Maganda ba ang naging ganapin ng relihiyon sa kasaysayan at lipunan ng Pilipinas?: Isang Balagtasang Pa-tanaga para sa klaseng ELECLIT (Creative Writing) A54 ni Dr. Genevieve L. Asenjo, Pamantasang De La Salle, Manila.
Para sa Oo: Emerson Anit
Para sa Hindi: Macky Alamillo
HINDI (Unang Tindig)
Simbahan, Malacañang
Hawak nila’y mahigpit
Mula sa pagkasilang,
Ang Pilipino’y ipit.
Isa lang sana hari
At hindi dapat pari
Kung ako ang susundin,
Relihiyon alisin.
Mga lumang pananaw
Patuloy binubugaw
Mga tao’y binulag
Tupang di makapalag.
OO (Unang Tindig)
Kayong sekularista
Namimintas pirmihan
Ba’t di mag-imbestiga
Hinala’y patunayan.
Kayraming relihiyon
Iglesia, Katoliko
Pinatatamaan mo
Alin nga ba roon?
Pakyawang pamimintang
Gawain lang ng mangmang.
Hindi lahat ng pari
Ay nagpapakahari.
HINDI (Ikalawang Tindig)
Itong hidwaan natin
Mas matanda pa sa’tin
Bago pa ang imahen
Skeptiko’y buhay na rin
Sa ‘Pinas alam naman
Isa lang ang simbahan
Ang dala ng dayuhan
May bago lang pangalan
Pananampalataya?
Di sapat ang ginhawa
Ang problema: materyal –
Hindi kaya ng dasal.
OO (Ikalawang Tindig)
Nguni’t kung sasabihin
Ngalan lang ang naiba
Sa dami ng iglesia,
Ay sadyang kamalian.
Para sa nagugutom
Panginoo’y panghilom
Para sa nabubundat
Siya ay tinig na tapat.
Ikutin mo ang ‘Pinas
Iisa lang ang bigkas
Ang isang kilong bigas
Kuha sa dasalang paspas.
HINDI (Ikatlong Tindig)
Ang taong nakaluhod
Hindi nakaka-kayod
Kailangan mo’y sahod
Hindi sakit sa tuhod
Isa lang aking nais
Isa lang aking tanong
Ba’t pa nakikigulo
Pari sa politiko
Ilabas sa usapan
Ang gulo ng simbahan
Pulitika’y iwanan
Sa Pinoy, kaunlaran
OO (Ikatlong Tindig)
‘Sang oras lang ang simba
Kay Manalo dalawa
Panalangi’t trabaho
Madaling ipagsalo.
Pakikigulo’y iba
do’n sa pakikibaka.
Baka nalimot mo na
Ang paring makabansa.
Gomez, Burgos, Zamora
Kilala mo pa nga ba?
Sila ma’y makaluma
Diwa’y mapagpalaya.
OO (Pangwakas)
Gampanin ng iglesia
Dito sa ating bansa
Minsa’y nakakasama
Minsan nama’y mabunga.
Sa isip di nawala
Kasaysayang gunita.
Ang iglesiang Kastila
Tunay na mapanira
Sumilang ang GOMBURZA
Ang Iglesia’y nag-iba.
‘Sinilang si Aglipay
Ang Papa ay inaway.
Paring Katipunero?
Sa isipan ay bago
Sina Fray Pedro Dandan
Sa Kastila’y lumaban.
Si Trias, del Rosario
Dela Cruz at Ignacio.
Almeyda’t Villfranca
Pari nga lahat sila.
Kakagulat talaga
Di mo ba nalalaman
Na ang NPA Chairman
Seminarista pala?
Ayaw mong maniwala?
Basahin ang buhay niya
Upang iyong mawari
Jalandoni, ex-pari.
Huling banat ko na’to
Nang madiin ang punto
Doon sa EDSA Uno
Sinong nagpasimuno?
Nand’yan sina Cory;
Ang radyo ni June Keithley;
Ang humarang sa tangke
Mga pari at madre.
Roma, aanhin ko pa
Yo’y sadyang makaluma
Sadyang mapagpalaya:
Iglesiang Filipina.
HINDI (Pangwakas)
Ang dating catoliko
walang laman ang ulo
Galak sa pagkalito
Di ginustong magbago
Panahon ng Romano,
tanda mo tawag dito
ang edad ng simbahan
panahong kadiliman
Ang tao’y tao lamang
Ang tao’y tao parin
paa’y bagay sa lupa
di sa langit na hangin
Ang problema ng pinoy
Di kanyang kaluluwa
kundi ang kanyang tiyan’t
ang sunod na kainan
Bakit pa kailangan
ng maimting dasalan
kung tayo na’y gagalaw
sariling makisawsaw
ang bagong Filipino
kaya na ng mag-isa
baon dating rosaryo
iyong iwanan na.
___________________________
May pahintulot ng mga estudyante.
Featured Image: “Cartoon art hijacks the classics” ni Gerry Mak mula sa http://www.lostateminor.com/2011/03/01/cartoon-art-hijacks-the-classics/.