Skip to content

June 29, 2019

Bakit Ako Nanood, O Ang mga Entablado ng mga Dula ng Virgin Labfest 15: Titibok-tibok

by Pangga Gen
Poster mula sa Facebook Official Page ng Virgin Labfest 15.

BAKIT AKO NANOOD ng Virgin Labfest 15: Titibok-Tibok? 

Bumili ako ng Festival Pass para sa unang linggo na bumukas noong Hunyo 19 at magsasara sa Hulyo 7 sa Cultural Center of the Philippines. Taon-taon naman ako nanonood ng VLF. Pero espesyal ang taong ito. Una, may play sina Ryan Machado at J. Dennis Teodosio. Kapwa ko sila unang nakilala ng personal at nakasalamuha nitong huling linggo ng Pebrero sa San Jose, Nueva Ecija City sa Personal Essay Writing Workshop ni Wilfredo Pascual. Maliban sa magaling silang manunulat, mabubuti silang tao. Pangalawa, dahil nakapagsulat uli ako ng one-act play nito lang – “Ang Projector ni Ma’am,” pagkatapos ng “Bomba” noong isang taon. Pareho commissioned ng Harlequin Theater Guild ng De La Salle University. Nag-enjoy ako sa danas ko ng pagsulat ng dula, at sa buong proseso ng kolaborasyon. Mas ramdam ko ngayon ang uhaw na higit pang matuto.

“Think of stage,” ito ang sabi ni Em Mendez, kaibigan at premyadong mandudula, na biggest take away niya sa mentor niyang si Vic Torres. Nasa isang coffee shop kami noon, 2015, inihahanda namin ang aming entry sa VLF, ang “Ang Nanay Kong Ex-NPA”, na luckily, natanggap. Naalala ko ito dahil ito ang pinaka-challenge ko: paano i-desinyo ang naratibo sa istruktura ng one-act play, saan, “every line is an argument” (ito ang pinaniniwalaaan ko, mula sa isang nabasa, at ang tipo ng mga dula na nagugustuhan ko) para ma-reveal at intensify ang conflict, tungo sa satisfying na resolution. Hindi ko pa tinuturing ang sarili bilang playwright. Aspiring, oo. Nasa tula at pagkukuwento ang training ko, bagama’t naging aktibo rin ako sa community theater sa probinsya namin sa Antique bilang organizer at director, at naging member-officer ng Experimental Theater ng UPV sa Miag-ao, Iloilo.

Kaya naging atensyon ko sa VLF 15 ang pagsipat sa paglapat para sa entablado ng naratibo. Oo, collaborative ang teatro – nariyan ang direktor, mga actor, stage designer, at iba pa – para sa kani-kanilang pagpapakahulugan sa pag-atake sa dula ngunit ang mga pahina ng dula mismo ay dapat naglalaman ng integridad nito sa kung ano’ng visyon mayroon ang mandudula. Sa pagbabasa pa lamang, may pagtatagpo na sa isipan sa posibleng artikulasyon nito sa entablado. Kaya sa higit 200 na nagpasa ngayong taon, silang 12 ang napili (isa lang ito sa mga posibleng factor; hindi ako privy sa selection criteria).

Paano inisip ng mandudula ang entablado?

Nag-enjoy ako sa lahat.

For my agenda, narito ang seleksyon:

Sa SET A, isang hukay sa bundok ang entablado sa “Isang Gabing ang Buwan ay Hila-Hila ng Gula-Gulanit na Ulap” ni Ryan Machado. Oras: Kalagitnaan ng gabi. Panahon: Kasalukuyan. Mga Tauhan: Dalawang lalaki. Ano ang mga kuwento na malalaman natin sa paghuhukay sa bundok ng dalawang lalaki sa gitna ng gabi? Clever para sa akin ang naisip na ito ni Ryan para mailahad ang mga napapanahong kuwento sa kanayunan. Thriller ang usad ng mga linya at eksena; hindi “drama” tulad ng inaasahan ko dahil sa senti na tono ng pamagat. Mahusay ang direksyon ni Paolo O’Hara at ang pagganap nina Ybes Bagadiong at Heber O’Hara.

Poster mula sa Facebook Official Page ng Virgin Labfest 15.

