Skip to content

Posts from the ‘SEOULMATE (KOLEKSYON NG MAIKLINGKUWENTO)’ Category

2
Sep

“Jimjilbang” ni Genevieve L. Asenjo

Watercolor /Candice Davis 'www.lostateminor.com

Watercolor /Candice Davis / http://www.lostateminor.com

Mula sa SEOULMATE: MGA KWENTO

HINDI NAGKAKATUGMA ang kanyang mga mata at paa. Dahan-dahan ang kanyang mga hakbang. May bigat sa pag-aatubili. Mabilis naman na sinakop ng kanyang paningin ang buong kuwarto: hilera ng locker sa dulo, hilera ng shower sa gilid ng pader sa kanan, anim na magkasing-laking bath tub sa gitna, at limang katre sa bandang pader sa kaliwa. Lahat, sa bawat puwesto, mga babaeng nakahubad! Mag-inang nagsa-shower, magkakaibigang dalaga sa isang tub, at karamihan – matatanda. Ajumma. Lalo na ang mga nagkukuskos sa mga nakabilad sa katre, o nagkukuskusan.

Nabighani s’ya sa iba’t ibang hugis, korte, kurba, ng katawan. Ng laki at liit, tayo at luyloy ng mga suso. Ng umbok at patag ng tiyan. Ng kapal at nipis ng tatsulok na gubat ng itim na buhok sa pagitan ng mga hita ng mga nakatayo, ng mga akmang lulusong. Nahiya s’ya sa sarili sa aliw na naramdaman; sa pagkawili, sa pagkabighani. Catholic guilt, kampante n’ya sa sarili, habang nakatutok sa dalawang dalaga sa isang tub. Kapwa nakangiti ang mga ito. Natatawa pa nga sila. Masigla ang kanilang boses habang nakababad sa maligamgam na tubig. Parang wala silang sakit na nais gamutin kundi pagdiriwang ng pagkakaibigan.

Naalala niya ang tatlo n’yang kapatid na babae. Ang kanilang Inang. Ang apat n’yang tiya at sangkatutak na pinsan. Ang kanyang mga kaibigang babae sa elementarya, sa hayskul, sa kolehiyo. Naririnig n’ya ang hagikhik ng mga ito habang binubuksan ng susi ang locker. ‘Yung parang kinikiliti, na kinikilabutan, dahil walang ganito sa Pinas. At heto na nga, maghuhubad na rin s’ya – buong-buo – kitang-kita ang lahat.

At okey lang, talaga, dahil parang wala namang pakialam sa kanya ang ibang naririto.

Naalala n’ya si Tony, ang kanyang nobyo – actually fiancee – na naghihintay sa lounge. Nasa Boracay sila, masayang naghaharutan sa paliligo’t paglalangoy sa bandang grotto, nang sinabi nito na kapag mag-asawa na sila at nasa Korea na at nalulungkot siya’t nami-miss ang dagat, ito ang kanyang gawin: mag-jimjilbang.

Kinuha n’ya ang nakalawit na malaking bilugang hikaw. Tinago n’ya ito sa pouch sa loob ng locker. Sunod n’yang inalis ang relos. Ipinasok n’ya rin ito sa pouch. Pagkatapos, isa-isa, hinubad n’ya ang suot: blusa, bra, maong na pantalon, panty. Maayos n’ya itong tinupi sa loob ng locker. Pinalumpon n’ya ang nakalugay na mahabang buhok, bahagyang itinaas, saka muling binagsak. Hinayaan nito itong nakalugay. Inalis n’ya ang suot na heels at ipinasok din sa locker.

Napansin n’yang may kanya-kanyang maliit na basket ng gamit-pampaligo ang karamihan. Sarili nilang dala. Hindi ito nabanggit ni Tony.

May binigay na pakete ng shampoo at conditioner at shower gel ang babae sa counter. Ito ang ginamit n’ya sa pag-shower. Dahil bago lumusong, kailangan munang magkuskos, magsabon, magbanlaw. Naisip n’yang marahil paggalang din sa ginhawa na dala ng mainit na tubig. Nabasa n’ya sa internet na sa iilang jimjilbang, hinahaluan nila ng ginseng o green tea ito: tulong para bumuti ang daloy ng dugo, gumaling ang rayuma o ang sakit ng puso.

Nakareserba na ang susuotin n’yang hanbok pangkasal.

Sigurado s’ya sa gusto niyang mangyari ngayon. Magbibilad s’ya sa katre. Hihilata. At magpapakuskos sa ajumma. ‘Yun at lulusong s’ya’t magbabad.

Naghihintay si Tony sa lounge.

