“Sumbat” ni Noel P. Tuazon (Pangatlong Gantimpala, Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2011)

Sumbat
ni Noel P. Tuazon
Pangatlong Gantimpala
Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2011

1. sa kasunduan
Bago ang lahat, pag-usapan muna natin ang isang kasunduan
upang ipaalala ang mga nakaligtaan na akala mo’y karaniwan.
Tumitiklop ang makahiya sa salakay ng salat.
Nahahawi ang mga kogon sa bakas ng yapak.
Parehong kasunduang sinusunod kahit na sa pinakamaliit na paniki:
hinuhuli ng kanilang pandinig ang hindi nakikitang hinog,
tinatakpan ng dalawang pakpak ang lahat ng bituin.
Ano ba ang panlaban ng anino sa liglig ng liwanag?
O ang iswid ng mga alitaptap sa malihim na dilim?
Bilog ang apoy na lumiliyab sa puso ng takipsilim
at ang liwayway ay bumubukad na pakpak ng paruparo
na akala mo’y talulot ang lahat ng nakakuyom na katahimikan.
Kahit na ang mga gagamba’y pipi sa paghihintay.
Ganitong-ganito rin ang hangganan ng bawat paglalakbay:
ito’y ambon na nahuhulog sa pisngi ng tag-araw,
o balahibong inililipad sa dulo ng ating pilik-mata,
o hilis na tsinelas na inaanod sa paglalagalag,
o bersong napipigtas sa tuldok at antok.
Pinaghihiwalay ba ang pagdating sa paglisan?
Ang mga butil ng luha at tili ng ngiti?
Ang panaginip at pagtukaw?
Kung ang pagtukaw ay ang pagkaidlip
kasama ng mga estatuwang nilulumutan ng halakhak
at ng mga rebultong kinulangot sa pabalik-balik
na dasal tila orasyon ng mga kalansay na anting-anting?
Hindi magkaiba ang huyuhoy sa dalawang pakpak
kahit na ang mga inakay sa isang pugad.
Hinahanap ng mata ang ano mang ipinahahayag
ng liwanag upang hindi malinla ang rason sa paniniwala
dahil kinikuwenta na ng orasan ang agwat na naghihiwalay
sa tubig at abo, sobre at internet numero at imahinasyon.
Ito ang nakakubli sa handurawang mahirap dukutin ng kompyuter:
halik na gumigisi sa laman at pag-ibig,
himas na pumupukaw sa lasing na pangungulila.
At patuloy na bigkisin ang pagkakaiba.
Walang sawang silipin ang lahat ng hirig at matarik.
Dahil doon sa malayong bundok ng pagkukubli at pagyabong:
nakabaligtos ang baging sa mga agimat,
kumakapit ang mga dahon sa paghandom.

2. sa pagsisimula
Magsimula tayo sa nakaambang na pintuan.
Bawat pihit natin sa malamig niyang siradora
kasama rin nating sinusungkit sa ulap
ang mga ngalang inaanod sa sulog at daluyong:
Maria Cacao sakay sa kanyang gintong barko
na nagbabalat-kayo lamang sa yungib ng Lantoy;
Dagohoy sa kanyang dagon na ibinubulong
ng budyong, nagpapasindak sa mga prayle’t
piratang nilantaw sa ibabaw ng nilulumutang
balwarte sa ating aplaya ngayo’y
pinagtatayuan ng videoke bar, spa
at cottages ng pamumuta’t pamimirata;
Pedro Calungsod sa balabag ng Kuros Dako
na nadudulas lamang sa bawat ngala-ngala
ng mga bungangera’t lasing sa inuman;
Tamblot na nagtagik sa gahom ng tula:
gaslaw ng lagalag na puti at itim na paniki,
alululong ng sigbin at ligaw na tambaluslos.
Kung ipagpapatuloy natin ang litanya ng mga ngalan,
gahom at kababalaghan, hahantong tayo
sa pinakamalapit na baybayin ng minimithi
nating pamana o, di kaya, gustong malimutan
subalit kumakapit na sa bungo ng handurawan.
Ibinanlas sa hunasan ang nasusunog na anino
ng rebulto at lumisan ang mga anito.
Bumuntong ang kataw nang tumutubo
sa isla ang mga higanteng katedral matapos
magsandugo sina Legaspi at Sikatuna.
Pinatikan ng bendita ang noo ni Humabon
at pinagsamantalahan ang mga diwatang umaawit
ng iba’t-ibang sibol ng Kahilyawan kung kaya
nagpasya ang kampilan ni Lapulapu.
Halik ang tanging gamot ng sumpa kapag
nahulog ang ube sa Bo-ol. At hanggang ngayon
patuloy pa rin ang panloloko sa mga lumad.
Kailangan pa ba nating baligtarin ang damit
kung sakaling nalinla tayo ng walang mukhang lamat?
O iapak ang dalawang paa sa abo
kung nasindak tayo sa kindat ng kidlat?
O magkatay at wisikan ng dugo ng manok ang noo
kung naloko tayo sa mga pininiwalaang signos?
O magkrus ng agiw pagpasok natin sa bahay
kung buong araw tayong nagtotong-its sa lamay?
O magsindi ng kandila’t ituntong
sa bintana kung kaulayaw ng Biyernes
ang petsa trese ng kalendaryo?
O maghanda ng labindalawang sarisaring
prutas at paputukan ng superlolo ang mga impakto
kung tumunog na ang orasan sa bagong siglo?

3. sa pagtatakda
Isunod naman natin ang mga pagtatakda
ng sarisaring bagay, pagkatagpi-tagpi
at hindi-maiwasang pagkakabuhul-buhol
ng mga pangyari’t kailangang mangyayari
na sa maraming pagkakatao’y humuhulagpos
lamang sa ating paningin. Lamat ding maituturing.

