes

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.