SUMENYAS ang matandang babae na mahiga s’ya sa katre, padapa. Maputi ito. Balingkinitan ngunit malulusog ang mga suso. Tan’tya n’ya, lampas singkuwenta. May paghanga s’ya’t inggit na nadama. Mahaba ang nakataling buhok ng babae. Maganda ang mukha, singkit ang mga mata.

‘Ni hao?’ Tanong n’ya para makaseguro. Tumango ang matanda at ngumiti. ‘Fe-li-pen?’ Balik nito sa kanya. ‘Nye,’ sagot n’ya, oo. Nakikita niya ang tayo ng mga letra sa Hangul. Para s’yang karne na binuhusan ng maligamgam na tubig saka sinabunan ng matanda. Ang
buo n’yang likod, pababa sa mga umbok ng pwet, hanggang sa magkabilaang paa. Mabibilis na hagod. Kasimbilis ng mga hakbang dito sa daan at subway. Saka kinuskos. Kinuskos nang kinuskos, na nakikita n’ya sa isipan ang mahabang dalampasigan ng puting buhangin ng Boracay sa nakukuhang mga libag, nahuhulog sa buhos ng tubig, at nangawala sa hangin na parang alikabok sa mga daan sa tag-araw sa Pilipinas.

Pinatihaya s’ya ng matanda. Kinipkip niya ang mga paa upang maitago ang laman ng mga hita ngunit pinalo si’ya ng babae, na parang sinasabi ‘Ano ka bang bata ka, bukaka.’ Hindi s’ya nagalit sa palong ‘yun, alam n’yang walang malisya, na parang ganun nga lang ang mga matatanda dito, tulad din noon ng kanyang lola, kaya muli, narinig n’ya sa isipan ang hagikhik nilang magkakapatid, hanggang sa bungisngis nila ng mga kaibigan sa hayskul at kolehiyo, sa kant’yawan na may tonong ‘pahiya-hiya ka pa d’yan, e, di ka na naman virgin.’

Nakaramdam s’ya ng pagka-atat na matapos na ang sandaling ito at makauwi na sila ni Tony sa kanilang apartment at makapag-internet na s’ya’t maikwento ito sa mga kapatid at kaibigan. Ito ang magiging bonding nila pagkatapos ng kanyang kasal. Bago umuwi ang mga ito sa Pilipinas.

Nagpatianod s’ya sa haplos at hagod ng mga kamay at daliri ng matandang babaeng Intsik na ito sa Korea. Ano ang sarili nitong kuwento ng pagkapadpad sa lugar na ito ng kimchi? Pinikit n’ya ang mga mata. Nakita n’ya sina Bruce Lee at Jet Li at ang magagandang
dalagang Intsik na naka-cheongsam. Kaya naalala n’ya rin si Cleopatra ng Ehipto. Dito n’ya itinigil ang sandali: isa rin s’yang diyosa tulad ni Cleopatra, na sinasabing naliligo sa gatas at honey para mapanatili ang ganda at kabataan.

Naghihintay sa lounge si Tony. Aabutin ‘to’ng jimjilbang ng tatlong oras. Pagkatapos nito, didiretso sila sa Samseong. Doon n’ya nakita, sa isang pottery shop, ang gusto n’yang panregalo sa mga biyenan. ‘Magbibigay ka rin ng regalo sa mga magulang n’ya,’ sabi ng isang kaibigan, kapwa n’ya bartender sa isang mamahaling resort sa Boracay na unang nakapag-asawa ng Koreano, ‘at dapat mahal para mahalin ka rin nila,’ kindat nito sabay tawa.

Mga gawa mula sa ceramic at pottery ng isla ng Jeju ang mga gamit pambahay sa shop na ‘yun na nadaanan n’ya sa unang pagpunta sa Gangnam. Basta naramdaman n’ya na dapat doon n’ya gastusin ang pinag-ipunan, sa damdaming ito na bumubulong na sundan n’ya kung saan s’ya liliparin ng alon, ng hangin. ‘Kung langit ang nasa itaas ng dagat, ano naman ang nasa labas ng langit?’ Naitanong n’ya kay Tony sa una nilang morning jog. Natawa lamang ang Korean- American na ito na higit isang taon nang customer nila, pabalik-balik para mag-golf, mag-dive, mag-snorkel. Dahil daw sa tanong n’yang iyon kaya nasabi ng lalaki sa sarili na s’ya na ang babaeng pakakasalan.


What is love?

Lumusong s’ya sa bath tub, itong han jeung mak. Sumandal s’ya at itinuwid sa pagkaupo ang mga paa. Ikinuskos n’ya sa batong pader ang balat ng likod at parang alon na nilaro-laro ng mga daliri ang tubig. Mainit. Humakop s’ya sa mga kamay at inakmang higupin. Gusto n’yang malaman kung ano ang lasa ng mainit na tubig na ito. Maalat ba tulad ng tubig-dagat? O baka naman may anghang kung kaya’t umaaso-aso? Ngunit inamoy n’ya lamang ito.