Kinahol na ng mga aso ang unang sibol.
Inamoy na ng mga paniki ang huling bituin.
Umuungol ang mga sigbin sa tabing-lawa
kapag nakita ang nagliliyab nilang mata –
nagbabagang lagnat ang santelmo sa gabi
at nahuhulog ang bulalakaw sa iyong bangungot.

Dito sa Bohol, maalat ang mga bituing
iniingatan ng mga siyokoy at kataw,
takot na sumabog kasabay ng dinamita,
laman-dagat, kabebe, pagsisisi –
pati na ang palasyo ng mga pawikan:
ang korales na ibinanlas ng hinagpis.

Matagal nang lumayas ang diwata ng ilog.
Nag-aagaw-buhay ang kaway ng mga dahon.
Nakalimutan na ang talinghaga ni Karyapa:
engkantasyong iniukit sa punyal ni Tamblot
hanggang sa silab ng sundang ni Dagohoy,
ang orasyong nililok sa bungo’t bato

ng Punta Krus at simbahan ng Baclayon.
Pinalayas na ang bathala ng kinampay
dahil mas minimithi pa ang lasa ng text at noodles.
Tinutunaw na ang agimat ng nautilus at tulya,
binaligtad na ang bao ng matamis na kalamay
at pinutol na ang nag-iisang dila ng Eskaya.

Kung makapagsasalita ang Chocolate Hills,
aanyayahan na niyang bumalik ang mga engkanto
sa gubat kung saan kanila ang awit ng mga kuliglig;
kung saan iniinom ng mga duwende’t butiki

ang unang hamog bago pa mahulog ang mutyang
matagal nang nilunok ng puso at segundo.

Subalit, nakabitay na karikatyur ang imahen
ng mga mawmag sa itaas ng mga punong
ninakawan ng yabong at kulay, tila retratong nasusunog,
naabo pati ang malapit at malayong handurawan.
Binubuhay ba ng alaala ang lahat na sinusunog
sa ngalan ng kasakiman, kahayukan, damdamin?

Paano mo buklurin ang mga bagay na nariyan na
hanggang sa kasalukuyan at sa kailangang mangyari?
At ang pagpigil sa hindi kanais-nais gawin?
Hahayaan ba sa kamay ng kalikasa’t tadhana
gaya ng batong tumubo sa patak ng tubig?
O ilibing na lang ang lahat sa limot?

4. sa paghahayag
Ito ang mulat na talinghagang matagal
ng itinago nang mahiyaing makahiya:
(1) elemento ng hangin, tubig,
apoy at lupa sa mga dahon;
(2) kuwentong nakalambitin sa mga sanga;
(3) puring humihipo sa bulaklak,
(4) sugat na nagdurugo sa bawat tinik.
Ilang agila, uwak, banog ang naglalaban
sa hangin upang angkinin
ang apat na pangalan ng teritoryo:
amihan, habagat, timog, dumagsa
ang hindi pa naalipin ng simoy?
Ilang bagyo ang naghahamok sa dagat,
o alimpuyong humahalukay
sa lanaw, o bahang tumatalon
sa ilog upang tantiyahin
ang kapangyarihan ng tubig
ang hindi pa hinuhubaran ng bukal?
Ilang apoy ang nagtatangkang isugba
ang gubat upang bagahin ang putik,
sunugin ang bato nang sa ganun
maimbestigahan ang trangkaso ng bulkan
ang hindi pa napaso sa alab ng El Niño?
Ilang bundok ang naghubad,
tila sawang naghunos,
upang palitan ng kaliskis ang lupa
o islang lumubog sa mapang
nakalimbag na sa alaala,
o burol na gumapang
patungo sa patag
ang hindi pa nabiyak ng lindol?
Isinulat na ang maikling kuwento
sa batingaw ng bawat tutuli
ng mga deboto’t parokyano
at nililok na ang hidwaang itinali
sa bawat bato ng rosaryo
dahil hindi sapat ang sinindihang
kandila na ilawan
ang pinakamadilim na sulok ng hotel,
ang malagim na eskinita ng libog.
Binahayan ng gagamba ang mga kerubing
inaamag sa altar ng labi
pati ang mga estatuwang nakatayo
sa tag-ula’t tag-init sa gitna ng plasa.

Binili’t ginahasa ng mga dayong puti
ang alindog ng aplaya
tulad ng magandang dalagang
kulay ng kinampay:
pinabukaka sa kalabit ng salapi,
binihisan ng iPod, laptop, cellphone
at pinamumog ng whiskey
na tila ba madaling banlawan
ng alak ang tigatig at takot
kaysa magtampisaw sa agos
ng lusok-ulan sa alulod
at humahalakhak na parang palaka
sa mga munting baha.
Patuloy ang kirot dulot ng tinik
dahil ang pagbalewala,
pagwasak, pagkitil ay ritwal
na sa mata, kamay at dila.
Paano mo huhupayin ang hapdi?
patigilin ang lahat na nagdurugo?
gamutin ang mga sugat at gasgas?
kung laging pinuputol
ang supling ng kasingkasing?
Inukit na ang tatu sa tipak.
Ipininta na ang pilat sa kidlat.
Ngunit ang kirot ay bangungot sa utak.

Katatapos lang mag-comprehensive exam para sa Master of Fine Arts in Creative Writing (MFA) sa De La Salle University-Manila ni Noel P. Tuazon. Taga-Dauis, Bohol, at nagtuturo sa Divine Word College sa Tagbilaran City. Kasama siya sa 2010 New UBOD Writers ng NCCA.

Featured Image: “Heaven in Motion” ni Bobby Wong, Jr. mula sa http://www.postcardsfrommanila.com

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.