Kantilaho ni Joseph de Luna Saguid
UST Publishing House, 2009
Tula. 54 pahina
Finalist, 2010 Madrigal-Gonzalez Best First Book Award
Nanunuot sa mga hibla ng kamalayan at pandama ang Kantilaho ni Joseph de Luna Saguid dahil isa itong maingat at mahinahon na tinig ng mapanuring mata. Nasalat niya, naharap, at naunawaan ang sariling Kantilaho. Kaya ang pagdating ng kanyang mga salita sa atin, “Uunahan natin ang dilim/bago nito tuluyang angkinin ang ating katawan,” ay isa ring “huling hininga sa dambana/ng mundong nagnanasang/manumbalik sa kadalisayan ng salita.” Gagap ng makata ang tradisyon at mulat sa pangangailangang inobasyon. Higit sa lahat, nakaugat siya sa kanyang pinanggalingang lupa at dagat, gayunman, nakakalipad sa naangking galing sa pananalinghaga, na sa huli, ang minahan sa Sta.Cruz ay “hukay sa hukay” sa buong mundo.
Batbat hi Udan ni T.S. Sungkit Jr.
Imprenta ng Central Book Supply Inc.
Nobela. 215 pahina
Finalist, 2010 Madrigal-Gonzales Best First Book Award
Kung may tiyaga ka, tulad ng isang bagani, makikilala mo, maririnig, maaamoy ang mga lumang imahen, pangalan at pamilyar na lugar sa nobelang ito. Nariyan lamang sila ngunit naisantabi. Ito ang Batbat hi Udan ni T.S. Sungkit Jr. Isang hamon na makipagsapalaran sa mga “lihim na lagusan” at daigdig at maghanda sa pakikidigma kasama ang mga “lumilipad na apoy” at mababangong bulaklak, hanggang maging isa ka ring “pinakamalakas na bagani.”
Ginugulantang tayo ni T.S.Sungkit Jr. sa ating pagkalimot.
Ang pangkat ng mga bagani sa nobela ay ang banwa, ang bayan, ang bansa. Tayo mismo.
Nagkataon lamang na isang Higaonon ang manunulat. At anong tapang, anong galing ang pagkukuwentong ito!
Abangan ang mga dagdag na libro sa susunod na linggo!
(Maraming salamat sa U.P. Institute of Creative Writing sa pag-imbita sa akin bilang judge, kasama sina Prof. Rolando Tolentino at Prof. Luna Sicat, sa 2010 Madrigal-Gonzales Best First Book Award noong Disyembre 2010.)
Grade A stuff. I’m unquesotniably in your debt.
LikeLike
Batbat hi Udan is amazing! Ang saya ng klase namin sa panitikang Filipino nang i-discuss ng prof namin to. Sana dumami pa ang mga katulad nito na novels.
LikeLike