‘Tangerine,’ naiisip n’yang sasabihin kay Tony, na ito – tangerine ang amoy ng tubig sa han jeung mak na ito sa kalye ng Uijengbo – dahil gusto n’ya ang salitang ito, na alam n’yang prutas at isa ring kulay.

‘Jujube,’ naisip rin n’ya, at natawa, sa isa pang bagong salita na ito, na kasama raw ng chestnut na ilalagay n’ya sa kanyang panregalong gamit pambahay, dahil nangangahulugan ito ng anak – malusog, maganda, matalino, at magaling na apo!

Negosyante si Tony. Ito ang pagkakaalam ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Totoo naman. May-ari ang kanyang pamilya ng isang surplus shop ng mga electronics dito sa Uijengbo, halos isang oras ang layo sa Seoul. Nakatira si Tony sa kanyang mga magulang. Maliban sa kanyang panregalo sa mga biyenan, inako n’ya rin mula sa kanyang separation pay at naipong tip ang furniture budget nila sa rerentahang apartment.

Akala ng kanyang pamilya at mga kaibigan, spoiled s’ya ni Tony, na ito ang gagastos lahat para sa kanilang kasal. Hindi nila alam maging ang pinag-ipunan n’yang panregalo. Kahit ng kanyang bridesmaid, na bestfriend n’ya noong hayskul.

Alam n’ya ito bago pa man s’ya nagka-passport. Mas nakakampante s’ya rito kaysa umasa na lang sa pera ng nobyo. Alam na n’ya na langit ang nasa itaas ng dagat, bundok ang nasa kabila o ang walang hanggan kung idi-diretso n’ya ang paningin. Gusto n’ya ng labas, makalabas, mailabas ang sarili sa mga tanong at pag-alala at walang katapusang inaasahan na kung anu-ano, o pag-asa sa kung ano.

Sa totoo lang, nasarapan s’ya sa palo na ‘yun ng matandang babae. Masakit. Narinig n’ya ang pagtama ng tsinelas sa lata sa larong tumbang preso noong kabataan n’ya sa isang kalye ng Kalibo. Damang-dama n’ya ngayon ang paghagod sa mga braso, pababa sa mga binti’t paa. Walang kasinsarap ang init ng tubig na ito, na amoy tangerine, amoy jujube!

Nag-isip pa s’ya ng isa. Isa pang kulay o prutas. Ayaw n’ya ng chestnut. May lutong ng mani at pili – ordinaryo.

Wala s’yang maisip. Sa halip, umeksena ang tanong na ‘what is love?’

Minsan isang hapon at nagsa-sunset viewing sila, na-k’wento n’ya kay Tony na napanaginipan n’ya ang kanilang honeymoon – nasa North Korea. Parang nadudurog na mangga sa blender ang mukha ng nobyo. Joke, joke, joke, agad n’yang dugtong.

Hirap magbiro sa foreigner, reklamo n’ya sa mga kaibigan pagkatapos.

Doon sa buhanginan na ‘yun ng Station 1, sa sandali ng pagdudumi ng mga paniki sa bakhawan at magkahawak-kamay sila sa muli’t muling pagkamangha sa iba’t ibang tingkad ng kahel ng papalubog na araw ng Boracay, noon n’ya naisip na love means you don’t need to be honest to the one you love, all the time. Dahil maaaring hindi pa right time para harapin ang katotohanan, halimbawa, na naaliw lang kayo sa isa’t isa. Minsan pa, isang umaga sa hotel room ni Tony bago sila lumabas para mag-breakfast, naabutan n’ya mula sa pagsa-shower na nagbibilang ito ng pera. Peso, won, U.S. dollar. Nakakita na raw ba s’ya ng U.S. dollar? Nabigla s’ya. Gusto n’yang matawa at sabihing nasa Pilipinas tayo, hindi mo ba napapansin na we love Americans here kaya s’werte kang Koreano ka, sa’yo ako na- in love?
Pero umiling s’ya. Pagkukunyari. ‘Give me, give me,’ lambing n’ya na natatawa. Akmang bibigyan s’ya ng nobyo nang dinagdag n’yang ‘just teasing you, hon.’ Joke, joke, joke.

Palagi, iiling-iling lang si Tony at matatawa rin. Kaya alam n’yang magiging happily married sila.