Sa SET B, what a relief from poverty porn na nasa loob ng isang condo unit ang naratibong OFW sa “Anak Ka Ng” ni U Z Eliserio. Direksyon ni Maynard Manansala. Pagtutuos man sa pagitan ng mag-ina na mahusay na ginampanan nina Skyzx Labastilla at Krystle Valentino, naka-move on na ito sa drama nina Vilma Santos at Claudine Barreto sa pelikulang “Anak” (2000), much more sa sentimiento ng “Anak” ni Freddie Aguilar.

Nag-enjoy din ako sa “Wanted: Male Boarders” ni Rick Patriarca. May defamiliarization effect ang direksyon ni George de Jesus III. Obviously, sa loob ng isang boarding house. Kaya effective na na-advance ang diskurso ng homophobia at sexual fluidity. More than these, para sa akin, kuwento ito ng intimacies. Napakahusay ni Lance Reblando bilang ang “enigmatic board mate.”

Poster mula sa Facebook Official Page ng Virgin Labfest 15.

Naisip ko ang Netflix series na Black Mirror sa “The Bride and the Bachelor” ni Dingdong Novenario sa SET C. Non-linear, multi-dimensional treatment ng isang karaniwang kuwento: Paano kung 10 years na kayo pero wala pa ring proposal? Pagtutuos ito ng mag-ex sa araw ng kasal ni girl. Malalaman natin ang kanilang kuwento sa loob ng isang condo unit. Interesting sa kanyang hyperreal element: may time travel at epektibong naipasok ang things pop and digital. Direksyon ni Topper Fabregas.

Nasa loob din ng condo unit ang setting ng “Surrogare” ni J. Dennis Teodosio. Direksyon ni Roobak Valle. Anniversary dinner ng “fantabulous relationship for almost seven years” ng gay couple Adam & Eve. Perfect set-up for a conflict. Here comes another character named Ana. Kaya naging riot at na-advance ang diskurso tungkol sa mga pagsubok ng gay couple na gustong magka-pamilya, o maging pamilya. Is three a crowd? Or it takes three to raise a child? Makinis na desinyo.

Poster mula sa Facebook Official Page ng Virgin Labfest 15.

Kaya naman pala nasa panghuli, SET D ang tatlong ito:

Isang home for the elderlies ang entablado sa “Ang Pag-uulyanin ni Olivia Mendoza” ni Rolin Migyuel Obina. Direksyon ni Phil Noble. Engaging ang dula hindi lamang dahil sa buhay ng mga matatanda ang inilalahad kundi ng isang matandang bakla na nagpa-sex transplant. Riot din, lalo pa’t all-star cast: ang favorite VLF couple na sina Edna Vida at Nonoy Froilan, Celeste Legazpi, Crispin Pineda, at ang pinakagusto ko kahit minor character lang ang ginampanan niya, ang artista sa TV at film na si Erlinda Villalobos.

Sa loob ng isang bahay sa isla ang entablado ng “Larong Demonyo” ni Nick Pichay. Isang retired general na may kinalaman sa Martial Law at isang binatang nag-a-apply ng trabaho ang mga tauhan. Sa direksyon ni Jose Estrella at mahusay na pagganap nina Leo Rialp at Johnny Maglinao. Intriguing:  political thriller wrapped in domestic intimacy. 

Poster mula sa Facebook Official Page ng Virgin Labfest 15.

Monologue ang “Wala Nang Bata Dito” ni Sari Saysay. Pinaka-payak din ang entablado: isang silid na bahay ng magpamilyang mangingisda. Nagtutupi ng bagong laba na mga damit ang tauhang nanay. Mahusay na ginampanan ito ni Venise Buenaflor. Direksyon ni Tanya Lopez. Nahanap ng laman ang porma sa pagkukuwento kung ano ang nangyayari sa kabataan at kababaihan sa mga komunidad kapag kakaunti o halos wala nang maiuuwing isda ang mga tatay. Ang tensyon ay sa kung makukuha ba ng mga pulis sa gabing ito ang anak, na pinaghahandaan ng ina ng baong damit; basta na lang ba ibibigay niya ang kanyang anak? Ang pagtutupi bilang akto at panahon ng pagpo-proseso ng ina ng kanyang kaisipan at damdamin, kaya ang hallucinatory moments na maghahanda sa mga manonood sa isang lohikal na katapusan.

Magaan ang kabuuan kong panonood, lalo na’t hindi pa umuulan noong isang linggo.

At may nakita akong entablado para sa isa kong kuwento.  ðŸ™‚

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Note: HTML is allowed. Your email address will never be published.

Subscribe to comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.