PINAGMASDAN n’ya ang mag-ina sa unahang tub. Nasa elementarya ang batang babae. Future ballerina, naisip n’ya, o di kaya’y gymnast. Maganda ang ina, kamukha ng mga babaeng bida sa mga Koreanobela na naka-dub sa Tagalog.

Humilig s’ya pakanan at muling inunat ang mga paa. May pares ng magaganda ring dalaga na nagkukwentuhan. Napansin n’ya na habang magkalapat ang mga balikat ng mga ito, magkahawak-kamay din. Napangiti siya.

Nilingon n’ya ang mga ajumma sa hilera ng mga katre. May mga nag-aayos ng mga gamit sa kanilang kahubdan na parang posible rin na nakahubad din sila sa kani-kanilang bahay habang nagluluto o nagwawalis. Inalala n’ya ang mukha ng kanyang Inang. Sa halip, mga kamay nitong kulubot ang higit n’yang nakikita. Hindi sila sanay mag-ina na magyakapan o maghalikan, sa tuwa man o lungkot. Walang iyakang mangyayari sa kanyang kasal. Gayunman, gustong-gusto n’ya ngayon ihilig ang ulo sa balikat ng Inang, ‘yung parang anak lang s’ya uli nito. Bigla n’ya rin na-miss ang mga kapatid at kaibigan.

Kinapa n’ya ang mga suso, kinarga, tinimbang. Pinalibot n’ya ang mga daliri rito at nilaro-laro ang mga utong, tulad ng parang pagkuskos-haplos dito ng mga daliri ni Tony. Sinalat n’ya ang mga ito sa kung anong bukol, anong tigas o lambot, pangangalay o pananakit. Napatiyad s’ya at napahinga nang malalim. Inhale, exhale; inhale, exhale.

Nakikita n’ya ang sarili: tumatakbo sa kalsada ng Uijengbo, naka-hanbok pangkasal. Naghihintay sa lounge si Tony. Didiretso sila sa Gangnam, sa pottery shop na ‘yun, bibili ng kanyang panregalo.

Matutuwa ang kanyang mga biyenan. Bukas, titingnan uli nila ang wedding hall, dadaanan ang mga kamag-anak ni Tony na tumutulong sa preparasyon, at kung anu-ano pa at marami pang iba. Simple lang ang kanilang kasal, sabi n’ya sa pamilya at mga kaibigan. Medyo tradisyonal, medyo modern.

Darating na ang mga ito sa weekend. Natutuwa at matutuwa pa ang mga ito para sa kanya, sa kanila ni Tony, lalo na dahil dadalhin nila dito sa jimjilbang na ito, na sigurado s’yang babalik-balikan n’ya, hanggang marahil madiskubre n’ya kung ano ang nasa labas ng langit.

Advertisements
30
Nov

Paghahanap ng Gingko

Paghahanap ng Gingko
Genevieve L. Asenjo

1.

Humahagibis ang hangin sa mga tangkay ng puno sa iyong harapan. Naramdaman mo ang pag-akyat ng lamig mula sa basa mong medyas patungo sa laylayan ng iyong pantalon. Ngunit wala nang sindak ang ulan sa’yo. Wala na ring sentimental. Kaya wala kang payong na naiwan sa Rm.203 sa isang 5-storey na bilding. Kulay abo ngunit nakasulat ang “corner Green House” – isang lapida sa gilid ng salaming pintuan na ang pagbukas ay kasabay sa awtomatikong pag-ilaw ng sahig, paakyat sa hagdan patungo sa iyong kuwarto.

Ikinagulat mo ito noong una; isang pagkamangha tulad ng unang pag-upo-salampak sa tablang sahig, kakulay ng mababang mesa, sa isang malapit na restawran, at nakapananghalian ka ng bibimbap at kimchi sa pamamagitan ng pag-pantomime.

Dumukot ka ng kendi sa bulsa ng iyong bag, token ng restawran na iyon. May 30 minutos ka pa para sa paghihintay ng pagtila ng ulan, na pinaniniwalaan mong kawas ng bagyo sa Manila; tatlong oras na lipad sa eroplano ang layo. Shuttle bus stop. Karatula sa iyong tagiliran. Parang tapik ng isang kaibigan sa balikat. Dahil nasa Ingles. Wala pang isang buwan ang pag-aaral mo ng Hangul. Galing ka sa main library at isang bilding mula sa kalye ng tawiran at shuttle bus stop na ito ang iyong klase.

Tag-araw, summer, ang Hunyo sa Korea. Ito ang nakasulat sa guide book, sa Wikipedia; ang sabi ng ilan mong ka-Facebook nang malaman nila na natanggap ka sa isang writing program. Gayunman, lamig-Disyembre sa Pinas ang sumalubong sa’yo sa airport ng Incheon.

Nagustuhan mo ito at napakasarap ng iyong tulog sa unang gabi. Sa’yong panaginip, ang makukulay na rosas sa kahabaan ng daan at ang nakalugay sa mga bakod ng kalapitbahay na pinagnasaan mong pitasin, kung hindi lamang pinaalala sa’yo ng iyong guide na pagmamay-ari ito ng ibang tao. Kinilabutan ka sa nag-flash na headline sa’yong utak: Filipina in Seoul, arrested for picking roses! Napapangiti ka tuwing maaalala ito.

Nag-vibrate ang iyong cellphone. Stay dry. Mula sa kanya. How can a summer rain ravage a girl from a country of typhoons and floods? Sagot mo. Ngunit nagpasilong ka rin. Text ng kapatid mo kahapon na kumakalat na hanggang Visayas ang influenza A(H1N1). Kinukuha tuwing Lunes ang inyong body temperature sa unibersidad na ito. Kahit pa may insurance, takot ka na magkasakit.

Sa library kanina, napag-alaman mo na limang libro ang maaari mong mahiram sa loob ng 10 araw. Ipinagtanong mo kung maaari kang maka-renew. Umiling ang lalaking librarian. Anneo opsoyo. Weird, naisip mo; inulit mo: “Renew…extend?” “Postpone?” Sagot niya.

Napatigil ka, napatango, handa nang bumigay: kung ‘yon ang panuntunan nila, e, sige na nga. Nabigla ka na lang na naging 20 ang palugit. Para kang kinikiliti sa pagbungisngis na hindi kumawala sa’yong bunganga habang sakay ng elevator. Ngunit paano kung nasa emergency ward ka? May sariling wika nga naman sila, maging sa pagbigkas at bokabularyo nila sa Ingles. Katulad ng pagmamanufakturya nila ng sariling cellphone at sasakyan. Ang noreebang, ang ipinagmamalaki nilang kara/videoke.

Iyon – habang natutunaw ang kendi sa ‘yong bunganga at wala kang ilusyon na may mag-aanyaya sa’yong sumilong sa kanilang payong, tulad na hindi nagbibigay ng upuan sa tren ang kalalakihan dito – napansin mo ang mga puno sa’yong harapan.

Nariyan sila katabi ng mga granateng gusali, nagpapaluntian ng buong campus. Nakahilera sila sa mga daan ngunit ngayon mo lang napansin – sa ulan – ang kanilang mga dahon. Parang pamaypay, abaniko, ang hugis. Nakumbinsi ka na iyon ang gingko. Ginkgo biloba.


Sinuong mo ang ulan. Nasa sneakers mo na ang hagibis ng hangin. Bawal ma-late sa klase.

Sa isang tindahan ng herbal sa mall malapit sa ‘yong tinitirahan sa Manila, nabasa mo na pampalakas ng memorya at pampaalis ng pagod ang gingko. Humalbot ka ng mga dahon, isang pag-isnats sa tangkay ng sangang napayuko.

Nagbibilang ka sa mga daliri sa Hangul. Ito ang leksyon ninyo ngayon at bilis ng mga kaklase mong Intsik at kakulangan sa Ingles ng iyong guro ang ‘yong kalaban. Sa unahan ng bilding ng iyong klase, lampas sa kalye kaharap ng unibersidad at hilera ng mga punong gingko (sigurado ka na), walang tigil ang konstruksyon ng mga gusali. Lumalampas ang paningin mo rito, umuuwi sa’yong probinsya saan balita ang pagkatiphag ng mga palayan at pagkaluoy ng mga palay bago pa man maani.

Pinaglaruan mo ang mga dahon sa’yong mga daliri, saka itinabon sa’yong ilong sa pag-alingasaw ng lupa, kahalo ang amoy ng napupulbos na semento at bakal.

2.
Nakisali ang lagpok ng iyong heels sa mga babaan-akyatan-lagusan ng subway mula sa istasyon ng Bomun patungong Anguk. Unang pagkikita n’yo iyon at napagkasunduan n’yo na alas dos ng hapon sa Insadong. Nabasa mo na ito ang kalye ng tradisyonal na mga galeri, restawran, at tindahan ng mga antique, porcelana, papel na hanji, at kung anu-ano pang palamuti at dekorasyon. Sa Facebook kayo nagkakilala. May isa kayong common friend na kapwa nag-tag sa inyo ng link mula sa Book View Café ng “About Literary Bests” ni Ursula K. Le Guin. Nag-email siya sa’yo matapos niya makita ang mga litrato mo rito sa Seoul, at ‘yon ang simula ng mga chat at SMS.


Ito ang pangatlong salita sa Hangul na kaagad mong natandaan: Palli, palli. Hurry, hurry. Bilis, bilis. Naroon na siya nakatayo sa platform. Naka-jeans, polo-shirt na avocado green, at itim na sapatos. Anneoyong haseyo ang una mong natutunan mula sa’yong guide. Hello. Binati ninyo ang isa’t isa rito, may pagyuko.

Dinala ka niya sa isang vegetarian restaurant na nalathala sa The New York Times sa kanyang Buddhist temple-cooking. Sinubukan n’yo ang seasonal Buddhist monk’s favorite vegetables; steamed beancurd with burdock, mushrooms, carrots, at jujube tea. Nakalatag ito sa inyong harapan sa mapupulang mangkok gawa mula sa kahoy ng zelkova na namumuhay sa kabundukan ng Chiri-san.

Doon at nabanggit mo ang paghahanap mo ng punong gingko.

 Gingko Biloba ni Gen Asenjo

Nais mo itong makita sa ginintuang dilaw, tulad nang una mo itong masilayan sa pelikula ni Kim Ki-duk na “Spring, Summer, Fall, Winter…and Spring.” Nanalo ito ng Cannes noong 2003. Buddhist monk ang bida, na may baong bato sa isipan at puso, na nagdala sa inyo sa The Unbearable Lightness of Being ng Czech na si Milan Kundera, dahil hindi niya napanood ang pelikulang ito.

Doon n’ya rin naikuwento na nakakapagsalita siya ng Czech. Limang taon siyang nanirahan sa Prague, pagkatapos ng kolehiyo. “My childhood had the luxury of loneliness,” sabi niya. “My mother left me when I was 6. For a long time, I wondered if there’s someone who will love me, and one day, I read about Prague and there was something about its old-world atmosphere and architecture that welcomed me.”

Napatigil ka sa pag-inom ng jujube tea, napatuon sa berde niyang mga mata, sa kanyang mga biloy. Nakikita mo ang mga lumang litrato sa black and white, sa sepia; ang pirated DVD ng mga pelikulang nanalo sa mga international fimfest na nakalagay sa mga paper bag sa ilalim ng ‘yong flat screen TV sa condo, ang kuwentong “Araby” ni James Joyce na itinuturo mo sa klase.

Kaya marahil, patuloy niya, nag-asawa siya sa edad na 26, hindi lamang para maisama niya pabalik sa Florida. Ngunit naghiwalay din sila pagkatapos ng tatlong taon. Nagturo siya ng Ingles sa Taiwan, at ngayon, dito sa isang hagwon – pribadong paaralan. Mag-aanim na buwan na, pa lamang.

Punta ka sa Pilipinas, malapit lang, mura, narinig mo sa sarili, ngunit hindi mo naibigkas. Mas magiging masaya ka sa aking bansa, dahil mas mahal namin ang banyaga.

Tumunog ang nakilala mong Arirang, ang pinakasikat na tradisyonal na awitin ng Korea. Lamentasyon ng walang katapusang pag-aabang sa pagbabalik ng minamahal, sa kalayaan ng bayan. Nalaman mo rin ito dahil sa pelikula. Nasa playlist mo ito, kasunod ng Usahay, ng Matud Nila, ng Dandansoy, ng Dahil Sa’yo.

Lumakas ang pagnanais mong makita ang tutuong punong gingko, patuloy mo rin, matapos mabasa ang antolohiya na New Writing From Korea, at napahagulhol ka sa ‘yong ondol na sahig. Dahil sa inggit sa dulas at kinis ng papel na ginamit sa publikasyon, at sa amoy ng nasununog na kabundukan ng Panay habang sakay ka ng van noong isang tag-araw na pauwi ka sa Antique. Higit sa lahat, sa kalungkutan na tumatagos sa buong aklat: mga bana na nambubugbog ng asawa, mga asawa na nang-aabandona ng pamilya, mga panangis ng mga migranteng manggagawa na Nepalese, na sigurado kang mga hikbi at mura rin ng mga Filipino, na nilulunod sa pag-text at pakikinig ng misa sa Tagalog tuwing Linggo sa Hyewa.

Nagkasundo kayo, pinaniwala ang inyong mga sarili, na naiintindihan ninyo kung bakit ganuon ang mga Koreano: dahil sa Kasaysayan nila ng pagiging kolonya ng Hapon, ang serye ng diktaturyang militar, ang Korean War na nagresulta sa divisyon ng South at North – sa pakikialam ng America. Nag-aaral sila ng Ingles para lalo pang makabenta ng kimchi; makapagpatibay ng won.

Magaling ang iyong Ingles, sabi niya. Kahanga-hanga. Tulad ng ‘yong talino at ganda. Kinurot mo siya sa tagiliran. “Flattery will not bring you anywhere,” sabi mo, sabay tawa. “I’m telling the truth,” depensa n’ya. “You are a very attractive woman, and your accomplishments, my god, you are shaming many Americans who can’t even spell.”

Sa Subway ni Gen Asenjo

Lumalakad na kayo noon diretso sa istasyon ng subway. Patungo kayo sa Itaewon, ang distrito na tanyag sa pagkakaroon ng mga karatula sa Ingles, kung kaya ang pag-umpukan ng mga banyaga rito, lalo na ng mga sundalo.

Namangha ka sa kawalan ng pangangalay ng mga paa sa pagsuot ng heels, na para bang bihasa ka na, tulad na naangkin mo na ang paniniwala na maganda ka nga, talaga – kaya kumikinang sa tag-araw ng Seoul ang ‘yong kulay-muscovado na balat, may kurba ng mga daan sa Pilipinas ang ‘yong maliit na katawan, ang ‘yong mukha isang talaarawan ng pag-aaklas ng ‘yong mga ninuno saan, may namumukadkad na waling-waling.

Naupo kayo sa labas ng isang restawran, may kandila sa gitna ng mesa, sa ilalim ng mga puno. Sa bakod, nakahilera ang paso ng mga rosas: puti, dilaw, pula, kahel. Hinagod n’yo ng tingin ang mga puno. Baka may gingko sa kanila. Hindi n’yo man lamang naisipan magtanong: masyado ka’yong lublob sa inyong mga kuwento, sa isa’t isa. Ang “A Clean, Well-lighted Place” ni Ernest Hemingway ang inyong naisip nang ihatid ng batang weyter ang inyong Hite beer.

Napag-alaman n’yo rin na kapwa kayo nakikinig sa The Smiths, at para bang kaagad n’yo naintindihan ang inyong mga sarili at ang isa’t isa at ang marami pang nauna sa inyo at mga susunod, tulad na sa bawat bagong libro na inyong nababasa, nadagdagan ang inyong pagkadismaya sa tao at sa mundo. Kaya patuloy kayong susulat: ikaw ng ‘yong mga tula at kuwento, siya ng kanyang screenplay. Kaya, maaari lamang kayong maging mangingibig, hindi bilang asawa, ng iisang tao, habambuhay.

Binigkas mo ang pangalawang Hangul na nalaman mo: kamsahamnida. Thank you. Sumagot siya ng komapsamnida, ang informal na versyon. Pinaulit mo sa kanya ang “maraming salamat” hanggang malubid niya sa dila ang tamang pagbigkas. Nasa platform kayo ng subway, ang mga karatula sa Hangul, ang kabataan at matatanda sa kanilang heels, at inaanunsyo ang pagdating ng huling biyahe ng tren.

Nakahawak ka sa barandilya, ipit ang mapa, ang antok nasa pangangalay ng ‘yong leeg. Nakikita mo ang bilis ng kanyang mga hakbang patalikod, ng kanyang pagpara ng taksi sa kalye dahil sigurado siyang hindi na niya maaabutan ang huling biyahe pabalik sa kanyang linya. Ganito ‘yon sa bansang ito: may katulad silang paggalang sa oras sa kanilang matatanda. May numero ang mga bus at dumadaan lamang sa iisa at parehong ruta kada araw. May tamang babaan at akyatan. Hindi ka magkakamali. Sa klase, ang mga halimbawa lamang sa teksbuk ang kailangan mong banggitin. Maaari ka mang dumagdag, hindi ka na rin aabot sa oras. Mabuti pang sumunod ka na lang.

Tibok at kurot sa dibdib. Sa ganito ka namumuhay sa siyudad na ito, na ang pagsakay-baba sa subway, hindi naghahatid sa’yo sa bahay, o sa pinalangga.

Mga Dahon ng Gingko ni Gen Asenjo

3.

Ginkgo biloba. Tinatawag din bilang Maidenhair. Buhok ng dalaga. Buhok mo.
Mabagal tumubo, sabi ng Wikipedia, at mahaba ang buhay. Mabaho ang prutas at hindi namumulaklak. Parang pyramid ang hugis.

Tag-ulan at tag-araw lamang sa Pilipinas, sabi mo, kaya walang gingko. O baka hindi mo lamang alam. Lumalakad kayo noon, bago n’yo makita ang restawran na ’yon. Magkahawak-kamay.

Lumalakad ka ngayon, mag-aala-sais ng gabi, isang oras ang lampas sa Pilipinas. Katatapos lang ng ‘yong klase at pagtuturo ng direksyon ang naging bago n’yong leksyon sa loob ng apat na oras. E ang dinadagdag pagkatapos ng lugar at direksyon, indikasyon ng posesyon at posisyon, bago ang pandiwa-pangwakas na esayo (positibo, hal. oo) o opsoyo (negatibo, hal. hindi).

Pinaskel ng guro ang mapa ng Hankuk (Korea) at kailangan n’yong sabihin kung nasaan banda ang inyong bansa. Napatigil ka sa dalawa mong mapagpilian: we e (itaas/above) o are e (ibaba/below, under). Nasa itaas ng Pilipinas ang Hankuk. Nasa ibaba ng Hankuk ang Pilipinas.

Minamartilyo ang ‘yong dibdib. Ano man sa dalawa, dehado sa posisyon. Bago ka pa makapagdesisyon, sinita na ng guro ang patuloy mong pagsusulat, pa rin, sa alpabetong Ingles. At hindi ka niya tinawag para magsalita, ikaw na nag-iisa sa klase ng mga Tsunggo (Chinese). 

Naisip mo si Maya Angelou na nagpakapipi noong bata matapos magahasa. Kaya mo rin. Lalo na at nagiging Philippine, walang S, ang Pilipinas man o Philippines, kapag nasa Hangul. Nang itinanong mo noon kung bakit hindi mo maidagdag ang titik na S, opsoyo lamang at iling ang isinagot ng sunsenim (guro). Kailangan mong sundin ang opisyal na pagsulat nila sa pangalan ng ‘yong bansa, tulad ng pag-uulit ninyo sa binibigkas ng sunsenim.

Sinuot ka ng pangungulila sa kanya, ang kaibigan mong Amerikano. Sa’yong isipan, tumatakbo ka patungo sa kanya, sa isang burol na inyong tagpuan, para kurutin siya’t bugbugin ang dibdib. Mabagal ka sa Hangul dahil lumalatay muna ang ‘yong pag-unawa sa Ingles. Salamat sa Amerika, umunlad ang Korea, naalala mo sabi n’ya sa pagitan ng paglagok ng beer. Hindi ka na naglitaniya noon ng korupsyon sa ‘yong bansa. Ikinuwento mo na lang si Jose Rizal at ang kanyang Noli Me Tangere at Il Filibusterismo, na hindi niya rin alam. Salamat sa Ingles, nagkakaintindihan kayo sa bansang ito.

Lumalakad ka sa hilera ng mga puno na sigurado mong gingko nga. Nasa bag mo pa ang mga dahon. Parang nawala ang iyong pagod sa katiyakan na ito. At upang masubukan ang bisa ng ‘yong memorya, itinuro mo ang mga ito sa Kinaray-a: dya, amo ra, amo ‘to; sa Hiligaynon: ini, ina, ato; sa Tagalog: ito, iyan, iyon, at sa Ingles: this, that (near), that (far). Sa Hangul: ego, kugo, tsugo.

Sigurado ka ring magkaintindihan kayo ng matandang tindera sa palengke na suki mo ng hipon at isda. Ang hindi mo sigurado ay kung tama ang pagkasulat mo nito kung walang kodigo. Okey lang ‘yon, naisip mo, ang gingko nga matagal tumubo. Higit 20 taon ang paglublob mo sa Ingles bago ka masabihan na magaling. Kailangan mo pang makadayo sa ibang lupain bago maituring na maganda.

Nag-vibrate ang ‘yong cellphone. Ibinalita niya ang pagbili niya ng mountain bike para sa pamamasyal sa Ilog ng Hangang at sa kabundukan na nilalatayan ng tren. “Nakita ko na ang gingko, hanapin mo para sa akin ang napakapulang azalea roon,” narinig mo sa sarili. Sinasalin mo ito sa isip bilang tugon nang dumating ang ‘yong bus: 1111.

Kaagad kang humakbang papasok at nag-flash ng ‘yong e-card na nakakabit sa ‘yong cellphone para sa bayad. Walang bakanteng upuan. May lakas ka sa pagtayo at paghawak sa barandilya, sa paglamon ng ‘yong mga mata sa mga puno ng gingko na nadadaanan, hanggang sa paghintay ng araw ng muli ninyong pagkikita. Bibigkasin mo ito – ang linyang iyon – sa tamis at lungkot ng Tagalog, sa madulas na salin sa Ingles, at aawitan siya ng kundiman. #

____________________________

Nalathala sa ANI 35: Pinoy as Asean, antolohiya ng Cultural Center of the Philippines, 2009. Ang salin sa English, Looking for Gingko, nalathala sa Asia Magazine, Philippine Edition. Winter Issue. 2009. May salin sa Korean.

Larawan sa Itaas: Mula at may permiso ni Bobby Wong Jr. ng http://www.postcardsfrommanila.com/